Inday TrendingInday Trending
Asawang Manloloko Umuwing Paralisado; Asawang Babae Buong Puso pa rin na Tinanggap Ito

Asawang Manloloko Umuwing Paralisado; Asawang Babae Buong Puso pa rin na Tinanggap Ito

Mahal na mahal ni Joanna ang kanyang ama at ina. Masaya ang kanilang pamilya at kung titignan ng marami ay para bang perpektong-perpekto ito.

Tuwang-tuwa siya pag nakikitang nilalambing ng kanyang ama ang kanyang ina. Kitang-kita niya kasi kung gaano niya ito kamahal. Ang tingin nga niya sa ama niya ay isang superhero.

Ang buong akala ni Joanna ay mananatiling ganoon kasaya at kaperpekto ang kanilang pamilya magpakailanman ngunit dumating na ang araw na babago sa tila masaya at perpekto nilang buhay.

Trese anyos pa lamang si Joanna noon at kasalukuyang isang high school student. Ang kanyang inang si Ester ay elementary school teacher at ang ama naman na si Lando ay civil engineer.

Maaga sila noong pinauwi galing sa eskwela dahil katatapos lamang ng kanilang school fest. Sabik na itong umuwi upang maabutan ang paboritong TV show na sikat na sikat noon.

Dumating siya sa bahay at nagtaka na tahimik doon. Ang alam niya ay naroon ang kanyang ama, bukas ang pinto pero tila walang tao.

Nagtungo siya sa kwarto ng ama’t ina upang tignan kung natutulog lamang ang ama ngunit gulat na gulat at nanlaki ang kanyang mata nang buksan ang pinto at tumambad sa kanyang harapan ang ama na may kasamang ibang babae.

Naibagsak niya ang mga kwaderno at ilang librong hawak.

“P-Papa?” Naiiyak niyang tanong.

“Anak…” Hindi na makaimik ang ama.

Umalis si Joanna at tumakbo palabas ng kanilang bahay.

“Ang papa ko, niloloko ang mama ko…” Iyak niya habang tumatakbo.

Ang imahe ng perpektong pamilya sa kanyang isip ay tila ba nabahiran ng isang malaking putik.

“Akala ko pa naman superhero ko si papa.” Bulong niyang muli sa sarili.

Nagtungo siya sa paaralan na pinagtuturuan ng ina. Saktong uwian naman noon ng mga bata kaya nagkaroon siya ng pagkakataong makausap ang ina.

“Mama…” Pagtawag niya sa ina na kasalukuyang nag-aayos ng mga papel sa walang taong classroom.

“O Joanna, anak. Bakit ka naparito?” Nagtatakang tanong naman ng ina.

“Si papa po kasi…” Di maituloy ang sasabihin dahil naiiyak na siya.

“Si papa po kasi nahuli kong may kasamang ibang babae sa kwarto ninyo.”

Nagulat naman ang kanyang ina at agad siyang nilapitan. Humalik ito sa noo ng anak at lumuhod sa harapan.

“Nakita mo pala anak…” Malungkot na sabi ni Ester.

“A-alam niyo na po na may iba si papa?” Gulat namang tanong ng anak.

“Matagal na, anak. Nakakalungkot lang na ikaw din mismo ay natuklasan mo.”

“P-pero bakit hinahayaan niyo lang siya, ma? Bakit di mo awayin si papa?” Medyo galit ngunit umiiyak pa rin na salita ni Joanna.

“Mahal na mahal ko ang papa mo anak, at alam kong sobra din ang pagmamahal mo sa kanya. Ayokong masira ang pagtingin mo sa papa mo.” Tugon ng ina habang pumapatak ang mga luha.

Umuwi ang mag-ina na magkasama. Hindi naman maipinta ang mukha ni Joanna na seryosong-seryoso noong makaharap ang ama.

“Alam ko naman, Lando. Alam ko na naman na may iba, una pa lang.” Kalmadong saad ni Ester.

“Pero nanahimik ako dahil mahal kita at mahal na mahal ka ng anak mo.” Dagdag pa nito.

“Patawarin niyo ako.” Lumuhod si Lando sa harap ng mag-ina.

