Matagal na Pinagplanuhan ng Ginang na Ito ang Paghihiganti, Magtagumpay Naman Kaya Siya?

“Linda, i-book mo nga ako ng isang kwarto para bukas sa hotel sa Makati. Gusto ko romantiko ‘yong paligid, ha?” sambit ni Mariebeth sa kaniyang kaibigang sekretarya niya rin, isang tanghali habang sabay silang nananghalian sa isang sosyal na restawran.

“Magpapalipas ka ng gabi sa hotel bukas? Ano namang gagawin mo mag-isa ro’n at nais mo pang romantiko?” tanong nito sa kaniya, “Teka, huwag mong sabihing itutuloy mo ang plano mong saktan ang anak ni Hannah?” pang-uusisa pa nito dahilan upang siya’y mapangiti. 

“Sino ba nagsabi sa’yong hindi ko itutuloy ‘yon?” patawa-tawa niyang sambit saka ininom ang kaniyang alak.

“Diyos ko, naman, Mariebeth! Ang bata-bata pa ng binatang ‘yon, parang anak mo na ‘yon!” dismayadong sagot nito.

“Ano naman? Basta masaktan ko ang unica hija ni Hannah, sigurado akong masasaktan ko na rin siya. Sabi ko naman sa kaniya noong agawin niya ang asawa ko, iba ako kung gumanti,” kumpiyansado niyang tugon habang nakangisi. 

“Hindi naman niya inagaw, hindi ba?” paglilinaw nito na labis niyang ikinainis.

“Tatahimik ka o tatanggalan kita ng trabaho?” masungit niyang panakot dito dahilan upang tahimik nitong ipagpatuloy ang pagkain.

Simula nang hiwalayan ng kaniyang nobyo si Mariebeth, dalawang dekada na ang nakararaan, walang araw na hindi niya inisip kung paano makakaganti sa sakit na pinaramdam nito at ng matalik niyang kaibigang si Hannah sa kaniya.

Advertisement

Nawalan kasi ng pagmamahal ang lalaking ito sa kaniya simula nang lumabas ang tunay niyang ugali. Ngunit kahit alam niyang iyon ang dahilan ng kanilang hiwalayan, hindi niya matanggap na ang pinalit sa kaniya ng lalaking iyon ay ang matalik niyang kaibigan. Kitang-kita niya kasi na sobrang saya nito sa piling ng kaniyang kaibigan at ilang buwan lang ang lumipas, nagpakasal na ang dalawang ito at bumuo ng sariling pamilya.

Habang siya, tulala pa rin at hindi makausad sa sakit na nararamdaman. Ito ang dahilan upang mag-isip siya ng isang matinding paraan upang masaktan ang buong pamilya nito. Lalo pa’t babae ang anak ng dalawang ito.

Nang malaman niyang may nobyo na ang anak ng mga ito, gumawa siya ng paraan upang mapalapit sa binata at masaktan ang naturang dalaga sa pamamagitan ng pagsawsaw sa relasyon ng dalawa.

Dahil sa kapangyarihan ng pera, agad siyang napalapit sa binata. Lalo pa nang sabihin niya ritong, “Ang lungkot ko kasi, eh, gusto ko lang may makasama sa hotel na uupahan ko. Pupwede mo ba akong samahan matulog doon? Pangako, ibibigay ko ang lahat ng gusto mo,” at dahil pakiramdam niya’y gipit din ang binatang ito, agad itong sumang-ayon kahit hindi pa siya lubusang kilala nito. 

Kinabukasan, ang takdang araw kung kailan niya sisipingin at lilingkisan ang naturang binata upang masaktan ang anak ng kaniyang kaaway, maaga siyang naghanda upang mapaganda ang sarili.

Nagsuot siya ng sexy na damit, kinulot niya ang kaniyang buhok at naglagay ng make-up habang naghihintay ng oras.

Maya maya pa, nakatanggap na siya ng mensahe mula sa binata na ito raw ay nasa labas na ng naturang hotel. ‘Ika niya rito, “Pumasok ka na sa room 102, papunta na ako. See you, baby boy!” saka siya nagmadaling magpunta sa naturang hotel. 

Pagkarating niya roon, muli siyang naglagay ng pabango bago pumasok sa naturang silid.

Advertisement

Una niyang nakitang nakahiga na sa kama ang naturang binata dahilan upang siya’y napangisi.

“Tila umaayon ang tadhana sa akin,” sambit niya saka niya pasimpleng nilagay ang isang kamera sa lamesa, balak niya pa kasing ibigay ang makukuhanang bidyo sa anak ng kaniyang kaaway.

Ngunit bago pa man siya makaupo sa kama, napansin niyang may isang babaeng nakatayo malapit sa bintana habang nakamasid sa kalsada.

“Iba rin ang tirada mo, ano? Hindi mo ba alam na child ab*se ‘tong ginagawa mo? Menor de edad ‘yang nobyo ng anak ko, Mariebeth. Magpaalam ka na ngayon sa kaniya dahil hindi mo kami masasaktan,” sambit nito habang nainom nang pinahanda niyang alak dahilan upang labis siyang mag-init, “Dalawang dekada na, hindi mo pa rin tanggap? Kawawa ka naman talaga, ngayon ko napatunayang hindi nabibili ng pera ang maayos na pag-uugali,” dagdag pa nito dahilan upang sumabog na siya sa galit at ito’y kaniyang sabunutan. 

Bigla naman dumating ang mga pulis na pinatawag nito dahilan upang agad siyang damputin nito.

Doon niya labis na napagtantong ang tagal na panahon na pala talaga simula nang iimbak niya ang poot sa puso niya na nagiging dahilan upang hindi siya maging masaya sa buhay. 

Kung sana’y tinanggap niya na lamang ang mga nangyari noon at nagpatuloy sa pag-usad sa buhay, hindi na sana nangyari ito at naging tunay na masaya pa sana siya sa kaniyang buhay. Talaga nga namang walang mabuting naidudulot ang paghihiganti.