Inday TrendingInday Trending
Ipinilit ng Ina ang Bigo Niyang Pangarap na Maging Artista sa Kanyang Anak, Ano Kaya ang Gagawin ng Binata Upang Makalaya sa Kanya?

Ipinilit ng Ina ang Bigo Niyang Pangarap na Maging Artista sa Kanyang Anak, Ano Kaya ang Gagawin ng Binata Upang Makalaya sa Kanya?

Nang isilang ni Bettina ang kanyang anak na lalaking si Migs, lahat ay tuwang-tuwa dahil sa napaka-gwapo nitong mukha. Mamula-mula ang kutis na nakuha niya sa kanyang ina, at matangos na ilong at mapupungay na mata naman mula sa kanyang ama.

“Napaka-gwapo ng anak ko! Nako, magiging artista ito. Sigurado ako,” wika ni Bettina sa asawang si Paul.

“Mahal na mahal ko kayo,” maluha-luhang sagot ng ama sa kanyang mag-ina.

Sa edad pa lamang na pitong taong gulang, ipinapasok na ni Bettina ang kanyang anak sa mga audition upang maging model ng mga pambatang laruan at gamit. Pangarap kasi ni Bettina na mag-artista noong dalaga pa siya ngunit natigilan siya sa kanyang mga pangarap nang malamang buntis siya sa kanyang anak.

Halos araw-araw ay dinadala ni Bettina ang anak sa kung saan-saang TV station upang mag-audition. Nagagawa pa niyang hindi papasukin sa eskwela ang bata para lamang gawin iyon. Agad naman itong napuna ni Paul at pinuna ang gawa ng babae.

“Honey? Hindi ba napapagod na ang anak mo? Araw-araw na kayong umaalis. Absent pa siya sa eskwela. Hindi ata ‘yan nakakabuti,” wika ng nag-aalalang ama.

“Ano ka ba? Sa totoo lang e hindi na kailangang mag-aral ni Migs. Sa mukha niyang iyan, siguradong kapag naging artista na siya e limpak limpak na salapi ang maiuuwi niyan,” sagot naman ng ina.

“Hindi ganoon iyon, kailangan pa rin niyang mag-aral. E paano kung hindi naman siya maging matagumpay? At isa pa, gusto ba ni Migs ang ginagawa niya?” sagot ni Paul.

“Oo naman! Katunayan nga natanggap siya kanina sa commercial ng gatas ng bata. Malaki ang offer! Bukas na ang simula ng taping. Sinabihan ko na ang titser niya na isang linggo siyang hindi makakapasok,” anito.

Wala nang nagawa si Paul. Pansin din naman niyang tila gusto rin ng bata ang kanyang ginagawa kaya naman sinuportahan niya na lang ang desisyon ng kanyang misis.

Mahigit sampung taon na ang lumipas at nagbunga ang paghihirap ni Bettina. Siya na ang tumayong manager ng anak sa pag-aartista nito, at tulad nga ng sabi niya noon ay limpak-limpak na salapi na ang kinikita ng nagbibinatang anak dahil sumikat na ito sa larangan ng pag-arte.

Masayang-masaya si Bettina sa mga narating ng kanyang anak, ngunit nag-iba ang lahat nang kausapin siya nito isang araw.

“Mama? May gusto po sana akong sabihin sa’yo. Nakapag-desisyon na po ako,” wika ni Migs.

“Ano ‘yon, anak ko? Bilisan mo at may mall tour pa tayo mamaya,” nagmamadaling sagot ng abalang ina.

“’Yon nga, mama. Ayoko nang mag-artista. Gusto ko na pong mag-aral kasi dati ko pa pong pangarap maging isang arkitekto,” nakayukong paliwanag nito.

“Ha? Nahihibang ka na ba? Hindi ka ba nanghihinayang? Nakapakarami nangb umiidolo sa iyo,” sagot ng kontrang ina.

“Hayaan mo siya kung hindi na siya masaya sa ginagawa niya,” sabat ng amang si Paul na kanina pa papa nakikinig.

“Huwag kang makialam, Paul! Usapan namin ito bilang manager niya,” sagot ni Bettina.

“Bilang manager?! Anak mo siya! Anak natin siya!” sagot ni Paul.

“Hindi! Tumigil kayo sa pagkakampihan ninyo. Maging praktikal kayo! Napakasarap na ng buhay ninyo ngayon ah?” wika ni Bettina.

