Nalungkot ang Dalaga nang Walang Matanggap na Regalo, Anong Parsela kaya ang Biglang Dumating na Nagbigay Buhay sa Kaniya?

“O, anak, araw ng mga puso ngayon, sambakol na sambakol ‘yang mukha mo. May masama bang nangyari sa’yo sa eskwelahan?” pang-uusisa ni Fely sa kaniyang anak, isang hapon nang umuwi itong lugmok na lugmok. 

“Paanong hindi po ako sasambakol, eh, kahit tinik ng rosas, wala akong natanggap. Samantalang ‘yong mga kaibigan at kamag-aral ko, mayroong mga bulaklak at tsokolate. Ang iba pa’y binigyan ng teddy bear ng mga nagkakagusto sa kanila. Ganoon ba talaga ako kapangit, mama, para tuwing araw ng mga puso, wala akong matanggap?” mangiyakngiyak na sambit ni Christine habang hinuhubad ang sapatos niyang pamasok. 

“Maganda ka, anak, sobrang ganda mo,” sambit ng kaniyang ina saka iniangat ang kaniyang mukha at pinunasan ang kaniyang mga luha.

“Eh, bakit ganoon po, mama? Bakit sa tuwing may ganitong okasyon, ako ang palaging mukhang kawawa. Siguro, wala talagang nagmamahal sa akin,” sambit niya pa saka humagulgol sa dibdib ng ina.

“Malay mo, may magbigay sa’yo ngayon. Mahaba pa naman ang oras para sa araw na ito,” nakangiting wika nito.

“Aasa pa ba ako, eh, sinong magbibigay sa akin dito sa bahay natin,” nguso niya saka bumuntong hininga.

Kada taon na lang, tuwing sasapit ang araw ng mga puso, palaging umiiyak ang dalagang si Christine. Parati na lang kasi siyang walang natatangap na regalo sa araw na ito, kahit isang pirasong kendi o kahit bulok na rosas dahilan upang labis na sumama ang loob niya.

Naiinggit pa siya sa kaniyang mga kaibigan at kamag-aral dahil halos lahat ng mga ito, hindi na magkandaugaga sa pagbibitbit ng mga natanggap na regalo.

Advertisement

Mga rosas, tsokolate, naglalakihang teddy bear at kung minsa’y may mga lobo pa ang mga ito habang siya, ang tanging bitbit ay ang kaniyang bag dahilan upang labis niyang kaawaan ang kaniyang sarili.

Palagi niya tuloy naiisip na baka siguro pangit siya o maraming kulang sa kaniya dahilan upang walang magkagusto sa kaniya.

May pagkakataon pa ngang sa sobrang inggit niya sa mga natatanggap na regalo ng mga dalagang katulad niya, binilhan niya na lang ang sarili niya ng isang bulaklak para lang hindi siya magmukhang kawawa.

Ngunit nang tanungin siya ng kaniyang mga kaibigan kung saan ito galing, ang sagot niya, “Doon sa nagtitinda ng rosas sa tapat ng gate,” dahilan upang labis siyang pagtawanan ng mga ito na labis niyang dinamdam at ikinainis.

Noong araw na ‘yon, katulad ng mga nakalipas na taon, wala na naman siyang natanggap na regalo. Buong maghapon sa kanilang paaralan, nakaupo lang siya sa kaniyang silya at nakatungo sa lamesa habang ang kaniyang mga kamag-aral ay naghihiyawan sa mga natatanggap na regalo dahilan upang agad na rin siyang magpasiyang umuwi upang matigil na ang sakit na kaniyang nararamdaman. 

Matapos niyang maglabas ng sama ng loob sa kaniyang ina, agad na siyang nagkulong sa kaniyang silid. Nagmuni-muni siya habang nakamasid sa kisame at nakikinig ng paborito niyang musika. Tinanong niya ang Diyos kung bakit sa dinami-dami ng mga dalaga, siya ang makakaramdam ng ganito.

Ngunit bago pa tumulo muli ang kaniyang luha, biglang kumatok ang kaniyang ina.

“Anak, may parsela kang dumating. Bayaran mo ‘yon, ha? Wala akong pera,” sambit nito saka agad na umalis dahilan upang labis siyang magtaka.

Advertisement

“Hindi naman ako umo-order sa internet, ha? Diyos ko, kamalas-malasan talaga! Mukhang mapapabayad pa ako sa bagay na hindi ko naman in-order!” inis niyang sambit saka padabog na lumabas ng kanilang bahay.

Nakita niya ang isang mamang naghihintay sa labas ng kanilang bahay dahilan upang agad niya itong lapitan at magtanong kung anong gamit ang dumating.

Niyaya siya nito sa isang sasakyan dahilan upang labis siyang kabahan. Wika niya, “Naku po, mukhang malaking bagay pa ito, ha? Magkano naman kaya ang presyo nito? Lagot na naman ako kay mama!”

Ngunit pagkabukas ng pintuan sa likurang bahagi ng sasakyang ito, labis siyang masurpresa sa laman nito.

Sandamakmak na mga bulaklak, cake, tsokolate at mga lobo ang nandito. May kataga pang, “Happy Valentine’s Day!” dahilan upang labis siyang mapaluha. 

“Bigay po ito ng tatay niyo mula sa abroad, gusto niya raw na malaman mong ikaw ang pinakamagandang babae sa mundong ito. Ang halaga mo raw ay higit pa sa mga materyal na bagay na ito. Ngayong wala ka pa raw nobyo, siya muna ang magpapasaya sa iyo,” sambit ng mamang ito dahilan upang labis siyang mapahagulgol.

Naisip niya pa lang na sabihin ito sa kaniyang ina, paglingon niya’y nandoon na ito sa likod niya habang siya’y kinukuhanan ng bidyo. Nakangiti ito at mangiyakngiyak sa sayang nakikita sa kaniyang mga mata. 

Mabigat man ang bigay ng mundo, gagawin lahat ng ating mga magulang ang lahat upang tayo’y mapasaya. Sila ang unang taong magpaparamdam sa atin ng tunay nating halaga.