Inday TrendingInday Trending
Sinabuyan ng Asido ng Madrasta ang Dalagita, Isang Babae ang Di Inaasahang Tutulong sa Kanyang Makamit ang Hustisya

Sinabuyan ng Asido ng Madrasta ang Dalagita, Isang Babae ang Di Inaasahang Tutulong sa Kanyang Makamit ang Hustisya

Naulila sa ina si Agatha sa edad na pitong taong gulang. Pumanaw sa sakit na leukemia ang kanyang nanay kaya ang amang si Manuel na lamang ang nakasama niya sa kanyang paglaki.

Isang araw may ipinakilala sa kanya ang amang si Manuel. Kakauwi pa lang niya mula sa eskwela nang maabutan niya sa kanilang bahay ang isang may edad na babae na nakapustura at maikli kung manamit.

“Agatha, si Karina! Siya ang bago mong magiging mommy, “ wika ng lalaki.

“Ikinagagalak kitang makilala, Agatha! Napakaganda pala nitong anak mo, Manuel!” bati ng babae sa kanya.

“Nice to meet you po,” matamlay niyang sagot.

Hindi na siya nagulat na may iniuwing babae ang ama niya dahil matagal na rin naman niyang nabalitaan sa mga kamag-anak nila na mayroon itong idini-date na babae. Wala naman siyang magagawa dahil kung saan maligaya ang ama ay hindi siya kailanman tututol lalo’t katorse anyos na siya at kaya nang alagaan ang sarili.

Nang tumira ang babae sa kanilang bahay ay naging maayos naman ang pakikitungo nito sa kanya. Minsan ay naisipan ng ama niyang si Manuel na makipagsapalaran sa ibang bansa. Natanggap nga ang aplikasyon nito sa Saudi at doon nakapagtrabaho bilang maintenance staff sa isang malaking kumpanya ng langis.

Isang linggo pa lang na nakaaalis si Manuel ay biglang nagbago ang lahat. Sa una lang pala mabait ang kanyang stepmother. Nang mawala sa bahay ang ama ni Agatha ay nagbuhay donya na ito doon.

“Hoy, Agatha ngayong wala si Manuel ay ayokong sinusuway mo ang lahat ng utos ko, naiintindihan mo! Sige, linisin mo ang banyo at maliligo ako!” bulyaw nito sa dalagita.

“Mommy, mag-aaral pa po ako, e. May exam kami bukas sa school,” paalam ni Agatha sa babae.

“Narinig mo ang sinabi ko? Maglinis ka ng banyo! Hindi ka mag-aaral hangga’t hindi mo natatapos ang pinagagawa ko sa iyo! At isa pa, ayokong tinatawag mo akong mommy dahil hindi naman kita totoong anak!” pagtataray nito.

“Opo, sige po,” mahina niyang tugon.

Napaiyak na lang sa isang tabi si Agatha. Hindi niya akalaing daranasin niya iyon sa stepmother na si Karina.

Nagmistulang katulong ang naging buhay niya sa kamay ng babae. Hindi na siya nakakapaglaro at minsan ay gabi na niya nagagawa ang homeworks niya dahil gusto ni Karina na tapusin muna niya ang mga gawain sa bahay. Siya ang naglilinis, naglalaba at natuto rin siyang magluto. Habang si Karina ay pahila-hilata lang sa sofa at nanonood ng TV.

Isang gabi ay tumunog ang telepono sa bahay nila Agatha. Tumatawag ang amang si Manuel. Pagkakataon na sana niya para magsumbong rito ngunit biglang dumating ang kanyang stepmother at inagaw ang hawak niyang telepono.

“Hi, labs! Miss mo na kami?” bati nito sa kausap.

“Sobra! Teka, si Agatha ba nariyan? Gusto kong makausap!”

“W-wala siya. Hindi pa umuuwi galing sa eswela.”

Narinig ni Agatha ang pagsisinungaling na iyon ni Karina. Sinisiraan siya nito sa ama.

Matapos makipag-usap kay Manuel ay lakas-loob na kinompronta niya ang babae.

“Bakit niyo naman po sinabi kay dad na wala ako rito at hindi pa umuuwi?”

Kumunot ang noo ni Karina at sinigawan siya.

“Aba at sumasagot ka na? Hindi mo dapat makausap ang daddy mo at baka magsumbong ka pa ng kung anu-ano!”

“Hindi po tama iyon. May karapatan po akong makausap siya dahil anak niya po ako,” aniya sa mahinahong boses kahit sa loob ay nagpupuyos ang damdamin.

Nanlisik ang mga mata ng babae at agad nitong kinuha sa tokador ang isang maliit na bote. Binuksan nito ang bote at isinaboy sa braso ni Agatha ang laman niyon.

Napasigaw ang dalagita nang maramdaman kung ano ang likidong isinaboy ng kanyang madrasta.

“Araayy!” sigaw niya habang namimilipit sa sakit. Asido pala ang laman ng bote.

Saka pa lang nahismasmasan si Karina sa ginawa nang mangiyak-ngiyak na si Agatha sa sobrang sakit na nararamdaman nito sa nalapnos na balat. Sa sobrang takot ay nagtatakbong lumabas ng bahay ang babae at iniwan ang dalagita.

“Tulong, tulungan niyo po ako!” malakas namang sigaw ng dalagita.

Nakahingi naman ng tulong si Agatha sa kanilang kapitbahay at isinugod siya nito sa ospital. Mabuti na lamang at sa braso lang niya isinaboy ang asido at hindi sa maganda niyang mukha.

Nalaman ng mga kamag-anak niya ang nangyari sa kanya at nagsipunta ang mga ito sa ospital para dalawin siya.

“Walanghiyang babae iyon at muntik pa niyang pagtangkaan ang buhay ng apo ko! Idedemanda natin siya! ” galit na wika ng kanyang lola.

“Oo nga, hindi natin palalampasin ang ginawa niya. Nga pala, tumawag na ako sa daddy mo at sinabi ko ang kademonyohang ginawa ng magaling na babae niya! Uuwi daw siya rito,” sabad naman ng kanyang tita.

Nang biglang may kumatok sa pinto. Hindi niya inaasahan kung sino ang sumunod na dumalaw sa kanya.

“A-agatha, ikaw na ba si Agatha?” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae.

Nagulat ang lahat ng makilala kung sino ang babaeng dumating.

“Lorena? Buhay ka?” gulat na sabi ng lolo ni Agatha.

“Opo, hindi totoong namatay ako noon sa plane crash at hindi totoong hindi natagpuan ang aking katawan. Nagkaroon ako ng amnesia sa matagal na panahon. Buti na lang at may nagmagandang loob na kupkopin ako. Nang magbalik ang aking alaala ay nabalitaan kong ikinasal na si Manuel kay Roselle. Nakita kong masaya ang aking mag-ama kaya hindi na ako nanggulo pa. Pero nang malaman kong sumakabilang buhay na si Roselle ay nabuhay ang aking pag-asa na muling mabuo ang aking pamilya ngunit dumating naman si Karina. May nakapagsabi rin sa akin sa ginawa ng babaeng iyon sa anak ko.”

“I-ikaw, ikaw ang totoo kong mommy?” paiyak na tanong ni Agatha.

“Oo, anak. Ako nga. Miss na miss na kita, kayo ng daddy mo!” kasabay noon ay niyakap nito ng mahigpit ang anak.

“Hinding-hindi na ako mawawala, anak! Pagbabayarin natin ang babaeng iyon sa ginawa niya sa iyo.”

Sinampahan nila ng kaso si Karina sa ginawa nitong pagsaboy ng asido kay Agatha. Agad namang nahanap ng mga pulis ang pinagtataguan nito at inaresto.

Nakabalik na rin sa bansa si Manuel at gaya ng inaasahan ay nagulat din ito at hindi makapaniwalang buhay pa ang kanyang unang asawa. Nangako itong hindi na babalik sa Saudi at magtatayo na lang ng negosyo para hindi na mawalay sa kanyang mag-ina.

Masaya naman si Lorena dahil mabubuo na rin sa wakas ang kanyang pamilya. Labis naman ang pagsisisi ni Manuel nang iwan ang anak at ipagkatiwala kay Karina. Kung hindi sana siya umalis ay hindi mangyayari sa dalagita ang sinapit nito.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement