Walang Pakundangan sa Paghingi ng Pera ang Pamilya ng Babae, Hindi Nila Alam ang Pinagdaraanan ng Kawawang OFW
Dahil lalong nagmamahal ang bilihin sa merkado, mas naging mahirap para sa pamilya ni Irma ang makaraos sa pang-araw-araw na pangangailangan. Hindi nakapagtapos ng pag-aaral ang panganay na si Grace dahil pinauna niya ang sumunod na kapatid na si Edwin. Noong akala nila’y makapagtatapos na ang binata, bigla itong umamin na nakabuntis na siya ng isang babae at matagal na siyang tumigil sa pag-aaral upang matustusan ang pangangailangan ng kaniyang mag-ina. Imbes na makatulong ay nakadagdag pa sa paghihirap ng mag-anak itong si Edwin.
Kaya naman napagdesisyunan ng panganay na anak ni Mang Lando at Aling Cora na mag-abroad at mamasukang isang kasambahay sa Kuwait. Kahit pa ayaw niyang malayo sa ama’t ina, naisip niyang mas makabubuti na labanan niya na lamang ang lungkot at pangungulila kaysa sama-sama silang malubog sa utang sa Pilipinas.
“Papa, Mama, mag-iingat kayo ha? Palagi ninyo akong babalitaan. Iyang cellphone na pinag-ipunan ko, alagaan ninyo. Diyan ko kayo palaging tatawagan ha? ‘Wag kayong mag-alala, buwan-buwan akong magpapadala makaraos lamang tayo,” bilin ng maluha-luhang si Irma nang paalis na siya papuntang airport.
“Oo, anak. Mag-iingat ka rin doon. Basta’t kapag may umabuso sa’yo, uuwi kaagad ha? Hindi na baleng maghirap tayo dito. Basta ligtas ang anak ko, masaya na ako,” sabay yakap ni Mang Lando sa paboritong anak. Bilang isang magtataho, hindi sapat ang kaniyang kita upang mapigilan ang anak na umalis ng bansa.
Nagyakapan na ang mag-anak at tuluyan nang lumabas ng kanilang tahanan si Irma. Pigil na pigil ang pagtulo ng kaniyang mga luha.
Nang makarating sa Kuwait, agad siyang inihatid at ipinakilala ng agency sa pamilya na kaniyang papasukan. Laking pasasalamat niya dahil sa unang pagkikita ay mukhang mababait ang mga ito. Mag-asawa at isang binatang anak lamang ang kaniyang pagsisilbihan kaya naman naisip niya ay magiging madali lang ang kaniyang trabaho.
Unang gabi pa lamang ay nakaramdam na siya ng matinding pangungulila. Habang nakahiga sa kaniyang kama, panay buhos ang luha ni Irma habang tinitingnan ang litrato ng kaniyang pamilya. Doon siya humuhugot ng lakas upang tibayan ang kaniyang loob.
Kinabukasan, maaga siyang nagising upang magsimula na sa kaniyang mga gawain. Nagdilig na siya ng mga halaman sa hardin, naghugas ng mga pinggan, at naglinis ng buong bahay. Pinagluto na rin niya ng agahan ang mga ito. Maya-maya pa ay nakita niya ang kaniyang amo na pababa na mula sa kanilang silid. Agad naman niya itong binati.
“Good morning Sir and Mam!”
Nakangiting tumango ang mag-asawa sa kanilang kasambahay. Habang wala namang reaksyon ang labing pitong taong gulang na anak nila.
Mabilis na lumipas ang mga araw. Masaya si Irma sa kaniyang trabaho at amo, bukod sa patakaran na tuwing Linggo lamang niya maaaring gamitin ang kaniyang cellphone.
Dumating na ang unang araw ng sahod ni Irma. Tuwang-tuwa ito dahil natapat sa araw ng Linggo iyon at maaari niyang tawagan ang kaniyang pamilya.
“Papa! Sweldo ko na po. Hehe. Pasensiya na po ngayon lang uli ako nakatawag. Bawal po kasi mag-cellphone kapag may trabaho e. Linggo lang daw po pala ang day-off ko,” kwento ni Irma sa kaniyang ama na nakasagot ng kaniyang tawag. Matagal na pala itong naghihintay na tumawag ang kaniyang anak.
“Pinag-alala mo ako, anak! Hindi ka naman nagsabi na tuwing Linggo lamang pwede. Kumusta ka na d’yan? Mababait ba sila?” tanong ng nagmamalasakit na ama.
“Oo naman, papa. Sa katunayan nga po hindi naman ako masyadong nahihira…”, hindi na natapos ni Irma ang sasabihin nang biglang agawin ng kaniyang ina ang cellphone.
“Ano?! Nagparamdam ka rin, ano? Akala ko aangkinin mo na ang sasahurin mo diyan e. Magpadala ka na!” galit na sambit ng kaniyang ina. Mainit na naman ang ulo nito dahil sa kawalan ng pera.
“Mama, ipinaliwanag ko naman na po kay Papa. Tuwing Linggo lang po maaaring gumamit ng cellphone. Nakapagpadala na nga po pala ako diyan ng sampung libong piso. Pasensiya na po, dadagdagan ko sa susunod.”
“Talaga? Nagpadala ka na? Hehe. O sige, anak. Kukubrahin ko na ha? O eto, mag-usap na kayo uli ng papa mo,” biglang bago ng tono ng ina nang marinig na nakapagpadala na ang anak.
Iaabot pa lamang ni Cora ang cellphone kay Lando nang bigla itong agawin ni Edwin.
“Ate! Sweldo mo raw ah! Baka naman. Hehehe. Wala na kasing pang-diaper si baby e. Wawa naman pamangkin mo oh,” panghihingi ng pera ni Edwin.
“Ikaw talaga. Oo na, sige. Kumuha ka ng P500 sa padala ko kina papa at mama. Kumusta na kayo d’yan? Ang pamangkin ko, miss na ba ako?” paglalambing ni Irma.
“Yun! Salamat, ate! Sige na, bye!” hindi man lang pinansin ang pangangamusta ng kaniyang nangungulilang kapatid.
Sa wakas ay naibalik na ang cellphone kay Lando, ngunit nang kakamustahin na niya ang anak at kukwentuhan ay bigla na itong nawala. Naubusan na pala ng load si Irma.
Labis ang lungkot na naramdaman ng dalaga. Naisip niya’y hindi man lang siya kamustahin ng ina at kapatid. Ang kaniyang ama na tanging may pakialam sa kanya’y hindi niya pa nakausap ng maayos. Dahil ipinadala niya ang lahat ng kaniyang pera, ni hindi magawang makalabas ni Irma upang makapamasyal man lang. Kaya naman naisipan niyang matulog na lamang upang makapag-ipon ng lakas.
Nagising si Irma na tila may kamay na nakahawak sa kaniyang hita. Nanlaki ang mata niya nang makita ang binatang anak ng kaniyang amo na nakaupo sa tabi ng kaniyang higaan. Nakatitig lamang ito sa kanya habang patuloy na hinihimas ang kaniyang hita at binti.
“Hey. You like it?” nakangiting tanong ng binata. Takot na takot si Irma dahil sa kanang kamay nito ay may hawak itong baril na nakatutok sa kanya.
“No! Stop, please? Stop!” sigaw ng umiiyak na dalaga. Natigilan siya ng biglang itinututok ng binata ang hawak na baril sa sentido niya.
“You try to escape, I shot you. Understand? UNDERSTAND?!” pagbabanta nito sa kanya habang nakatutok pa rin ang baril.
Wala nang nagawa si Irma. Dahil sa takot na kitilin ng binata ang kanyang buhay, hinayaan niya na lamang na babuyin nito ang kanyang pagkatao.
Matapos makaraos ng binata ay agad itong nagsuot ng damit at sabay sabing, “You tell my mom and dad, i shot you. OK? UNDERSTAND?”
Halos mabaliw sa takot si Irma. Hindi na niya alam ang gagawin dahil bukod sa agency at sa kanyang amo, wala na siyang ibang kakilala doon.
Akala ni Irma ay hindi na mauulit ang kawalanghiyaan ng binata, ngunit mas dumalas pa ang panghahalay nito. Hindi na makapaghintay si Irma na dumating ang sweldo upang makapagpa-load at matawagan ang pamilya upang humingi ng tulong.
Sa wakas ay lumipas na muli ang isang buwan at ang pinakahihintay na araw ni Irma. Agad itong nagpa-load at tumawag sa Pilipinas.
“Mama! MAMA!”, umiiyak na sabi ni Irma.
“O, bakit? Magpadala ka na. Ang Papa mo, nilalagnat.”
“MAMA! INAABUSO PO AKO NG ANAK NG AMO KO. TULUNGAN PO NINYO AKO!”
