Hirap na Hirap Maibenta ng Ginang ang mga Ginagawa Niyang Basahan na Siyang Pinagkukunan Niya ng Panustos sa mga Anak; Anong Magandang Kapalaran ang ‘Di Inaasahang Darapo sa Kaniya?

“Naku naman Natalia, lumang tugtugin na iyan ah. Hindi puwedeng laging atrasado ang bayad mo rito sa kooperatiba. Kailangang maipaikot ang pera para lumago. Ako naman ang malalagot sa boss ko nito eh,” napapakamot sa ulo ang tagasingil ng maliit na kooperatiba na nagpapautang sa mga nanay na gaya ni Aling Lucy, na nagkataong kaibigan ni Natalia. 

Hinawakan ni Natalia ang mga kamay ng kaibigan. “Lucy… pasensiya ka na talaga at talagang gipit lamang ako ngayon. Nangangako ako na babayaran kita kapag nakaluwag-luwag na ako. Medyo matumal ang bentahan ng basahan ngayon, alam mo na, hindi prayoridad ngayon ng mga tao ang pagbili ng basahan. Abonohan mo na muna…”

“Hay naku… pasalamat ka at kaibigan kita, Natalia. Pasalamat ka rin at kahit paano ay may pang-abono ako. Pero huli na ito, ha? Gumawa ka nang paraan para makapagbayad ka sa kooperatiba sa katapusan ng buwan. Yung utang mo sa akin na dalawang hulog, makakahintay naman ako eh. Pero itong hulog natin sa kooperatiba ang huwag masasakripisyo kasi malilintikan ako nito,” palala ng maunawaing si Lucy. Naiintidihan naman niya ang hirap na pinagdaraanan ni Natalia, na may tatlong maliliit na anak, at hiniwalayan ng kaniyang mister at “sumakabilang-bahay.”

“Salamat talaga, Lucy! Tatanawin ko itong malaking utang na loob sa iyo. Sige, mamaya magluluto ako ng paborito mong pakbet, pagdadalhan kita sa bahay mo, para naman makabawi-bawi ako sa sakit ng ulo na ibinibigay ko sa iyo,” sabi ni Natalia.

“Oh sige sabi mo ‘yan ah? Matagal na akong hindi nakakakain ng pakbet. Sige nga, para naman makakain ako ng gulay,” saad naman ni Lucy. Magaling magluto si Natalia kaya alam niyang masarap ang pakbet nito.

Bago umuwi ng bahay, dumaan muna sa simbahan si Natalia upang magpasalamat sa Diyos sa pagpayag ni Lucy na maabonohan muna ang hulog niya para sa kinsenas na iyon. Umutang kasi siya ng limang libong piso na kailangan nilang bayaran unit-unti, tuwing kinsenas at katapusan. 600 piso ang hulog kada kalahatian ng buwan. Ni hindi pa nga siya makabenta ng basahan, at 100 lamang ang kaniyang pera sa bulsa.

older woman praying in an almost empty church, rear view - an old woman praying at the church stock pictures, royalty-free photos & images

“Panginoon, maraming salamat po sa isang kaibigang maaasahan sa panahon ng pangangailangan. Hindi ko na po alam ang gagawin ko, may 100 piso na lamang ako sa bulsa ko, at may isang linggo pang kailangang tawirin para makakain kami ng mga anak ko. Ikaw na po ang bahala sa amin. Bigyan Ninyo po ako ng ibayong kalakasan at katatagan ng pangangatawan upang makapanahi ng mga panindang basahan. Amen.”

Paglabas niya ng simbahan at matapos makapagsawak sa benditadong tubig, naisip ni Natalia na manatili muna sa labas at ilako ang kaniyang mga dala-dalang basahan hanggang alas sais ng gabi. Sasamantalahin muna niya ang pagkakataon na maraming tao sa labasan; baka-sakaling may bumili, sayang ang kita. 

Advertisement

Sa totoo lamang, magaganda ang mga basahang tinatahi ni Natalia. Mahusay rin siya sa pagbuburda, na namana niya sa kaniyang ina. Hindi basta-basta ang kaniyang mga basahan. Makikitang masinsin ang kaniyang pagkakatahi, at talaga namang mahusay siyang pumili ng kombinasyon ng mga kulay.

Hindi naman nabigo si Natalia. May humintong isang magarang kotse sa kaniyang harapan upang bumili ng basahan. Isang babaeng sopistikada at mukhang may sinasabi sa buhay ang nagmamaneho nito.

“Ale, magkano sa basahan?” tanong nito nang ibaba na nito ang durungawan ng sasakyan.

Nagliwanag ang mukha ni Aling Natalia. “Tatlong piraso, 100 piso, Ma’am.”

“Sige, bigyan mo ako ng siyam na piraso,” saad ng babae.

Nang i-abot ni Natalia, sinipat-sipat ito ng babaeng customer.

“May problema po ba, Ma’am? Matitibay po ang mga iyan.”

“Oo nga, ang gaganda. Kakaiba ang mga dibuho. Ikaw ba ang gumawa nito?” tanong ng babae.

Advertisement

“Opo Ma’am, ako nga po,” nakangiting sabi ni Aling Natalia.

“May-ari ako ng pabrika ng mga tela at patahian ng mga RTW at damit-pambabae. Nangangailangan ako ng mga tao, baka interesado kang mag-aplay. Sandali…” sabi ng babae. May kinuha itong tarheta o calling card at iniabot kay Aling Natalia. “Magtungo ka sa address na nakalagay. Pabrika ko iyan,” sabi ng nakangiting babae. 

young woman driving and looking through car window at the city night lights - asian woman in a car stock pictures, royalty-free photos & images

“Opo, Ma’am! Maraming-maraming salamat po! Kailangang-kailangan ko po talaga ng trabaho!” magniyak-ngiyak na pagpapasalamat ni Aling Natalia. 

Bago tuluyang umuwi, muling bumalik si Aling Natalia sa loob ng simbahan upang magpasalamat sa dininig niyang panalangin. Sa katapusan ng buwan, tiyak na may maipanghuhulog na siya sa kooperatiba, at hindi na siya kailangan pang abonohan ng kaibigang si Lucy. Napagtanto ni Aling Natalia na hindi natutulog ang Diyos, at dinidinig Niya kahit ang mga pinakatatagong samo sa kasuluk-sulukan ng puso.