Walang Inatupag ang Mister Kung Hindi Ang Paggamit ng Cellphone, Natauhan Siya sa Sinapit ng Misis Matapos Niya Itong Balewalain
Tatlumpung taon nang mag-asawa si Rosario at Andoy. May kanya-kanya nang pamilya ang tatlo nilang supling na sina Marco, Benny, at Tessa. Kaya naman ang dalawa na lamang ang natira sa kanilang pamamahay.
Kailanma’y hindi nagkaproblema ang mag-asawa. Tapat at mapagmahal na mister si Andoy, maalaga at malambing na misis naman si Rosario. Ilang taon na lamang ay ganap na silang mga senior citizens.
Ngunit magmula nang ibili ng kanilang mga anak ng tig-isang cellphone ang kanilang magulang, tila nag-iba ang ihip ng hangin. Babad na babad sa Facebook at panonood ng mga videos ang mister na si Andoy. Pagkagising, matapos kumain, at pati bago matulog. Kaya naman magmula nang mapansin ito ni Rosario ay agad itong nagsabi sa mga anak.
“O Tessa, kumusta na kayo ng asawa mo? Ang mga apo ko, kumusta?” ‘ika ni Rosario nang tawagan sa cellphone ang bunsong anak na nakatira sa ibang bansa.
“Ayos naman, mama. Eto, pagkalikot-likot ni Seb. Palagi akong pagod kakahabol. Takbo po nang takbo kung saan-saan e. Hehe. E kayo po ni papa, kamusta?”
“Ayun na nga ang itinawag ko sa’yo. Pagsabihan mo ang Papa mo. E halos hindi ko na makausap e. Buong araw nakababad sa cellphone niya. Imbes na makabuti, mukhang nakasama pa yata itong pagbili ninyo ng cellphone para sa amin.”
“Baka naman po natutuwa lang si papa na makausap yung mga dati niyang kaibigan. Ganyan po talaga. Etong mga biyenan ko tutok na rin sa kanilang mga cellphone e. Panay ang reunion nga nila ng mga kaklase noong kabataan nila. Hehe.”
Lumipas ang mga araw at ganoon pa rin ang lagay ng kanilang tahanan. Madalas ay wala nang makausap si Rosario dahil nga babad lamang sa cellphone ang kanyang asawa. Minsan ay lumalabas ang dalawa, ngunit habang kumakain ay nagce-cellphone pa rin ito.
“Andoy? Baka naman gusto mo akong kausapin. Magkasama nga tayo pero parang hindi naman. Nasa harap pa naman tayo ng pagkain,” malambing na sumamo nito sa asawa.
“Ha? Ahh. Kausap ko lang naman ‘tong mga dati kong kaklase. At saka eto oh, may nilalaro ako. Nakakaaliw e. Subukan mo minsan. I-download natin sa cellphone mo,” ‘ika ni Andoy sabay balik sa kanyang ginagawa.
Napabuntong hininga na lamang si Rosario at nagpatuloy sa kanyang pagkain.
Isang gabi, habang magkatabing nakahiga ang mag-asawa ay nagsabi ng kanyang mga pisikal na nararamdaman si Rosario.
“Andoy? Ang sakit sakit ng katawan ko. Para bang kumikirot ang mga kalamnan ko. Samahan mo ako bukas magpatingin sa doktor?” hinaing ni Rosario sa asawa.
Tila walang narinig si Andoy dahil abala na naman ito sa panonood ng mga nakakatawang videos. Bigla pa itong humagalpak ng tawa dahil sa kaniyang pinanonood.
“Andoy?”
“O? Bakit? Ano ba ‘yon? Nakita mo namang nanonood e,” inis pang sagot ni Andoy.
“Ganoon ba? Pasensiya na. Sige. Matutulog na ako.”, sabay talikod ni Rosario sa asawa.
Imbes na lambingin at humingi ng tawad, tulad ng lagi nitong ginagawa dito, ay nagpatuloy lang sa panonood ang matanda.
Kinabukasan, nagising si Andoy sa matinding sikat ng araw. Nakabukas pa ang bintana ng kanilang kwarto. Nagtaka siya dahil sanay siyang pagkagising niya ay naisara na ito ni Rosario. Idinilat na niya ang kanyang mata, sabay kapa kung nasaan na ang cell phone niya. Titingnan niya sana kung may mga bagong posts ang mga kaibigan niya sa kanilang group chat, nang bigla niyang makita ang asawang tila hindi na humihinga na nakahiga sa kanyang tabi.
Nanlaki ng labis ang mga mata ng mister at biglang napatayo sa kama. Agad niyang tinapik-tapik ang asawa at kinausap.
“Rosario? Mahal? ROSARIO!” ngunit hindi na ito nagsasalita.
Agad siyang tumawag ng ambulansya upang agad na maisugod sa ospital ang asawa. Habang naghihintay sa ospital ay tinawagan na rin niya ang dalawang anak na lalaking nasa Pilipinas upang papuntahin.
“Papa! Anong nangyari kay Mama?! Sinumpong na naman ba?!” tanong ni Benny sa kanyang ama.
“Anong sinumpong? Wala namang sakit ang Mama mo. At wala siyang sinasabi sa akin,” paliwanag ni Andoy.
“Ha?! Ano ka ba Papa? Magkasama po kayo sa bahay tapos hindi mo alam? May sakit si Mama!”
Natulala si Andoy. Bigla niyang naalala ang mga pagkakataong nagsasalita ang asawa at tila kinakausap siya ngunit hindi niya pinapansin dahil abala siya sa kanyang pagce-cellphone. Kung hindi pa sinabi ng anak niya ay hindi niya malalaman na may matinding sakit pala ito sa puso.
Pagkarating ng panganay na si Marco ay saktong lumabas na rin ang doktor upang magbalita.
“Napaka-swerte niyo po at maaga ninyong naisugod sa ospital si Nanay Rosario. Nasa ICU pa po siya ngayon pero mamayang gabi ay maaari ninyo na siyang dalawin. Sa susunod po, sana ay pakinggan ninyo ang hinaing ng nararamdaman niya para mabigyan ng agarang lunas,” bilin ng nag-aalalang doktor.
Napaluha si Andoy. Niyakap nito ang dalawa at humingi ng tawad sa kapabayaang ginawa sa ina ng kanyang mga anak.
Kinagabihan, nagising na si Rosario. Nagulat ito nang makita ang asawa na taimtim na nagdadasal sa kanyang tabi.
“Mahal? Aba. Milagro ata ito. Hindi ka nagce-cellphone. Hehehe,” nakangiting sabi ng nanghihinang si Rosario.
Napatayo si Andoy at biglang niyakap ang asawa. Agad tumulo ang mga luha nito.
“Mahal! Patawarin mo ako. Hindi na mauulit. Hindi na!”
Magmula noon ay inalagaan nang mabuti ni Mang Andoy ang kanyang asawa. Mabuti na lamang ay natauhan siya agad. Kailanma’y hindi na niya inuunang bigyan ng atensyon ang kanyang cellphone kaysa sa kanyang asawa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!