“Ano ka ba? Hindi ka marunong magtiis, ano? Kaunting hirap, puro ka reklamo! Wala ka pang dalawang beses nakakapag-padala tapos mag-gagaganyan ka. Sinasabi ko nga sa’yo, ang Papa mo nilalagnat! Tapos si bunso may field trip daw. Ang dami-daming umaasa sa’yo dito, Irma. Kaya parang awa mo na, ‘wag ka nang mag-inarte!”
“Pero Mama! Totoo po, pinagsasamantalahan ako…”
“Tama na! Magsasabi-sabi kang kakayanin mo, ngayon magrereklamo ka. Bahala ka d’yan. MAGPADALA KA NA!” at binabaan na ni Cora ang anak.
Sinubukan muling tumawag ni Irma ngunit pinatay na ng kaniyang ina ang cellphone nito. Kaya naman sinubukan na niyang tawagan ang kaniyang agency upang humingi ng tulong.
“This number is not a valid number”
Nangatog na si Irma. Hindi pala tunay ang number na iniwan sa kanya ng kanyang agency. Hindi na niya alam ang kanyang gagawin at ayaw na niyang bumalik sa bahay ng kaniyang amo para lamang mapagsamantalahan muli ng binata. Napaluhod na lamang ito sa gitna ng grocery store kung saan siya nagpaload. Iyak ito nang iyak nang biglang may kamay na humawak sa kanyang balikat.
“Miss? Pinay ka rin ‘di ba? Anong nangyari?” ‘ika ng matandang babae.
Nang tumingala si Irma upang makita kung sino ang kumakausap sa kaniya, napatayo na lamang ito bigla at niyakap ang matanda kahit hindi niya ito kilala. Masayang-masaya na siyang makakita ng kapwa Pilipino sa lugar na iyon.
Naupo ang dalawa sa isang coffee shop malapit sa grocery store na kanilang pinanggalingan. Ikinuwento ni Irma ang lahat ng kanyang naranasan sa kamay ng walanghiyang binata. Naluha naman ang matanda sa kalunos-lunos na pinagdaanan ng dalaga.
“Huwag ka nang bumalik doon. Sumama ka na sa akin. Uuwi na tayo ng Pilipinas,” ‘ika ng matandang babae.
“Pero… paano na po kaya ang pamilya ko? Sa akin po sila umaasa. Kailangan ko pong humanap ng ibang trabaho dito,” umiiyak na paliwanag ni Irma.
“Magtiwala ka sa akin. Ako na ang bahala sa’yo. At isa pa, bibigyan natin ng hustisya ang sinapit mo.”
Sumama si Irma sa matanda at umuwi na nga sila ng Pilipinas. Wala siyang binayaran kahit piso dahil ang matanda na ang sumagot sa lahat. Habang nasa loob ng eroplano, isang babae ang lumapit kay Irma at biglang bumulong.
“Narinig ko ang sinapit mo. Pero napaka-swerte mo at si madam ang tumulong sa’yo,” ‘ika ng nakangiting babae.
“Madam? Bakit?” nagtatakang tanong ni Irma.
“Ano ka ba? Hindi mo alam? Napakayaman niyang si Madam Gina. Kilalang-kilala siya sa Pilipinas na tumutulong sa mga kagaya mong sinawing-palad sa ibang bansa. Ganoon kasi ang nangyari sa kanya noong dalaga pa siya. Pero tingnan mo ngayon oh, bongga! Etong eroplano na ito, sa kanya rin ito!”
Gulat na gulat si Irma. Totoo ngang labis kung tumulong ang matanda. Nang makauwi sila ng Pilipinas, binigyan siya nito ng magandang trabaho sa sarili nitong kumpanya. Tumulong rin ito sa pagpapakulong sa anak ng kanyang amo na nambaboy sa pagkatao ni Irma.
Nang makauwi si Irma sa kanilang bahay matapos ang lahat ng pangyayari, labis ang iyak ng buong pamilya niya sa sinapit nito. Halos lumuhod sa paghingi ng tawad si Aling Cora sa kanyang anak dahil sa hindi pagpansin sa hinaing ng anak.
Natutunan ni Aling Cora na hindi dapat ipagsawalang-bahala ang hinaing ng anak lalo na kung nasa malayong lupain ito. Nangako naman si Irma na paghuhusayan sa trabaho upang balang-araw ay siya naman ang makatulong kagaya ng ginagawa ni Madam Gina.