Inday TrendingInday Trending
Peperahan Lang Daw ng Palengkera ang Mayamang Lalaki, Laking Pahiya ng Pamilya Nito Makalipas ang Maraming Taon

Peperahan Lang Daw ng Palengkera ang Mayamang Lalaki, Laking Pahiya ng Pamilya Nito Makalipas ang Maraming Taon

Para sa lahat, halos na kay Ronald na ang lahat: gwapo, matipuno, magalang, mayaman, mabait, at matagumpay sa buhay. Ngunit para naman sa kanya, isa na lang ang kulang sa mala-perkpekto niyang buhay at ito ang pagkakaroon ng kabiyak. Sa kabila ng magaganda niyang katangian ay hindi pa niya natatagpuan ang babaeng makakapagpasaya sa kaniya.

“Ronald! Wala ka pa rin bang asawa? Aba’y nagkaka-edad ka na,” wika ng matandang si Alice, kaibigan ng kanyang ina.

“Wala pa po e. Darating din po iyon,” sagot ni Ronald.

“Nako, sa panahon ngayon marami ang babaeng oportunista at gold-digger. Kaya mag-iingat ka, ha? Pumili ka nang maigi. Alam ko namang marami ang gustong maging asawa ka,” nakangiting bilin nito.

“Alam ko naman po iyon. Salamat po sa pagpapa-alala,” magalang na tugon ni Ronald.

Isang araw, napadaan sa isang palengke si Ronald upang bilhin ang paborito niyang daing na bangus. Kahit pa napakarami na niyang pera, mas gusto niyang paminsan-minsan ay siya ang mamamalengke para sa kaniyang sarili. Habang naglalakad sa palengke, pumukaw ng kanyang atensyon ang isang magandang dalaga. Pinagmasdan niya ito at lalo siyang nabighani. Magalang itong nagtitinda ng mga gulay at karne kasama ang isang matanda na tila nanay niya. Hindi nagdalawang-isip si Ronald at nilapitan ito.

Noong una’y hindi siya masyadong pinapansin ng dalaga na nagngangalang Patricia, ngunit nang inaraw-araw niya ang pagdalaw sa palengke at patuloy ang kanyang panunuyo at hindi nagtagal at nagkamabutihan na ang dalawa. Matapos ang halos kalahating taong panunuyo, sinagot na ni Patricia si Ronald.

Kahit mahigit sampung taon ang pagitan ng edad ng dalawa, si Ronald ay 38 na habang si Patricia ay 25 pa lamang, hindi ito naging hadlang sa pagmamahalan nila. Naging labis silang magkasundo dahil karamihan ng hilig ng lalaki ay hilig din ng dalaga.

Ngayon lang naramdaman ni Ronald ang ganitong pakiramdam, alam din niyang iba si Patricia sa mga babaeng naging kasintahan niya noon. Kaya naman nagdesisyon na siyang ipakilala si Patricia sa kanyang pamilya.

“Papa at Mama? Si Patricia po, ang aking nobya,” pagpapakilala ni Ronald.

“Hi, hija! Sa wakas Ronald! Siya na ba ang pakakasalan mo?” nakangiting tugon ni Cecille, ina ni Ronald.

“Sana po,” sagot naman ni Ronald habang nakatingin kay Patricia.

Nagkwentuhan ang apat at hindi mapagkakailang nagustuhan ng mga magulang ni Ronald si Patricia. Ngunit maya-maya pa ay dumating na ang kapatid ni Ronald na si Carmen.

“Hala! Bakit nandito ‘yan? Tindera sa palengke iyan ‘di ba? Kuya, don’t tell me na siya ang girlfriend mo?” mayabang na sabi ni Carmen habang tatawa-tawa.

“Hello, ako pala si Patricia. Oo, sa palengke ako nagtatrabaho. Nagbebenta ako ng mga gulay at karne kasama ng aking inay,” sagot ni Patricia.

