Tinulungan ng Dalaga ang Isang Walang Malay na Babae, Paglipas Ng Panahon ay Ibabalik Nito ang Pabor sa Kanya
Masyado ng ginabi si Saling sa daan. Nahirapan siyang makasakay dahil maraming tao ang na-stranded sa kalsada dulot ng malakas na ulan na nagresulta ng matinding pagbabaha.
Isang kanto mula sa apartment na kaniyang tinitirahan ay may nakita siyang isang babae na nakahandusay sa daan. Madungis ang pangangatawan at damit nito. Lalagpasan na sana ito ni Saling nung makarinig siya ng isang malakas na ungol. Nung balingan niya muli ang babae ay napansin niyang nanginginig ang buong katawan nito. Nang dampian niya ang noo nito ay labis siya nabahala. Mataas ang lagnat ng babae.
Naawa si Saling sa babae kaya inakay niya ito pauwi sa kaniyang apartment. Ihiniga niya ito sa kaniyang kama bago siya nagpunta ng kusina. Nagpakulo siya ng maiinit na tubig at tsaka pinunasan ang katawan ng pobreng dalaga bago niya isinuot dito ang isang pares ng damit na kinuha niya mula sa kaniyang tokador.
“Gumising ka muna sandali. Kumain ka muna kahit kaunti lang nang makainom ka na ng gamot. Masyadong mataas ang lagnat mo.” Tapik ni Saling sa babae matapos niyang makapagluto ng lugaw.
Hindi natulog si Saling. Binantayan niya ang babae buong magdamag. Pinupunasan niya ito kada trenta minutos para maagapan ang pagtaas ng lagnat. Ginigising din niya ito kada apat na oras para pakainin ulit ng lugaw bago niya ito painumin ng gamot.
Sa sobrang pagod ay nakatulog si Saling. Magtatanghali na nung nagising siya. Gising na rin iyong babae. Tahimik itong nakaupo sa kama habang hinihintay siyang magising. Wala na rin itong lagnat.
“Salamat at tinulungan mo ko kagabi. Bibihira ang taong tulad mo. Mag-uuwi ng isang estrangherong may sakit at aalagaan ito ng buong gabi. Kung hindi dahil sa iyo ay baka tuluyan na akong napahamak.”
Karen ang pangalan ng babaeng tinulungan ni Saling. Ilang buwan na itong naghahanap ng trabahong mapapasukan. Pauwi na siya matapos ang kaniyang job interview nang hinoldap ito habang naglalakad sa kalye. Sa sobrang sama ng pakiramdam ni Karen ay nahimatay na lang siya sa daan matapos matangay ng holdaper ang dala-dala niyang bag.
Nagkwentuhan pa ang dalawang babae habang kumakain ng tanghalian. Pinahiram ulit ni Saling si Karen ng damit at binigyan niya rin ito ng limang daang piso para may pamasahe siya pauwi.
“Ibigay mo sa akin ang cell phone number mo para alam ko kung paano kita makokontak. Babayaran kita agad pag natanggap ako sa trabaho at nakuha ko na ang una kong sweldo.” Pangako ni Karen kay Saling bago siya umalis.
Limang taon na ang nakakalipas at may sariling pamilya na si Saling. Sinugod niya sa ospital ang panganay niyang anak dahil nahihirapan itong huminga. Ang simpleng ubo ng kaniyang anak ay nauwi sa pneumonia at kinakailangan itong ma-confine.
Hindi niya alam kung saan siya kukuha ng perang pambayad. Gipit ang pamilya niya ngayon. Maliit lang ang kinikita ng kaniyang asawa. Maliban pa doon ay ilang buwan na siyang hindi nakakapagtrabaho dahil naging maselan ang pagbubuntis niya sa pangalawang anak nila ng mister.
“Misis, naka-ready na po yung paglilipatan ng anak niyo. Ako po ang maghahatid sa inyo sa taas.” Sabi ng isang nurse.
Tahimik lang si Saling habang sila ay naglalakad patungo sa magiging kwarto ng kaniyang anak. Ang utak niya ang walang ginawa kung hindi mag-isip kung sino ang pwede niyang utangan para may ipambayad sila sa pagpapagamot ng kaniyang anak. Inisa-isa din niya ang mga ari-arian nila na pwede niyang isanla ng sa ganoon ay magkaroon sila ng pera.
Nang makarating na sila kwarto ay magkahalong gulat at takot ang kaniyang naramdaman.
Ang inaasahan niya ay sa charity ward sila ihahatid ng nurse pero nagkamali siya. Inilipat ang kaniyang anak mula sa E.R. sa isang malaking private room na may dalawang kama na para sa pasyente. Mayroon din itong dalawang higaan para sa magbabantay. Isang maliit na kitchenette sa isang bahagi, sariling c.r., malaking flatscreen na t.v. sa pader at isang mahabang sofa para sa mga bisita.
“Nurse, nagkamali tayo ng kwarto pinasok. Sa charity ward mo kami dapat dinala. Hindi namin to kayang bayaran.”
“Tama po yung kwarto. Wala din po kayong poproblemahin sa bayad. Kung may itatanong pa po kayo, hintayin niyo na lang yung magulang nung isa pang pasyente na makakasama niyo dito.”
Takang-taka si Saling sa mga kaganapan. Maraming tanong ang gumugulo sa kaniyang isipan pero wala siyang magawa kung hindi maghintay sa pagdating ng mga makakasama nila sa kwarto.
Isang oras ang lumipas bago may pumasok na nurse. Tulak-tulak nito ang wheelchair kung saan nakaupo ang isang batang babae na may sakit. Nakasunod sa kanila ang isang magandang babae na pamilyar ang mukha kay Saling. Pilit niyang inaalala kung kakilala niya ang babae pero walang pangalan ang sumasagi sa kaniyang isipan.
“Kamusta na, Saling? Natatandaan mo pa ba ako si Karen, yung tinulungan mo dati. Ilang beses kong sinubukang tawagan yung cell phone number mo pero not yet assigned daw. Nung nagkaroon naman ako ng pagkakataong puntahan ka sa apartment ang sabi nung landlady sa akin matagal ka na daw lumipat. Ilang taon na kitang hinahanap dito lang pala sa ospital ng asawa ko muling magtatagpo ang ating landas.”
Hindi makontak ni Karen si Saling noon dahil nawala niya ang kaniyang cell phone. Matapos din siyang ikasal ay lumipat na siya sa bahay ng kaniyang asawa kaya hindi na siya nadatnan nito sa apartment.
“Pasensya na kung hindi kita agad nabayaran. Nagkasakit kasi ang tatay ko. Nung nagkapera na ko tsaka naman kita hindi mahagilap.”
Nakapagasawa ng mayaman si Karen at ang pamilya ng asawa niya ang nagmamay-ari ng ospital kung saan sinugod ni Saling ang kaniyang anak Nagkataon namang sinugod din sa ospital ang anak ni Karen at magkatabi lang ang pwesto ng kanilang mga anak sa E.R. kanina. Agad na namukaan ni Karen ang taong sumagip sa kaniyang buhay noon kaya nung nalaman niyang namomroblema ito sa ipambabayad sa pagpapagamot ng anak ay hindi siya nagdalawang isip na tulungan ito.
Hindi inaasahan ni Saling na muling magtatagpo ang landas nila ni Karen lalo na ang gantihan nito ang simpleng tulong na ginawa niya noon.
Sa maliit na kawanggawa na ginawa ni Saling noon ay nagkatagpo siya ng isang tao na higit pa sa kaibigan ang magiging turing sa kaniya. Simula nung araw na iyon ay hindi na mapaghiwalay ang dalawang babae. Lumalim ang kanilang pagkakaibigan at pamilya na ang naging turingan nila sa isa’t-isa.