“Hindi na po ako masaya…” sagot ni Migs.

“Wala nang sasabat. Walang titigil sa pag-aartista! Pangarap ko ito noon pa, bakit ninyo ipinagkakait sa akin? Sige na, Migs. Aalis na tayo maya-maya. Mag-ayos ka na,” sigaw ni Bettina.

Wala nang nagawa ang dalawa. Sumunod na lamang si Migs sa gusto ng kanyang ina, sanay na naman siyang ginagawa iyon mula noong bata pa siya.

Isang gabi, napatitig si Migs sa salamin at nagsimulang kausapin ang sarili.

“Sumpa ka ba? Sumpa ba ang pagkakaroon ng ganitong mukha? Pagod na ako. Ayokong maging artista. Wala na ba akong karapatang sundin ang sarili kong pangarap?”, wika ni Migs sa kanyang sarili.

Kinabukasan, naisipan ni Migs na suwayin na ang ina. Matapos niyang kumanta sa harap ng maraming tao sa isang palabas sa telebisyon na live ipinapalabas, nagsalita siya sa harap ng kanyang mga fans.

“Magandang hapon po sa inyong lahat. Gusto ko lang po sanang malaman ninyo na namamaalam na ako sa industriya ng pag-aartista. Panahon na po siguro ngayon para sundin ko ang sarili kong pangarap na maging isang arkitekto. Maraming maraming salamat po sa lahat ng inyong suporta sa akin!” wika ni Migs habang daang libong tao ang nakakapanood sa kanya.

Nanlaki ang mga mata ni Bettina. Hindi niya inaasahan na sasabihin iyon ng kanyang anak sa harap ng maraming tao. Hindi na siya nakapag-isip at sinugod ang anak sa gitna mismo ng stage.

“Ano?! Bakit? Napakatigas ng ulo mo ah! Hindi ba sinabi ko sa’yong pangarap ko ito noon pa? Bakit titigil ka?! P*t*ng*na, Migs! Lahat ng paghihirap ko e sasayangin mo dahil sa lintik na pangarap mo,” wika ng ina. Hindi niya na namalayan na nakatutok sa kanya ang mikropono, kaya naman dinig na dinig ng lahat ang kanyang mga sinabi.

“Boo! Suportahan mo si Migs! Salbahe kang ina!” sigaw ng isa sa mga nanonood. Ganoon din ang iniisip ng iba pang mga tao doon.

“Oo nga! Pinapahirapan mo si idol!” wika ng isa pa.

Nagtatakbo palabas si Bettina nang matauhan. Maya-maya pa ay may nag-upload na rin ng video ng nangyari sa Facebook, at nalunod naman sa suporta ng mga tao ang binatang si Migs.

“Go, Migs! Kung saan ka masaya, susuportahan ka namin. Hindi kagaya ng nanay mo!”

“Hayaan mo nanay mo. Kung gusto niya edi siya mag-artista! Hahaha!”

“Idol, galingan mo sa pag-aaral! Idol pa rin kita kahit titigil ka na sa pag-aartista.”

Tila natauhan si Bettina mula sa mga sinasabi ng mga tao sa kanya. Napagtanto niya na kahit noon pa man ay napipilitan lamang ang anak niyang magtrabaho bilang artista dahil lamang sa pamimilit niya. Nilapitan niya ang anak upang kausapin,

“Anak? Patawarin mo ako. Buong buhay mo ay inalay mo na sa pagtupad sa pangarap ko. Pasensiya ka na kung ipinagpilitan ko iyon sa iyo. Hayaan mo akong makabawi, susuportahan kitang maigi sa sarili mong pangarap,” wika ng humahagulgol na si Bettina.

“Ok lang, mama. Magiging masaya na rin po si papa dahil sa wakas ay pumayag na kayong tumigil ako sa pag-aartista. Pangako, magiging matagumpay din po ako sa larangang pipiliin ko,” sagot naman ng anak.

Dumating si Paul at nagyakapan ang tatlo. Magmula noon ay sinuportahan nga ng mag-asawa ang pag-aaral ng kanilang anak. Laking gulat naman ni Bettina dahil may angking talento nga ang anak pagdating sa pag-aarkitekto.

Hindi nagtagal at nakatapos ang binata, at tuluyang naging sikat na arkitekto. Natutunan ni Bettina ang hindi niya dapat ipinilit sa anak ang pangarap niyang hindi natupad noon. Namuhay sila ng masaya at maligaya.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement