Inday TrendingInday Trending
Nahilig sa Zumba ang Misis Upang Magbalik Alindog, Ngunit Tuluyan na Itong Nawalan ng Oras sa Asawa’t mga Anak

Nahilig sa Zumba ang Misis Upang Magbalik Alindog, Ngunit Tuluyan na Itong Nawalan ng Oras sa Asawa’t mga Anak

Hindi na nakakagulat na dumoble ang timbang ni Marissa magmula nang magpakasal sila ni Rico. Tig-iisang taon lamang din ang agwat ng edad ng kanilang tatlong supling. Gayunpaman ay mahal na mahal pa rin naman siya ng mister at di ito nagkukulang ipaalala sa kaniya kung gaano siya kaganda.

Tuwing umaga, nakasanayan na ng mag-anak na unang babangon si Marissa upang ipaghanda silang lahat sa kanilang pagpasok. Hindi na pinagtrabaho ni Rico ang kaniyang misis dahil mahigit pa sa sapat ang kaniyang kinikita bilang manager ng isang sikat na bangko. Kaya naman kahit pagod sa pag-aalaga sa mga anak at sa mga trabahong bahay, maituturing pa rin na masarap ang buhay ni Marissa.

Isang umaga nang pauwi na si Marissa matapos maihatid ang tatlong anak sa eskwela, nakasalubong niya ang isang dating kaklase noong hayskul.

“Marissa! Ikaw na ba ‘yan? Pagkalaki-laki mo na! Anong nangyari? Noong hayskul ikaw ang pinakasexy sa atin ah?” walang prenong tanong ni Linda.

“Uy! Linda. Ikaw pala ‘yan. Ah… Eh… Ganoon talaga eh. Pagod na sa pag-aalaga ng mga anak at kay mister kaya sa kain na lamang bumabawi,” nakangiting sagot ni Marissa, kahit inis na inis ito dahil pagkalakas-lakas pa ng boses ng kausap.

“Nako! E baka ipagpalit ka ng mister mo niyan. Dapat hindi mo pinapabayaan ang sarili mo!” kantyaw nito sa dating kaklase.

“Mahal na mahal naman ako noon. At isa pa, alagang-alaga ko naman sila. Kaya wala namang problema kung tumaba ako,” paliwanag ni Marissa.

“Alam mo? Sumama ka na lang sa akin. May zumba dance akong pinupuntahan araw-araw. Wala pang isang oras iyon. Tingnan mo ako. Dati, halos lumba-lumba na rin ako kagaya mo. Ngayon, nako! Si mister e tuwang-tuwa sa kinalabasan ng pag-eehersisyo ko,” alok ni Linda. Magmula ng ikasal sila ng mister niya ay hindi pa sila nagkaka-anak kahit isa.

Napaisip naman si Marissa sa mga sinabi ni Linda. Kahit pa alam niyang mahal na mahal siya ng kaniyang asawa, natakot siya sa mga sinabi ng dating kaklase. Kaya naman nagdesisyon siyang pumayag at sumama sa zumba na alok nito.

Kinagabihan, agad nagpaalam si Marissa sa asawa.

“Mahal! Niyayaya ako ng kaibigan kong mag zumba. Ang laki-laki ko na raw kasi. Para makapag-bawas na ako ng timbang. Magsisimula kami bukas. Isang oras lang naman siya kada araw,” malambing na sambit ni Marissa kay Rico.

“Zumba? Para saan pa? E para sa akin ikaw na ang pinaka-sexy at pinakamagandang misis sa balat ng lupa! Nasanay lang kasi silang napakaganda ng hubog ng katawan mo tapos ngayon ay medyo nagkalaman ka lang,” nakangiting sagot ni Rico.

“Ikaw talaga! Lakas mo pa ring mambola. Papayagan mo naman ako, hindi ba?”

Alam ni Rico na wala nang ibang napaglilibangan ang asawa magmula nang magka-anak sila kaya agad naman itong pumayag.

Kinabukasan, matapos masundo ang lahat ng anak niya sa eskwela ay tinawag muna ni Marissa ang dalagang anak ng kapitbahay na si Carol upang magbantay sa mga anak. Ganoon din ang ginagawa nilang mag-asawa kapag sila ay aalis, binabayaran na lamang nila ito sa pag-aalaga sa kanilang mga anak.

Unang araw pa lamang ng pagzu-zumba ni Marissa ay labis na siyang pinagpawisan. Pakiramdam niya ay agad siyang nabawasan ng timbang. Bukod pa rito, nag-enjoy siya sa kwentuhan at tawanan ng mga kasamahang misis habang nagsasayawan. Pagkatapos ng isang oras na sayaw, niyaya agad siya ng mga bagong kaibigan na nakilala doon.

“Marissa! ‘Wag ka na munang umuwi. Tara na at mag-shopping muna tayo ng pang-zumba mo. Tingnan mo iyang suot mo oh. Para naman lalo kang ganahan sa pagsasayaw. Para kay mister!” paanyaya ni Kara, isa sa mga kasamahan sa pagzu-zumba.

“Nako, ‘yong mga anak ko ipagluluto ko pa ng hapunan e. Pati na rin si mister,” paliwanag ni Marissa.

“Minsan lang naman! Dali na, magsabi ka na. Pwede naman nilang gawan ng paraan ang hapunan!” pangungulit pa nito.

Wala nang nagawa si Marissa. Tinawagan niya si Rico upang magpaalam, at agad naman itong pumayag at sinabing bibili na lamang siya ng lutong ulam.

Tuwang-tuwa naman si Marissa sa mga pinamili. Kaya’t kinabukasan ay agad niyang ginamit ang mga bagong damit. Ilang linggo naman ang lumipas, at nagpatuloy sa pagzu-zumba si Marissa. Napagkasunduan na rin nilang mag-asawa na kumuha na ng permanenteng yaya ng mga bata dahil madalas ay masakit ang katawan nito.

Nang mapansin ni Marissa na ilang kilo na ang nawala sa kaniya, lalo siyang ginanahang mag-zumba. Ngunit sa kabila ng pag-eenjoy nito, napansin ni Rico na tila unti-unti na niyang napapabayaan ang mga anak at ang kanilang bahay. Kaya naman naisip ng mister na kausapin ang kaniyang misis.

“Mahal? Ang laki na nga ng ipinayat mo. Kaya lang, wag ka sanang magagalit ha? Napapansin ko kasi ay wala ka nang panahon sa mga anak mo. Palagi ka nang nandoon sa pinagsasayawan ninyo. At kahit pa may kasambahay tayo, mas maganda sanang kahit minsan ay matutukan mong muli ang mga anak natin,” malambing na paalala ni Rico.

“Ano ba? Hindi ko naman sila pinapabayaan ah? At saka alam mong ngayon lang ako nagkaroon ng mapagkaka-abalahan. Saka hindi ka ba masaya para sa akin? Naibabalik ko na ang dati kong alindog oh!” sabay pakita sa tiyan na wala nang bilbil.

“Siyempre masaya ako. Pinapaalalahanan lamang kita bilang mister mo. Hindi ka naman ganito dati. Sa totoo lang… ang totoo nga’y parang nami-miss ko na ang pag-aalaga mo sa amin,” nakayukong sambit ni Rico.

Inis na inis si Marissa. Hindi niya nauunawaan ang punto ni mister. Ang tanging iniisip niya ay pinipigilan siya ni Rico na gawin ang nagpapasaya sa kaniya. Kaya imbes na makipag-usap ng maayos at subukang ayusin ang ‘di pagkakasunduan, tinalikuran ni Marissa ang asawa habang nagsasalita pa. Hindi niya ito tinabihan sa pagtulog noong gabing iyon.

Kinabukasan, nagising si Marissa sa text ni Linda. Wala raw munang zumba ng isang linggo dahil magbabakasyon daw papuntang probinsya ang kanilang dance instructor. Inis na inis ang ginang ngunit wala naman siyang magawa kaya’t bumangon na siya upang gawin ang mga dating ginagawa.

Matapos ipagluto ang mga anak at mister, napansin niyang hindi ngumingiti sa kanya ang kanyang mag-anak. Hindi rin siya gaanong pinapansin ng kaniyang tatlong anak kahit pa sinusubukan niyang lambingin ang mga ito. Hindi nakapagtimpi si Marissa at biglang napasigaw.

“Ano? Bakit? Bawal na ba akong maging masaya para sa sarili ko?! Bakit ‘di kayo kumikibo?”

Walang imik ang lahat. Nagulat sila sa pagsigaw ni Marissa. Ngunit biglang sumagot ang anim na taong gulang na si Ara.

“Mama, minsan na lang po kayong nandito. ‘Wag na po kayo sumigaw at magalit. Miss na miss na kita.”

Tila natauhan si Marissa. Bigla niyang naisip na tama ang sinabi sa kaniya ng kaniyang mister. Lahat ng oras niya ay ginugugol na niya sa kaniyang pagpapapayat at sa zumba.

Kaya naman agad nawala ang inis na puso ng misis. Niyakap niya ang kanyang mga anak. Matapos naman ay agad na humingi ng tawad sa buong pamilya sa kapabayaang nagawa.

Agad naman siyang pinatawad ng lahat. Pinag-usapan din nilang mag-asawa na kahit itutuloy pa rin ni Marissa ang pagzu-zumba ay maglalaan na ito ng sapat na oras sa pamilya.

Natutunan ni Marissa na ang lahat ng bagay na napapasobra ay masama. At kahit anong mangyari, dapat pamilya ang kaniyang uunahin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement