Sensitibo sa Amoy ang Dalagang Ito, Sa Huli’y Bigla Siyang Naawa sa Bagong Empleyadong Hawak Niya

“Ano ba ‘yan? Ang aga-aga, amoy bayabas dito sa opisina! Sabi ko naman sa inyo na bago kayo pumasok, magsiligo kayo! Alam niyo namang kulob ang lugar na ito, hindi man lang kayo nahihiya sa amoy niyo! Ang tatanda niyo na!” bulyaw ni Glenda sa apat na empleyadong hawak niya, isang umaga nang umalingasaw ang mabahong amoy sa silid na nakalaan sa kanila. 

“Naligo naman po ako, ma’am,” sagot ng isa niyang hawak na empleyado saka tumuloy muli sa pagsusulat.

“Ako rin po, naghilod pa nga ako kaya medyo nahuli ako nang dating dito sa opisina,” kwento pa ng isa habang patuloy sa pagtitipa sa kaniyang laptop.

“Ako nga, ma’am, nakipag-agawan pa sa banyo para lang makaligo,” wika pa ng isa dahilan upang labis siyang magtaka.

“O, bakit amoy bayabas pa rin dito, ha?” tanong niya sa mga ito. Napansin niyang nagtatago sa kompyuter ang bagong empleyado, kaya’t tinanong niya ito, “Teka, ikaw, ikaw na bagong empleyado, naligo ka ba?” wika niya. “Hi-hindi po,” tipid na sagot nito. 

“Diyos ko naman! Kailangan pa bang ituro sa’yo na kada papasok ka sa trabaho, kailangan mong maligo? Hindi mo ba alam na kailangan mong gawin ‘yon para sa sarili mo at sa taong nakapaligid sa’yo?” sermon niya rito, “Umuwi ka nga muna! Dalian mo! Ang baho-baho mo!” sigaw niya pa dahilan upang mataranta itong lumabas sa kanilang silid saka siya nagspray nang sandamakmak na pabango.

Napakalinis sa katawan ng dalagang si Glenda. Kahit na huli na siya sa pupuntahan niya, hindi maaaring hindi siya maliligo, magsisipilyo, maghihilod at magpapabango. Ang sahod niya sa trabaho ay karaniwang nauubos sa mga panglinis at pangpabango ng katawan dahilan upang labis siyang hangaan ng iba niyang katrabaho. Kakaiba kasi ang kaniyang amoy na maihahalintulad sa isang sanggol. 

Ang kalinisan niyang ito sa katawan ay nadala niya sa kaniyang trabaho dahilan upang labis na mag-ingat ang mga hawak niyang empleyado sa amoy na mayroon sila. Lalo na’t kulob ang opisinang nakalaan sa kanila.

Advertisement

Galit na galit siya sa tuwing may mabahong amoy sa silid na ito at tuwing pagpasok niya, agad niyang tatanungin ang mga hawak niyang empleyado kung sila ba’y nakaligo nang maayos at kung hindi, agad niya itong papauwiin sa bahay para lang malinis ang katawan at bumango ang kanilang silid.

Noong araw na ‘yon, pagkapasok na pagkapasok niya sa kanilang opisina, kakaibang amoy agad ang kaniyang naamoy dahilan upang bahagya siyang mapaduwal at nang malaman niyang hindi pala nakaligo ang isa sa mga hawak niyang empleyado, agad na nag-init ang kaniyang dugo at ito’y pinauwi.

Halos isang oras pa ang nakalipas, habang siya’y abala sa pagtatrabaho, narinig niyang bumukas ang pintuan ng kanilang opisina dahilan upang agad niyang tignan kung sino ito at nang makita niyang ito ang empleyadong pinauwi niya, agad niya itong tinanong, “Maayos ka na bang nakaligo? Nagpabango ka na ba?” habang nagpipisit siya ng pabango sa hangin.

“Opo ma’am, naghilod na rin po ako. Pasensiya na po kayo sa akin, ma’am, ha? Hindi po kasi ako sanay na maligo araw-araw. Doon po kasi sa probinsya namin, hirap po kami sa tubig. Ang isang galon po ay nagkakahalaga ng bente pesos. Kaya imbis na ipangligo po namin ang mahal na tubig na iyon, pinapang-inom na lang namin at ginagamit sa pagluluto. Lubos po akong humihingi ng pasensiya, ma’am, hindi pa po ako sanay sa buhay Maynila,” mangiyakngiyak na kwento nito dahilan upang labis siyang magulat. 

“Te-teka, ibig mong sabihin, paminsan lang kayo naliligo sa probinsya niyo?” tanong niya rito.

“Opo, ma’am, kaya po sobrang swerte niyo rito sa Maynila. Sa katunayan po, ngayon ko lang nagawang linisin ang sarili ko na hindi nag-aalala sa tubig. Minsan lang po’y nakakalimutan kong wala na ako sa probinsya’t hindi ko na kailangang mamroblema nang labis sa suplay ng tubig,” sagot nito dahilan upang labis siyang maawa rito. 

Simula noong araw na ‘yon, labis siyang naging mabait sa dalagang ito. Binibilhan niya ito ng mga panlinis at pangpabango sa katawan at kung minsan pa, isinasama niya ito sa salon. Laking tuwa niya naman dahil kitang-kita niya ang saya sa mukha ang dalagang ito.

Doon niya napagtantong kailangan niyang maging sensitibo sa damdamin ng mga tao sa paligid niya katulad ng pagiging sensitibo niya sa kaniyang amoy at katawan dahil hindi lahat ng tao, may prebilehiyong mayroon katulad niya. Ang iba’y hirap sa lahat ng bagay na at kailangan niya itong unawain at ilagay ang kaniyang mga paa sa sapatos ng mga ito.