Inday TrendingInday Trending
Nang Manalo sa Lotto ay Namudmod ng Pera ang Lalaki, Ngunit Biglang Nawala ang mga Ito nang Siya na ang Mangailangan

Nang Manalo sa Lotto ay Namudmod ng Pera ang Lalaki, Ngunit Biglang Nawala ang mga Ito nang Siya na ang Mangailangan

Nag-iisa lamang na anak si Max, ang kanyang ama’t ina ay nagmamay-ari at namamahala ng maliit na pwesto sa palengke. Maganda naman ang kita ng kanyang mga magulang kaya’t hindi nakakaranas ng hirap at gutom ang binata. Gayunpaman, nakasanayan na niya ang tumaya sa lotto sa pag-asang manalo ng milyon-milyon.

Katulad ng kanyang ama’t inang si Jen at Miko, mapagmalasakit sa kapwa at mapagbigay si Max. Pinalaki kasi siyang may magandang asal at tumulong sa mga nangangailangan.

Isang araw, pagkauwi ni Max galing trabaho ay agad siyang umuwi sa kanilang bahay dala ang isang napakalaking balita.

“Papa! Mama! Mayaman na tayo!” sigaw nito nang makitang nakaupo at nanonood ng telebisyon ang ama’t ina niya.

“Ha? Bakit, anak? Nakapulot ka na naman ba ng barya sa kalsada?” pabirong tugon ni Miko sa anak.

“Hindi lang ganoon, papa! Mas matindi. Handa na ba kayo?” nakangising sagot ng anak.

“Ano ba ‘yan? Pinakakaba mo naman ako, hijo,” wika ni Jen.

“Ganito kasi ‘yon… NANALO AKO SA LOTTO! ANIM NA RAANG MILYONG PISO,” pagmamalaki ni Max.

Gulat na gulat ang mag-asawa. Nagtalunan pa sila sa labis na kaligayahan.

“Nako, mama at papa! Huminahon kayo. Baka kasi atakihin kayo sa puso sa sobrang saya,” biro ni Max.

Kinabukasan, agad nilang kinuha ang daan-daang milyong piso at ipinasok sa bangko. Agad ding nagpakain si Max sa kanilang mga kapitbahay. Inimbitahan niya ang lahat ng kaibigan ng kanyang ama’t ina.

“Jen! Mare, ano bang mayroon? Kaarawan ba ng isa sa inyo? Bakit para kayong may papiyesta rito?” tanong ng nagtatakang bisitang kapitbahay.

“Nako, wala naman mare. Uhm… Na-promote lang kasi sa trabaho ang anak ko,” wika ni Jen. Ayaw niyang ipaalam sa mga tao ang pagkapanalo upang maiwasan na rin ang pagkalat ng balita, na maaaring maka-engganyo ng masasamang loob.

“Ganoon ba? Congratulations! Napaka-galante niyong talaga,” sagot nito.

At dahil nga tunay na galante si Max, halos lahat ng kanyang mga pamangkin, pinsan, kaibigan, at kung sino-sino pang kakilala na hindi pa nakakatapos ng pag-aaral ay binigyan niya ng iskolarship. Kahit gusto pang itago ng kanyang mga magulang ang kanyang pagkapanalo, hindi nagtagal ay nalaman na rin iyon ng iilang kaibigan at kamag-anak nila.

Magmula nang mabalita iyon sa ibang tao, dumagsa na rin sa tapat ng kanilang bahay ang ilan sa mga ito upang humingi ng tulong o pabor sa kanila. Alam kasi nilang hindi sila nito matatanggihan dahil sadyang malambot ang puso ng mga ito.

Bukod sa pagpapa-aral, binigyan niya rin ng negosyo ang kanyang mga kakilala. Nanlibre pa si Max ng bakasyon sa ibang bansa kasama ng kanyang mga kamag-anak at kaibigan. Labis-labis ang inilabas niyang pera para lamang makatulong sa mga iniisip niyang nangangailangan.

Ngunit hindi nagtagal at napansin niyang kakarampot na lamang ang laman ng kanyang bank account. Hindi nagkulang ang kanyang ama’t ina sa pagpapayo sa kanya na magtipid at unahin ang sariling kapakanan bago tumulong sa iba, ngunit paliwanag niya ang labis labis ang kanyang saya sa tuwing nakakatulong siya sa iba.

“O, anak? Bakit?” tanong ni Jen nang makita ang anak na nakayuko at tila namomroblema.

“Wala naman, mama. Napansin ko lang na magkano na lang pala ang natitira sa perang napanalunan ko. Pero hindi bale pala! Nakatulong naman ako sa mga nangangailangan.”

Ilang araw ang lumipas, at isang malungkot na balita ang nalaman ni Max mula sa kanyang ama.

“Ang mama mo, isinugod ko sa ospital. Kaya pala napapadalas ang pagsakit ng dibdib niya. May tumor na pala na kailangang tanggalin sa lalong madaling panahon,” wika ng kanyang ama habang siya ay nasa trabaho.

“Ha? Papunta na ako diyan,” wika ng nag-aalalang si Max.

Pagdating niya ng ospital, agad siyang kinausap ng kanyang ama.

“Anak? Kailangan daw ni mama mo ng dalawang daang libong piso upang maoperahan siyang agad. Mayroon ka pa namang ganoong halaga, hindi ba?” tanong ng walang kaalam-alam na si Miko.

Nanlambot si Max. Ang totoo kasi ay wala na sa singkwenta mil ang laman ng kanyang account dahil noong nakaraang linggo lamang ay nanghingi ng isang daang libong piso ang kanyang kaibigan dahil kailangan daw operahan ang asawa nito.

Ipinaliwanag ni Max ang lahat sa kanyang ama, ngunit pinagaan niya naman ang loob nito nang sabihing susubukan niyang humingi ng tulong sa mga natulungan niya noon. Malakas ang loob niya na tutulungan siya ng mga ito.

“Pare! Kumusta? Tanong ko lang sana, pwede bang makahiram kahit limang libo lang? Iipunin ko kasi para makabuo ng pampa-opera ni mama,” tanong ni Max sa isang kaibigan.

“Nako, pasensiya na. Wala akong pera ngayon,” mabilis na tugon nito.

Halos lahat ng tinulungan ni Max ay sinubukan niyang hingan ng tulong. Ngunit laking panlulumo niya dahil wala ni isa sa mga ito ang gustong tumulong sa kanya.

“Papa? Anong gagawin natin? Patawarin niyo po ako. Hindi ko naisip noon na magtabi para sa atin,” umiiyak na wika ni Max sa kanyang ama.

“Gagawa tayo ng paraan,” tanging nasabi ni Miko sa anak.

“Bakit ganoon, papa? Ngayong ako ang nangangailangan, walang gustong tumulong sa akin? Bakit ganoon?”

“Minsan, may ganoon talagang mga tao anak. Nagkataon lang na lahat ng tinulungan mo ay hindi kayang magsakripisyo sa panahong ikaw naman ang nangangailangan,” anito.

Habang tahimik na nagpapahinga ang mag-ama at nag-iisip kung paano mababayaran ang pampa-opera ng ina, tatlong tao ang pumasok ng kanilang silid sa ospital.

“Mr. Max Ramos? Pwede po ba namin kayong ma-interview?” tanong ng isang babae.

“Interview? Para saan? Pasensiya na po, may sakit ang mama ko. Makakaalis na po kayo,” wika ng malungkot na si Max.

“Ako po si Neri Cruz, isa po sa staff ng isang sikat na TV documentary. Nabalitaan po kasi namin ang kabutihan na ibinahagi niyo sa ibang tao, pati na rin ang sinapit ng iyong ina. Kung papayag po kayo na isa-palabas namin ang buhay ninyo sa telebisyon, babayaran po namin kayo ng malaking halaga. Sigurado po akong makakatulong iyon sa pagpapagamot ng inyong ina,” anito.

Nagliwanag ang mga mukha ng mag-ama nang dahil sa pag-asang mapapa-operahan na si Jen. Pumayag si Max at agad pumirma ng kontrata. Lumipas ang ilang buwan at tuluyang naoperahan at napatanggal ang tumor ni Jen.

Ipinalabas na rin ang buhay niya sa telebisyon, at labis na pagka-konsensiya ang naramdaman ng mga taong kanyang tinulungan. Ang iba roon ay pinuntahan si Max upang humingi ng paumanhin, ngunit ang iba nama’y wala talagang pakialam.

Gayunpaman, nangako si Max sa kanyang ama’t ina na ngayon ay uunahin na niya ang sarili kaysa sa ibang tao. Malaki ang binayad sa kaniya ng istasyon ng telebisyon, at ginamit niya iyon sa sariling pag-unlad. Nilakihan nila ang kanilang pwesto sa palengke at dinagdagan ang kanilang mga binebenta. Nagpasok ng malaking pera si Max sa bangko upang mapalago. Regular na rin niyang pinatitingnan sa ospital ang kanyang ama’t ina.

Natutunan ni Max na hindi lahat ng tinulungan mo ay maasahan mo sa oras ng pangangailangan. Mas maganda pa rin na unahin ang sarili at ang pamilya kaysa sa kapakanan ng iba.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement