Inday TrendingInday Trending
Nawalang Parang Bula ang OFW na Ito nang Magkapera, Saan Siya Pupulutin Makalipas ang Ilang Taon?

Nawalang Parang Bula ang OFW na Ito nang Magkapera, Saan Siya Pupulutin Makalipas ang Ilang Taon?

Panganay si Pong sa tatlong magkakapatid. Maagang sumakabilang-buhay ang kanyang ama nang dahil sa isang sakit, kaya naman ang kanyang ina na lamang ang natirang gumagapang upang mapag-aral silang tatlo.

Kahit isang teacher si Magda sa hayskul, mahirap pa ring pagkasyahin ang kita niyang P23,000.00 kada buwan sa pangtustos sa kanilang apat. Gayunpaman, ginawa ng inang si Magda ang lahat upang mairaos ang kagustuhan ng panganay na maging seaman.

“Mama, isang taon na lamang at magtatapos na ako. Kaunti na lang po at makakaraos na tayo. Pangako, bibilhan kita ng lahat ng gusto mo,” nakangiting sabi ni Pong sa kanyang ina.

“Nako, hijo. Ayos na ako, kahit unahin mo na lamang ang mga kapatid mo. Makita ko lamang na maging maganda ang buhay ninyong tatlo ay masaya na ako,” sagot naman ni Magda.

Dahil nga naghihikahos sa buhay, kailanma’y hindi na nakaranas ng anumang luho o sarap sa buhay si Pong. Madalas din niyang pagbigyan ang mga kapatid sa tuwing may uwing bagong damit o pagkain ang kanyang ina. Bilin kasi sa kanya ng yumaong ama na siya na ang tatayong haligi ng tahanan nang mawala ito.

Makalipas ang isang taon, matagumpay na nakapagtapos ng kolehiyo si Pong. Agad din siyang nakapasok sa trabaho bilang isang seaman sa Australia. Malaki agad ang sahod niya dahil marami siyang karangalang nakuha mula sa eskwela.

Unang anim na buwan ay mahigit kalahati ng sahod ni Pong ay ipinadadala niya sa kanyang pamilya na labis namang ikinatuwa ng mga ito. Ngunit laking gulat nila nang isang araw ay dumating ang isang nakagigimbal na balita.

“Mama! Tumawag po ‘yong agency daw ni Kuya Pong. Naaksidente raw ang barko nila kuya. Hindi na raw matagpuan ang katawan ng mga nasawi dahil lahat daw ay lumubog na sa kailaliman ng dagat,” umiiyak na balita ni Dennis, kapatid ni Pong.

Nagluksa ang kanilang pamilya. Halos mabaliw na si Magda dahil sa labis na kalungkutan, ni hindi man lang niya makita ang labi ng kanyang anak bago ito tuluyang mamayapa. Walang habas din ang pag-iyak ng dalawa niyang kapatid.

Sa kabilang banda ay masayang-masaya si Pong habang kasama ang bago niyang nobya.

“Sabi ko naman sa’yo, babe eh. Effective! O ‘di ba, solo na natin ang pera mo. Hindi mo naman kasi sila responsibilidad! Hindi porket panganay ka ay kailangan mo na silang buhayin,” wika ng babaeng si Trixie. Kasamahan siya ni Pong sa barko na nakaisip ng masamang planong magpanggap si Pong na pumanaw na upang maiwasan ang pagpapadala sa Pilipinas.

“Oo nga. Sa totoo lang, ngayon ko lang naramdaman ang masarap na buhay. Noon e puro paghihirap at gutom na lang. Wala naman sigurong masama sa pagtalikod ko sa kanila. At isa pa, ikaw na lang ang gagastusan ko,” sagot ni Pong na tila bulag na bulag na sa pag-ibig at sarap ng buhay ng pagkakaroon ng maraming pera.

“Tara na, honey. Mag-shopping na tayo,” sagot nito.

Lumipas ang halos tatlong taon at naging sagana ang buhay ni Pong, habang hirap na hirap naman ang iniwan niyang pamilya sa Pilipinas. Tumigil na ng pag-aaral si Dennis upang paunahing patapusin sa pag-aaral ang kapatid na si Carlo. Sa kabila noon ay labis naman silang napalapit sa isa’t-isa dahil sa pagsubok na hinaharap.

Isang araw, nagising si Pong sa bahay niya sa Maynila na wala na si Trixie sa kanyang tabi. Nag-iwan ito ng sulat at sinabing,

“Pong, aalis na ako. Hindi na kita mahal. Salamat sa lahat ng perang ginastos mo sa akin. Napasaya mo ako ng lubos. – Trixie”

Gumuho ang mundo ni Pong. Nakita rin niya na bukas ang vault na naglalaman ng ipon niya mula sa pagbabarko ay bukas at wala nang laman. Sinubukan ni Pong na tawagan at ireport sa pulis ang pagnanakaw na ginawa ng dating nobya ngunit bigo silang mahanap ito.

Dahil isang taon na siyang hindi bumabalik ng trabaho, nang subukan niyang mag-apply muli ay nahirapan na siyang makapasok. Nawalan na kasi ng tiwala ang mga kliyente sa kanya dahil bigla na lamang itong nawala noon dahil sa yaya ni Trixie. Ang akala niya noo’y sapat na ang pagmamahal ng dalaga para siya ay mabuhay.

Ilang buwan ang nakalipas at nagising si Pong sa malakas na katok ng may-ari ng apartment na inuupahan niya.

“Hoy! Pong! Ano? Tatlong buwan ka nang hindi nagbabayad, baka naman may hiya ka pa diyan sa katawan mo?” sigaw nito.

“Pasensiya na ho, naghahanap pa ho ako ng trabaho. Pangako sa susunod na…” di na natapos ni Pong ang sinasabi nang sumabat ang matanda.

“Hindi! Tama na, lumayas ka na ngayon din. Hindi lang ikaw ang nangangailangan ng pera. Lumayas ka,” sigaw nito.

Wala nang nagawa si Pong at lumayas na nga siya sa bahay na iyon. Ilang gabi siyang nagpalaboy-laboy sa kalsada dahil wala siyang ibang mahingan ng tulong, karamihan kasi sa mga kaibigan niya’y alam ngang wala na siya.

Ngunit dala ng matinding gutom at hirap, napagdesisyunan na ni Pong na lunukin ang hiya at subukang umuwi sa kanilang bahay upang humingi ng tulong sa kanyang ina’t mga kapatid.

“Mama? Mama?” wika nito habang kumakatok sa pintuan ng kanilang bahay.

Nang buksan ni Magda ang pinto, napaluhod ito nang makita ang kanyang anak.

“Nananaginip ba ako?! Anak?! Ikaw ba ‘yan?” umiiyak na wika ni Magda, narinig ito ng dalawang kapatid niya at lumabas na rin upang makita kung ano ang nangyayari.

“Mama! Patawarin niyo po ako. Patawad!” iyak ni Pong. Ipinaliwanag niya ang lahat ng nangyari sa kanya, pati ang pagpapanggap niya, sa kanyang pamilya. Inaasahan niyang papalayasin siya dahil sa galit, ngunit nagulat siya nang yakapin siya ng mga ito.

“Tahan na, anak. Tahan na. Ang mahalaga, nandito ka na. Buo na tayo. Tahan na, pinapatawad ka namin,” wika ng ina.

Nagalit naman ang nakababatang si Carlo, ngunit kinalaunan ay nagawa rin niyang patawarin ang kapatid.

Lumipas muli ang ilan pang taon, nakabangon na sa pagkalugmok si Pong. Tinanggap muli siya sa agency na pinagtatrabahuhan, at nakapag-abroad ulit. Ngunit ‘di katulad noon, ngayon ay buong puso na siyang bumawi sa kanyang ina’t mga kapatid. Nakapagtapos ang dalawa niyang kapatid, at binigyan niya ng maganda at masarap na buhay ang ina.

Natutunan ni Pong na mas mahalaga ang pamilya kaysa sa pera at sa babaeng nanloko sa kanya noon. Nangako siyang kailanman ay hindi na magpapa-uto at magpapaloko, at kailanman ay hindi na ipagpapalit ang kanyang pamilya sa kahit na sino.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement