Ipinagdamot ng Binatang Ito ang Napulot na Pera sa Magulang, Hindi Niya Inasahan ang Sumunod na Nangyari

“Anak, baka naman pupwedeng makahingi sa’yo kahit na dalawang daang piso? May napulot ka namang limang daang piso kahapon, hindi ba? Ipandadagdag ko lang sana sa pambili ng gamot ng tatay mo. Wala na akong ibang malapitan, eh,” daing ni Felia sa kaniyang anak habang ito’y mag-isang nagluluto ng sariling pananghalian.

“Mama, naman! Iyon na nga lang ang pera ko, eh, hihingin mo pa? Ni hindi niyo na nga ako nabibigyan ng pambaon, eh. Tapos pati pagkain dito, wala!” inis na sagot ni Wendel sa kaniyang ina habang ginigisa ang binili niyang sardinas.

“Alam mo naman, anak, ang sitwasyon natin ngayon dahil sa sakit ng papa mo, ‘di ba? Pasensiya ka na kung napapabayaan ka na namin. Hirap na hirap na rin kaming maghanap ng pera ng tatay mo pangbili ng gamot niya,” tugon pa nito sa gitna ng mga hikbi ngunit imbis na naawa, lalo lang siyang nagalit sa ina.

“Ewan ko sa inyo, mama! Kahit huwag niyo na akong bigyan, basta ang pera ko, pera ko lang! Napulot ko ‘to, eh, akin ‘to, akin lang!” bulyaw niya rito habang padabog niyang nilalagay sa plato ang kaniyang ulam saka iniwang umiiyak ang ina sa naturang kusina.

Simula nang magkasakit ang kaniyang ama sa puso, nalayo na ang loob ng binatang si Wendel sa kaniyang mga magulang. Kung dati’y maalwan ang kanilang buhay, ngayo’y gipit na gipit na sila dahil sa sakit na ito dahilan upang hindi na siya halos masustentuhan ng mga ito.

Naiintindihan niya namang gipit na gipit na ang kanilang pamilya dahil sa dami ng gamot na kinakailangang inumin ng kaniyang ama pati na mga gastusin sa ospital. Kaya lang, nang mapansin niyang tila hindi na siya iniintindi ng mga ito, ro’n na siya nagsimulang manlamig sa kaniyang pamilya.

Labis na sumasama ang loob niya dahil halos araw-araw, sa sarili niyang bulsa nanggagaling ang pangbili niya ng pagkain at pangbaon sa eskwela.

Madalas, dahil nga siya’y estudyante pa lamang, wala siyang baon at tinitiis na lamang ang gutom.

Advertisement

Dito na siya nagsimulang magdamot sa kaniyang pamilya, kahit pa sa kaniyang ina o mga nakababatang kapatid na umungot sa kaniya ng pangmeryenda.

Sa katunayan, araw-araw na lang siyang humihiling sa Diyos na sana, may bumagsak na pera mula sa langit upang masustentuhan niya ang kaniyang sarili.

Kaya naman, nang makapulot siya ng limang daang piso habang naglalakad pauwi galing eskwelahan, ganoon niya na lang ito sinikreto sa kaniyang pamilya. Kahit pa naghahanap noon ng pera ang kaniyang ina para makabili ng gamot ng kaniyang ama, hindi niya nilabas ang perang ito.

Ngunit, sa hindi niya mawaring dahilan, nalaman ito ng kaniyang ina at pilit na humihingi sa kaniya. Dahil nga umiral na ang kadamutan at sama ng loob niya, tinabla niya ito at hinayaang ngumalngal sa kusina habang ang kaniyang ama’y hirap na hirap huminga sa kanilang sala.

Pagkatapos niyang kumain noong araw na ‘yon, agad na siyang umalis upang pumasok ng eskwela. Inggit na inggit siya sa mga estudyanteng hatid-sundo ng magulang gamit ang magarang sasakyan habang siya, naglalakad na sa initan.

“Kung maibabalik ko lang sana ang araw kung saan sagana pa ang buhay namin…” sambit niya saka kinapa sa bulsa ang napulot niyang pera, “Mabuti na lang talaga at mahal ako ng Diyos, kahit papaano, may nahuhugot akong pera,” dagdag niya pa saka tuluyan nang pumasok sa kanilang silid.

Ngunit, habang sila’y nagkaklase, bigla siyang tinawag ng nakababata niyang kapatid habang ito’y umiiyak.

“Kuya, kuya, si papa!” tangi nitong sambit habang umiiyak dahilan upang siya’y mapahangos at sila’y sabay na magpunta sa ospital.

Advertisement

Nadatnan niyang naghihingalo sa tapat ng ospital ang kaniyang ama, ayaw itong tanggapin dahil wala silang perang maipakita dahilan upang mapilitan siyang ibigay ang kaniyang napulot na limang daang piso.

“Kulang na kulang pa po ito,” wika ng nars doon dahilan upang lumuhod na sa harap nito ang kaniyang ina.

“Parang awa niyo na, iligtas niyo ang buhay ng asawa ko,” iyak nito habang yakap-yakap ang kaniyang ama dahilan upang siya’y maiyak na rin.

Tila naawa naman ang nars na ito at sila’y pinapasok ngunit kahit pa ganoon, libo-libong pera ang kailangan nila upang mabayaran ang bill ng kaniyang ama.

“Panginoon, sana makapulot po ulit ako ng pera, araw-araw, minu-minuto, para sa tatay ko,” tangi niyang dasal habang naglalakad pauwi ng kanilang bahay kasama ang nakababata niyang kapatid.

Tila dininig naman ng Maykapal ang panalangin niya dahil pag-uwi nila, nasa tapat ng kanilang bahay ang kapatid ng kaniyang ama na galing ibang bansa, may dala-dala itong prutas at tulong pinansiyal.

Halos mapaluhod siya sa sobrang tuwa nang iabot nito sa kaniya ang malaking halaga ng pera. Labis siyang humanga rito at napagtantong sa pagdadamot niya ay mas lalo lamang siyang maghihirap.

Ilang araw lamang ang lumipas, tuluyan nang nakalabas ng ospital ang kaniyang ama. Marami mang gamot na kinakailangan nitong inumin at malaki-laking pera ang kailangan nilang kitain, hindi niya ito alintana lalo na’t ngayon, nasa mabuti na itong lagay.

Advertisement

Simula noon, binago niya ang pananaw sa pera. Ang pera niya’y ginawa niyang pera na rin ng buo niyang pamilya. Makapulot man siya o sumweldo sa bago niyang trabaho, hinahati niya ito para sa gastusin nilang pamilya.