“Nangangako ako na magbabago ako. Hinding-hindi ko na uulitin.”

Tumayo si Lando at niyakap ang mag-ina. Naging maayos naman ang takbo muli ng kanilang pamilya simula noon.

Tatlong taon ang nakalipas at nakapagtapos na si Joanna ng high school. Ngayon ay naghahanda siya para sa nalalapit na pasukan para sa kolehiyo.

Nakatira ang ama niya ngayon sa isang dormitoryo sa Maynila na libreng pinapaupahan ng pinagtratrabahuhang kompanya para sa mga empleyado.

Nakakauwi na lamang ito tuwing araw ng Sabado at Linggo.

Tuloy naman sa pagkayod ang inang si Ester dahil malaki ang gastos sa pagpapaaral ng kolehiyo. Kaya kahit nagtuturo ay nag side line ito ng pagbebenta ng sabon at mga kakanin.

Sumapit ang araw ng Sabado ngunit hindi nakauwi ang ama. Malungkot ang mag-ina dahil kaarawan ngayon ni Joanna at hindi sila kumpletong magdiriwang

“Extended kasi ang trabaho namin eh.” Sabi ng ama habang kausap sa telepono.

Happy Birthday Joanna, anak! Babawi si papa ha?” Saad pa nito.

“Promise yan papa, ha?” Nakangiting sagot naman ni Joanna.

Ipinagdiwang ng mag-ina ang espesyal na araw ni Joanna, bagama’t kulang ay naging masaya pa rin naman.

Nagbukas si Joanna ng kompyuter kinagabihan. Matagal na rin naman nilang hindi nagamit ito dahil may cellphone siya at sariling laptop.

Hinanap niya ang website na Facebook ngunit nagulat siya na may ibang account na nakabukas dito. Iba ang pangalan pero mukha ng kanyang ama ang nakalagay.

Kinutuban siya ng makita ito. Ilang saglit pa ay may lumabas na mensahe. Galing sa babaeng nagngangalang Rina.

“Matagal na kaming hiwalay ng asawa ko. Ikaw lang ang mahal ko pangako yan. Magkita na tayo mamayang gabi, okay?” Mensahe ng kanyang ama sa kausap na babae.

“Okay sige. Mag ready ka na pupunta ako dyan sa lugar mo mamaya. I love you, mahal!” Sagot naman ng babae.

Parang kinurot ang puso niya. Hindi siya makapaniwala na magagawa muli silang lokohin ng ama.

“Kaya pala hindi umuwi. May trabaho daw, pero may ibang babae palang tatrabahuhin.” Galit na bulong ng dalaga.

Ipinagtapat niya sa ina ang nakita. At sa isa pang pagkakataon, nakita niyang lumuhang muli ang ina. Maganda naman ang mama niya at maganda pa rin ang hubog ng katawan, ngunit patuloy pa rin itong niloloko ng kanyang ama.

Kinompronta nila ang ama, at katulad ng dati nangako itong magbabago na. Ngunit ayaw nang tanggapin ni Joanna ang mga paghingi nito ng paumanhin at mga pangakong baka mapakong muli.

Sadyang malambot lang talaga ang puso ng kanyang ina, at sa pangalawang pagkakaton, tinanggap nito ang asawa.

May namumuong galit pa rin sa puso ni Joanna. Naging matabang na ang pagtrato niya sa ama, kahit na ginagawa naman ng ama ang lahat makuha lang muli ang tiwala ng anak.

Isang taon din ang lumipas. Bakasyon noon si Joanna at pauwi sa kanilang tahanan mula sa Maynila.

Sabik na sabik siyang makita ang ina dahil halos dalawang buwan din siyang namalagi sa dormitoryo ng unibersidad.

Nang makarating sa bahay ay agad itong tumakbo para salubungin ang ina, ngunit nagbago ang masayang ekspresyon niya nang makita lumuluha ang ina.

“Ano’ng nangyari, ma? Bakit ka umiiyak?” Nag-aalalang tanong ni Joanna.

Hindi naman makakibo ang kanyang ina. Hindi nito alam kung paano ipapaliwanag ang matinding dinadamdam.

“Mama naman. Sumagot ka naman oh. Anong nangyari?” Mapilit na pag-usisa ng anak.

“A-ang papa mo kasi…” Hindi nito maituloy ang pagsasalita dahil sa sobrang pag-iyak.

“Ang papa mo nahuli ko na kasama ulit yung kabit.” Pag-amin nito sa anak.

“Ano ho? Akala ko ba magbabago siya? Akala ko ba hindi na siya uulit?” Galit na galit na tanong ni Joanna.

“Nahuli ko sila na lumabas galing sa motel habang namimili ako doon sa bayan. Nakapasakit, anak.” Paghagulgol ng ina ni Joanna.

“Hindi na talaga siya nagtino. Huwag na huwag mo na ulit siyang tatanggapin dito, ma. Di natin siya kailangan. Mag-aapply ako ng scholarship sa school at hahanap ng part time na trabaho para makatulong, basta wag mo na siyang tatanggapin dito!” Pulang-pula na sa galit ngayon ang anak.

Pilit nilang pinauwi ang ama at sa huling pagkakataon ay kinompronta nila ito. Katulad ng dati, humingi ito ng tawad ang nangakong magbabago na talaga.

Pero naging matigas na si Joanna, at pinagtulakang umalis na ang ama. Simula noon ay hindi na nila ito kinausap.

Ilang buwan din ang lumipas at wala na silang balita kay Lando. Hanggang isang araw ay tumunog ang telepono ni Ester.

Tinawagan sila ng kompanya ni Lando at ibinalitang nasa ospital ito. Inatake daw sa puso at na-stroke. Paralisado ngayon ang kalahating katawan at nangangailangan ng mag-aalaga.

Naging malambot naman si Ester at nakiusap sa anak na kung pwedeng iuwi na lamang ang ama sa kanilang tahanan.

Si Ester pa rin ang nag-aruga sa asawa. Ilang beses man siyang sinaktan at niloko nito, pero buong puso pa rin niyang tinanggap at inaalagaan ang asawa.

Tinanong niya ang ina kung bakit tinanggap pa nitong muli ang asawa gayong niloko naman siya nito ng paulit-ulit. Ang sagot ng kanyang ina ay lubos na nagmarka sa kanya:

“Sumumpa ako sa harap ng Diyos na mamahalin ko siya sa hirap at ginhawa. Sa sakit man o sa kalusugan, at handa akong tuparin iyon. Ilang beses man niya akong saktan, pero asawa ko siya at obligasyon ko ang mahalin at arugain siya.”

Naiyak naman si Joanna sa naririnig.

“Sa huli naman, sa mga tunay na asawa naman ang uwi ng mga lalaki pag ito’y mga nagloko. Ganun pa man. Mahal na mahal ko ang ama mo. Mas malaki ang pagmamahal ko kaysa sa pagkakamali niya.” Dagdag pa ng ina.

Inatake pa ng isang beses si Lando at sa kasamaang palad, ay naging matindi ang tama nito sa kanyang katawan.

Dinala siya sa ospital pero bago pa man ito tuluyang mawalan ng hininga ay kinausap pa nito ang kanyang mag-ina.

“S-sana ay mapatawad mo ako anak. Patawarin m-mo si papa ha? Mahal na mahal kita anak.” Napaluha naman si Joanna at niyakap ang ama.

Hinawakan ni Lando ang kamay ng asawa ang pinisil-pisil ito.

“Salamat sa pag-aaruga mo. Ang laki ng pagkakamali ko sa’yo pero tinanggap mo pa rin ako. Patawarin mo ako, Ester. Gusto kong malaman mo na mahal na mahal kita. Patawad, asawa ko.” Umiiyak niyang saad sa asawang si Ester.

Ilang minuto pa ang lumipas at tuluyan na ngang binawian ng buhay si Lando.

Naging malaki man ang naging pagkakamali sa asawa at anak, sa huli ay nanaig pa rin ang pagmamahal ng mag-ina.

Napakalaking aral ang natutunan ni Joanna mula sa ina. Pag pala tayo ay nagmahal, dapat handa tayong masaktan, at sa oras na masaktan na, dapat pala ay matuto tayong magpatawad. Dahil ang tunay na nagmamahal, ay nagpapatawad.

Advertisement