Para Makabili ng Cellphone ay Ninakawan ng Dalaga ang Kanyang Ama, Nagsisi Siya Nang Manganib ang Buhay ng Matanda
Panganay sa tatlong magkakapatid si Valerie, siya ay 4th year high school na. Ang nanay nila ay pumanaw na dahil sa sakit na diabetes, habang ang tatay naman nila ay isang jeepney driver. Sa totoo lang ay irita siya sa kanyang ama, di kasi ito katulad ng tatay ng mga kaklase niya na kayang ibigay ang gusto ng mga anak.
Sobrang hirap ng buhay nila, kung hindi ito kakayod ay hindi sila kakain. Idagdag pa na may hika ito minsan kaya mahinang pumasada, hihingal hingal nitong sinusuong ang mainit na siyudad ng Maynila para lamang may pang baon sila.
“Sabi ko nga kay daddy kulay pink eh, payag naman siya kaya lang wala nang stock kaya black nalang tong nabili ko,” pagyayabang ng kaklase niyang si Celine, hawak nito ang bagong cellphone.
“Wow, ang nipis. Ganyan naba ulit ang uso ngayon?” manghang mangha si Valerie.
“Oo kaya tapos ang camera nito 24 megapixel, love na love talaga ako ng daddy,” komento nito.
“San nyo nabili yan?”
“Sa SM Mall of Asia, malapit lang diba. Tapos kumain pa kami after ako ibili ng damit ni daddy.” sagot nito.
Inggit na inggit ang dalaga sa kaklase niya, sana magkaroon rin siya ng ganoong cellphone. Kahit kasi di pindot ay wala siya. Pag inuungutan niya ang ama ay mangangako ito pero ang tagal tagal na ay wala pa rin. Napabuntong hininga nalang siya.
Pag uwi niya sa bahay ay inabutan niya ang ama na nagpapahinga sa labas, “Tay, may sasabihin sana ako,” bungad niya rito.
“O, nak, meryenda na muna. Medyo sinusumpong ako ng hika-“
“Gusto ko ng cellphone.” dire diretsong sabi niya. Magmamaktol na talaga siya pag di pa siya binili nito!
Saglit na napaisip ang kanyang ama, “G-ganoon ba? Sige, gagawan ko ng paraan. Ano kasi nak, medyo mahina ang pasada ngayon. Pero hamo, pag ako eh nakaluwag luwag yan ang uunahin ko.”
“Puro pangako! Tagal tagal mo nang sinasabi yan ano na hanggang ngayon nganga! Si tatay naman eh, cellphone lang naman eh!” nagpapadyak na siya, nakakainis na talaga!
“Pasensya kana,walang wala kasi talaga. Kababayad ko lang ng matrikula ninyong magkakapatid,”
“Bwisit naman si tatay! Buti pa yung daddy ni Celine ikaw puro ka pangako!” sabi nya bago tumalikod rito.
Napabuntong hininga na lamang ang matanda at di na muna siya hinabol, malungkot itong napatulala sa kawalan. Kung sapat lang ang kinikita nito ay ibibigay nito ang lahat ng gusto niya. Kung madali lang sana ang buhay.
Kinabukasan ay maagang umalis ang ama ni Valerie, madaling araw pa lang ay namamasada na ito. Ang mga kapatid niya naman ay pinauna niya nang pumasok. Naghalughog siya sa bahay, partikular na sa gamit ng kanyang ama.
Nakita niyang may maliit na alkansya ito, sinaid niya ang laman noon. 1500 pesos,ang laki ng ngiti niya. Sapat na siguro iyon para makabili ng cellphone kahit na imitation.
Ilang sandali pa ay byahe na siya papuntang SM Mall of Asia, bigla niya namang naisip na mall iyon at tiyak na walang imitation. Lahat ay original, ibig sabihin, mahal.
Bumaba muna siya sa palengke ng Baclaran at nag ikut ikot, isang lalaki ang nakahalata sa pagkalito niya kaya sinamantala nito iyon at nilapitan siya.
“Neng, bilhin mo na to,” pabulong na sabi nito, hawak nito ang isang bagung bagong cellphone na kagaya ng kay Celine. Pink pa!
“H-ho? Magkano kuya?”
“Dalawang libo lang, bagong model yan, palitan mo nalang ng sim card.” sabi nito na malikot ang mata.
“Hala, nakaw yan eh!” alma niya.
“Ayaw mo pa? Bahala ka, 49000 to sa mall,” sabi ng lalaki at akmang tatalikod na. Mabilis na nag isip si Valerie.
“T-teka! Kunin ko na, kaya lang 1500 lang dala ko kuya,”
Napamura ang lalaki pero iniabot na rin ang cellphone sa kanya, nang akmang bubuksan niya iyon ay pinigil siya ng lalaki.
“Sa bahay mo na testingin, baka makita kapa ng may ari dito.”
Kinakabahang napatango si Valerie at sumakay na muli pauwi. Habang nasa jeep ay sinubukan niyang buksan ang cellphone pero hindi iyon gumagana. Nataranta ang dalaga, naloko siya! Binuksan niya ang likod noon at nakita niyang bulok bulok na ang battery, walanghiya!
Nang makauwi siya ay nakahanda na siyang magsorry sa kanyang ama pero nagulat siya nang maraming tao sa kanilang bahay. Sinalubong pa siya ng kanilang kapitbahay na naaawang niyakap siya.
“Ang tatay mo, isinugod sa ospital. Inatake ng hika, nawalan raw ng perang pambili ng gamot.”
Kung hindi siya hawak ng kapitbahay nila ay baka bumagsak siya sa lupa dahil nanlalambot siyang napaiyak. Kasalanan niya ang lahat!
Pumunta siya sa ospital at naabutan ang amang hirap na hirap huminga, inaasistehan ito ng mga nurse. Nasa tabi nito ang mga kapatid niyang umiiyak.
“Tay, patawarin nyo po ako.Wag mo kaming iiwan tatay..” paulit ulit na iyak niya.
Taimtim siyang nagdasal at humingi ng tawad sa Diyos. Nangako siyang mabuhay lamang ang kanyang ama ay magpapakabuti na siya. Talagang pinakikinggan ang nagsisisi dahil umigi ang pakiramdam ng lalaki.
Inamin niya rito ang kanyang kasalanan, nakakagulat na di rin naman nagalit ang tatay niya. Naiintindihan nito ang nagawa niya, hiniling lang nitong wag na sanang maulit ang kanyang pagnanakaw.
Nang makalabas sa ospital ang kanyang ama ay ang laki na ng pinagbago ni Valerie. Tumulong rin siya sa kanyang ama kahit pa tutol ito, pag walang klase ay namamasukan siya bilang tagahugas ng pinggan sa isang karinderya.
Di nagtagal, sa pagsisikap ay nakatapos ang dalaga. Ngayon ay nagtatrabaho na siya sa isang opisina, malaki ang sahod niya kaya napagawaan niya na ang ama ng isang maliit na negosyo upang di na ito mamasada pa.