Kinainisan ng Binatang Ito ang mga Batang Palaging Nakaabang sa Kaniyang Lola, Bakit Kaya Siya Biglang Napaluha?

“O, nanay, saan na naman po ang punta niyo? Katatapos niyo lang pong kumain, magpahinga po muna kayo rito sa tabi ko at manuod ng telebisyon,” yaya ni June sa kaniyang lola, isang tanghali pagkatapos nilang sabay na mananghalian.

“Sasaglit lang ako sa labasan, apo,” paalam nito habang inaayos ang laman ng hawak na supot. “Ano pong gagawin niyo riyan sa dala-dala niyong supot? Basura po ba ‘yan? Akin na po, ako na po ang magtatapon,” sambit niya habang papalapit siya sa naturang matanda. 

“Hindi, apo, pagkain ‘to, ibibigay ko sa mga batang kalye. Nakakaawa naman, eh, mukhang lambot na lambot na ang mga katawan. Tingnan mo sila,” tugon nito habang sinisipat ang mga batang kalyeng naghihintay sa labas ng kanilang bahay. 

“Naku, nanay, huwag niyo na pong bigyan ‘yan sila, masasanay lang ‘yang mga ‘yan, eh. Kita mo, dati naman walang mga nagpupuntang batang kalye rito sa atin, ngayon, kada oras ng kainan, d’yan sila sa tapat naglalaro,” tugon niya saka sinara ang bukas nilang bintana.

“Hayaan mo na, apo, tayo ang nakakaangat sa kanila, dapat lang na tumulong tayo,” pangaral nito sa kaniya dahilan upang siya’y mapabuntong hininga, “O, ikaw na ang magbigay sa kanila, mauunawaan mo kung bakit gusto ko palaging magbigay,” dagdag pa nito saka inabot sa kaniya ang hawak na supot dahilan upang wala siyang magawa kung hindi ang sundin ito.

Sa piling ng kaniyang lola lumaki ang binatang si June. Simula nang mapagdesisyunan ng kaniyang ina na mangibang-bansa upang mag-isang matugunan lahat ng kaniyang pangangailangan noong siya’y tatlong taong gulang pa lamang, ito na ang nag-alaga sa kaniya. Ang lola niyang ito ang nagturo sa kaniya paano magsulat, magbasa, at higit sa lahat, ito ang nagturo sa kaniya kung paano ang tamang pagdadasal.

Bukod pa roon, habang siya’y lumalaki, tinuruan din siya nito ng mga gawaing bahay at kung paano makipaghalubilo sa ibang mga bata. Kahit na sa piling ng lola siya lumaki, ni minsan, hindi niya naramdamang malayo siya sa kaniyang ina dahil sobra-sobra ang pagmamahal na binibigay sa kaniya nito.

Sa katunayan pa nga, kahit ngayong tapos na siya sa pag-aaral at may sarili ng trabaho, patuloy pa rin siya nitong tinuturuan ng mga mabubuting bagay. At isa na nga rito, ang pagtulong sa mga nangangailangan.

Advertisement

Kahit na ang kakaunting pagkaing mayroon sila sa bahay, ibibigay pa nito sa kapitbahay nilang walang ulam. Kung minsan pa, nagtitinda ito ng mga palamig at ang kinikita nitong pera, ibinibili nito ng bigas at ilang de lata upang ibigay sa mga pedicab driver sa kanilang lugar. 

Natutuwa siya sa ugaling ito ng kaniyang lola, kaya lang, nang araw-arawin na sila ng mga nabibigyan nito, lalo na ng mga batang kalyeng halos araw-araw ay nakaabang sa tapat ng kanilang bahay, doon na siya bahagyang nainis.

“Hindi dapat sila umaasa sa bigay ng lola ko!” palagi niyang wika sa tuwing may hihingi rito.

Noong araw na ‘yon, dahil nga napag-utusan ng matanda, lumabas siya sa kanilang bahay habang bitbit-bitbit ang naturang supot.

Papunta pa lang sana siya sa tumpok na mga batang kalye, agad na siyang sinalubong ng mga ito ng sigawan at mga ngiti.

“Salamat sa Diyos! Kuya, salamat! Makakakain na kami!” sigaw ng mga ito habang hinihintay na iabot niya ang supot na hawak niya.

Umirap lang siya saka inabot sa isang bata ang hawak niyang supot. Aalis na sana siya pagkatapos niyang ibigay ang naturang supot nang marinig niyang bumubulong ang mga ito dahil upang muli niyang tignan ang mga ito.

Labis siyang namangha dahil nakita niyang sabay-sabay na nagdadasal ang mga batang ito habang nakaluhod. Kitang-kita niya sa mukha ng mga ito ang kagalakan sa kaunting pagkaing nasa harapan nila dahilan upang bahagya siyang mapaluha.

Advertisement

Narinig niya pang binanggit siya sa panalangin ng isang bata. Ika nito, “Sana po mas biyayaan niyo po si kuya na nagbigay sa amin nito. Salamat po sa buhay niya, Panginoon, namin,” dahilan upang tuluyan siyang maiyak at mapatakbo papasok ng kanilang bahay.

Sumalubong sa kaniya ang lola niyang nakangiti sa kaniya.

“Ano, apo, masarap magbigay, hindi ba?” tanong nito napatango-tango lang siya habang pinipigilan ang luhang nais pang pumatak, “Tingnan mo sila, pantay pa nilang pinaghahatian ang kaunting bigay natin,” dagdag pa nito habang pinagmamasdan ang mga bata mula sa bintana.