“Sa palengke? Nako! Ronald!” sigaw ni Cecille.

“Bakit, mama? Anong masama doon?” tanong ni Ronald sa ina.

“Peperahan ka lang niyan! Ano bang nangyari sa iyo, Ronald? Dati puro mga class na babae ang dinadala mo rito sa bahay, ngayon isang palengkera? Nahihibang ka na ba?” tanong ng galit na si Cecille.

“Sobra naman kayong magsalita! Hindi ganoon si Patricia. Bakit ganyan kayo kung humusga?!” sagot ni Ronald habang pinatatahan ang umiiyak na si Patricia.

“Halika, Patricia. Umalis na tayo rito. Hindi natin kailangan ng mga bastos nilang bunganga para lumigaya tayo sa buhay. Halika na,” wika ni Ronald habang hinihila sa kamay ang nobya palabas.

Para sa pamilya ni Ronald, iniisip lamang daw nila ang kapakanan ng lalaki. Karamihan daw kasi ng mahihirap ay namemera lang ng mayayaman, at ayaw nilang mangyari iyon kay Ronald. Ang mali nila ay hindi man lang nila kinilala ang dalaga na may busilak na puso.

Magmula ng araw na iyon, lumayo na si Ronald at Patricia. Nabalitaan na lang din ng pamilya ng lalaki na nagpakasal na ang dalawa at nagtungong ibang bansa. Galit na galit naman si Cecille dahil hindi nakinig ang anak sa kanya.

“Huwag na huwag pupunta ‘yang si Ronald dito kapag niloko na siya nang palengkera na ‘yan! Talagang pinagpalit pa tayo para doon,” wika ni Cecille sa asawang si Mando.

“Ano ka ba naman? Mukhang mabait naman si Patricia. Noong nakausap nga natin e kita ko sa iyong nagustuhan mo siya. Pero dahil lang sa mahirap siya e nag-iba agad ang pakitungo mo,” sagot ni Mando na suportado ang kaligayahan ng anak.

Lumipas ang maraming taon, at nabalitaan ng pamilya ni Ronald ang nangyari sa negosyo ng lalaki nang ibalita ito ng isang kaibigan ng kanilang pamilya.

“Cecille! Alam mo ba ang nangyari sa anak mo?” tanong nito.

“Ano? Iniwan na ng asawa niya matapos siyang perahan?” tatawa-tawang sagot ni Cecille.

“Hindi! Nalugi na ang negosyo ng anak mo. Na-bankrupt daw kaya naman wala nang pera ang anak mo ngayon,” paliwanag nito.

“Ha? Talaga?! E pano na si Kuya? Malamang iniwan na ‘yon ng asawa niyang palengkera,” sabat ng kapatid ni Ronald.

“Nako, diyan kayo nagkakamali. E tila napakaswerte niya nga sa napangasawa niya. Kasi kahit pala bigay na ni Ronald ang luho niya dati e hindi tumigil sa pagtatrabaho si Patricia. Narinig ko na ngayon e ang babae na ang bumubuhay muna sa anak ninyo. Nagsimula raw kasing magnegosyo noon sa pagbebenta ng mga sabon at make-up. Ayon, lumago at naging malakas ang kita,” patuloy nito.

Gulat na gulat ang pamilya ni Ronald. Hindi nila akalaing mali ang kutob nila sa intensyon ng babae. Labis silang napahiya at sama-samang nagpunta sa bahay ng mag-asawa upang humingi ng tawad.

Naging mainit naman ang pagtanggap ng mag-asawa sa kanila. Paghingi lang naman daw ng tawad sa kanilang mga sinabi ang matagal nang hinihintay ni Patricia at Ronald.

Natutunan ng pamilya ni Ronald na hindi batayan ang estado sa buhay sa paghusga sa isang tao. Ang akala nila’y mamemera kay Ronald ang babaeng sasagip at sasalo pa pala sa anak nila sa panahon ng pangangailangan.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement