Iniwan ng Batang Ina ang Kanyang Anak sa Isang Publikong Palikuran, Hindi Niya Inaasahan ang Kaganapan Makalipas ang Isang Dekada
Kahit naghihikahos sa buhay, nagawa pang mag-anak ng walo ng mag-asawang si Arning at Betchay. At dahil subsob sa paghahanap-buhay ay hindi na nagawang tutukan ng mag-asawang ito ang mga lumalaki nilang anak.
Pangalawa sa anak nila ang labinlimang taong gulang na si Jennifer. Lingid sa kaalaman ni Arning at Bechay ay sa murang edad ay mayroon na siyang nobyo.
Nakilala ni Jennifer si Lloyd sa eskwela. Alam niyang ikakagalit ng kanyang ama’t ina ang relasyon nilang dalawa dahil napakabata pa nila kaya naman pilit niyang itinago ang relasyon nilang dalawa.
Isang hapon, dala ng kapusukan ng dalawa ay naisipan nilang magtalik na. Nang yayain ni Lloyd ang dalaga sa kanilang bahay dahil wala raw tao doon, agad namang pumayag si Jennifer. Nagpaalam lang ang dalaga sa kanyang ina na pupunta lamang siya sa kanyang kaeskwela upang gumawa ng isang proyekto.
“Mama, punta lang po ako kina Anna ha. Gagawa lang po kami ng project,” paalam ni Jennifer sa inang naglalaba.
“Oo na, umuwi ka nang maaga” sagot ng abalang ina.
Dumiretso na si Jennifer sa bahay ni Lloyd at doon na nangyari ang lahat. Masayang-masaya pa ang dalaga dahil pakiramdam niya ay hinding-hindi na siya iiwan ng nobyo dahil sa kanya niya isinuko ang kanyang bataan.
Isang umaga, nagising si Jennifer na may kakaibang pakiramdam. Nahihilo siya at para bang naduduwal. Agad siyang pumunta sa palikuran upang sumuka. Ilang linggo ang lumipas na tuwing umaga ay ganoon ang kanyang nararamdaman. Nang isang araw ay napansin niyang hindi siya dinadatnan ng kanyang buwanang pagkakaroon.
Bukod pa doon, napansin din niya na lumalaki na ang kaniyang tiyan. Naisip niyang nagdadalang-tao na siya dahil sa nangyari sa kanila ni Lloyd kaya agad niya itong pinuntahan at ipinaalam ang nangyayari.
“Baby! Pakiramdam ko ay buntis ako. Tingnan mo ang tiyan ko, lumalaki na. Magkakaroon na tayo ng sariling pamilya,” masaya pang sabi ni Jennifer.
“Ha?! Hindi pwede! Napaka-bata pa natin! At isa pa, sigurado ka bang akin ‘yang dinadala mo?” tanong ni Lloyd.
Labis na nasaktan ang damdamin ng dalaga, “ano ka ba? Alam mo naman na ikaw lang ang nakakasiping ko. Wala akong iba. Oo, sigurado akong iyo ito.”
“Ayoko! Hindi ko ‘yan paninindigan,” matigas na wika ni Lloyd habang naglalakad palayo.
Kahit hinabol ni Jennifer ang nobyo, wala na siyang nagawa dahil kahit anong gawin niyang pakiusap at pagmamaka-awa ay ayaw siya nitong panindigan. Naisipan niyang puntahan na lamang ang ama’t ina upang ipaalam ang kanyang sitwasyon.
“Mama… patawarin niyo po ako. Pero nagdadalang-tao na po ako. At ayaw pong panindigan ni Lloyd,” wika ng umiiyak na si Jennifer.
“Ha?! Alam mo namang hirap na hirap na tayo sa buhay. Hindi na kami magkanda-ugaga ng ama mo sa pagtatrabaho upang mapakain kayong lahat, tapos imbis na makatulong ka e dadagdagan mo pa ang problema natin?!”, galit na galit na wika ng inang si Betchay.
“Ano pa bang magagawa natin? Nariyan na ‘yan. Magpatingin tayo bukas sa doktor upang masigurong malusog ang bata,” sagot ng amang si Arning.
Lumipas ang maraming buwan at tagumpay na nailuwal ni Jennifer ang sanggol. Unang araw pa lamang ay ramdam na niya ang hirap ng pagiging solong ina. Labis pa ang inggit niya sa mga kasamahang babae na nanganak na katabi ang kanilang mga nobyo o asawa.
Kahit hirap pa sa paglalakad, kinuha ni Jennifer ang sanggol at agad lumabas ng ospital. Dahil nasa pampublikong ospital, hindi sila agad napansin ng mga doktor at nurse doon.
Dinala ni Jennifer ang sanggol sa isang pampublikong palikuran. Doon ay iniwan niya ang kawawang bata at iniwanan ng isang sulat.
“Alagaan niyo ang batang ito. Masyado pa akong bata at hindi ko kaya ang responsibilidad bilang isang ina.”
Bumalik siya sa ospital at sinabi lamang sa mga doktor na naiuwi na niya ang bata. Nakabayad na raw ang kanyang ama’t ina kaya naman nakauwi na rin si Jennifer sa kanilang bahay. Ang paliwanag naman niya sa mga magulang niya ay isang mayamang pamilya ang umampon sa bata.
“Kanina habang nasa ospital po ako, isang mayamang mag-asawa ang lumapit sa’kin. Tinanong ako kung papayag ba akong sa kanila na lamang ang anak ko. Pumayag na ako kasi alam kong mahihirapan lang tayo,” paliwanag ni Jennifer.
Pumayag lamang ang inang si Betchay at sinabing maganda ang naging desisyon ng kanyang anak, habang galit na galit naman si Arning.
“Ano?! Anak mo ‘yon e! Tapos, ipamimigay mo? Ano ‘yon, gamit lang na ibibigay mo kung kanino kapag ayaw mo?” pangaral nito sa anak.
Wala na silang nagawa dahil ayon sa pagsisinungaling ni Jennifer ay tiga-Maynila ang mag-asawang umampon sa kanyang anak. Itinuloy na lamang nila ang kanilang pamumuhay.
Makalipas ang labinlimang taon, napakarami na rin ang nagbago sa buhay ng dalaga. Nang matapos siya sa pag-aaral ay naisipan niyang pumunta ng Maynila at doon magtrabaho. Sinwerte naman siyang matanggap sa isang malaking kompanya, at doon niya nakilala si Eric.
Matapos ang ilang buwan ng panliligaw, sa wakas ay sinagot na ni Jennifer si Eric. Napansin niya kasing napakabuti nitong lalaki at sigurado na siyang ito ang klase ng lalaki na hindi siya iiwan.
Isang araw, napagdesisyunan nilang dalawa na pumunta na sa bahay ni Eric upang magpakilala sa pamilya ng lalaki.
Mainit siyang tinanggap ng ama at ina ni Eric. Ngunit napansin niyang iba ang hitsura ni Eric sa dalawa. Nakita ni Eric ang pagtataka sa mukha ng nobya kaya’t nagsalita ito.
“Babe? Pansin mo atang hindi ko sila kamukha?” tanong ni Eric habang nasa harap ng kanyang mga magulang.
“Uhm… Medyo nga,” sagot ni Jennifer.
“Hija, inampon kasi naming mag-asawa si Eric. Sa kasamaang palad kasi, nalaman namin noon na may sira ang obaryo ko. Kaya kailanma’y hindi ko kayang magka-anak. Bukod kay Eric, may isa pa siyang kapatid na inampon namin noon,” wika ng ina ni Eric.
“Ay talaga po? Ang galing naman. Napakabuti niyo naman po,” sagot ni Jennifer.
“Oo, napakabait niyang dalawang ‘yan. Kaya love na love ko sila e. O, ‘yan na pala si Kenneth. Halika rito, ipakikilala kita sa nobya ko,” pagtawag ni Eric sa nakababatang kapatid na labinlimang taong gulang.
“Jennifer, si Kenneth pala. Mabait na bata iyan,” pakilala ni Eric.
Biglang bumilis ang tibok ng puso ni Jennifer. Hindi niya maintindihan ang kanyang nararamdaman dahil mayroon siyang kutob.
“’Yan namang si Kenneth, nakuha namin siya sa isang pampublikong palikuran noong nagbakasyon kami sa Ilocos. Awang-awa ako dahil iniwan lamang siya doon habang nakapatong sa kanya ang isang sulat,” paliwanag ng ina.
Hindi napigilan ni Jennifer ang kanyang emosyon at bigla na lamang siyang napaluhod.
“A- anak?” wika ng babae habang hinahawakan ang kamay ni Kenneth.
“Ha? Anong anak?” tanong ni Eric habang labis na nagtataka.
“Sa palikuran ho ba sa may istasyon ng bus? Noong July 18?” tanong nito sa ina ng kanyang nobyo.
“Oo, doon nga. Ipaliwanag mo naman sa amin kung bakit alam mo ang detalye. Gulong-gulo na kaming lahat,” anito.
Ikinwento ni Jennifer ang lahat-lahat, pati na rin ang labis niyang pagsisisi dahil magmula noon ay labis na ang pangungulila niya sa anak na inabandona lang noon.
Buong akala ni Jennifer ay magagalit sa kanya ang lahat, ngunit nagulat siya dahil sabay-sabay pa siyang niyakap ng mga ito. Nauunawaan daw nilang bata pa si Jennifer noon kulang sa gabay ng mga magulang.
At dahil napalaki ng maayos, mabilis ding gumaan ang loob ni Kenneth sa kanyang tunay na ina.
Hindi nagtagal ay ikinasal na si Eric at Jennifer. Isinama nila sa kanilang sariling bahay ang anak ni Jennifer na si Kenneth. Kinalaunan ay nagbunga na rin ang pagmamahalan nila at ipinagbuntis niya ang isa namang babae. Namuhay silang masaya at mapayapa.
Natutunan ni Jennifer na mahalaga ang gabay ng magulang sa pagpapalaki sa mga bata, kaya’t ipinangako niya na aalagaan at gagabayang maigi ang mga anak upang hindi matulad sa mga nangyari sa kanya.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!