Napakasama ng Ugali ng Dalaga sa Kasambahay, Napaiyak na Lamang Siya nang Malaman ang Lihim Nito
Mula pagkabata ay sunod sa luho na si Jenica. Mayaman ang kanyang mga magulang dahil marami itong negosyo. Kung anong magustuhan ay siya nitong nakukuha. Lahat-lahat ay ibinigay sa kanya dahil siya lamang ang nag-iisang anak.
Maganda si Jenica. Makinis at pino ang kanyang balat. Pero kung anong ikinaganda ng kanyang mukha, ay siya namang kinagaspang ng kanyang ugali.
Lagi niyang pinag-iinitan ang kanilang kasambahay na si Belinda, tatlumpu’t siyam na taong gulang at walang asawa at anak. Mula pagkabata ay naninilbihan na siya sa pamilya nila Jenica.
“Belinda! Belinda nasaan ka ba?” walang galang na pagsigaw ni Jenica.
“A-andito na po senyorita. Bakit po?” tanong ni Belinda habang nagpupunas ng basang kamay.
“Ano ba’t napakakupad mo? Nakakasira ng araw. Nalabhan mo na ba yung mga bagong damit ko, ha Belinda?” nakataas ng kilay na tanong ng babae.
“Isasampay ko na lang po senyorita,” tugon ng kasambahay.
“Good. Oh eto labhan mo din!” saka inihagis sa mukha ni Belinda ang mga damit.
“Makakaalis ka na. Bilis!”
“O-opo,” nagmamadaling pinulot ni Belinda ang ilang damit na nahulog.
“At saka pala Belinda, yung mga nilabhan mo kahapon, plantsahin mo at dalhin din kaagad dito ngayon!”
“Sige po senyorita.”
Ilang oras pa ang lumipas at oras na para kumain ng tanghalian.
“Senyorita, nakahanda na po ang tanghalian,” mahinang saad ni Belinda habang nakasilip sa pintuan ng dalaga.
“Ang mommy at daddy hindi ba uuwi?” tanong ng dalaga.
“Hindi daw po.”
“Sige. Ipaghanda mo ako ng lemon juice. Bilisan mo!” utos na naman ng dalaga.
Lumabas si Jenica ng kwarto at nagtungo sa kusina upang kumain, ngunit umusok sa galit ang dalaga nang makita ang nakahain.
“Belinda! Belinda!” malakas na sigaw niya.
“Bakit po, senyorita?” nagmamadaling takbo nito habang dala-dala ang juice na kinanaw.
“Ano ‘to? Afritada? Ang sabi ko fried chicken di ba? Fried chicken ang ihain! Bakit afritada ang nandito?”
“S-sorry ma’am hindi ko po kasi naintindihan,” takot na sagot ng kasambahay.
“Ahh ganon? Sige maghintay ka d’yan. Wag kang aalis dyan!” umalis ang dalaga at pagbalik nito ay may dala-dalang kulay pilak na kainan ng aso.
Isinalin nito ang kanin at afritada sa loob noon at inilapag.
“Luhod, Belinda!” utos nito sa kasambahay.
“Luhod bilis!” at agad namang lumuhod si Belinda.
“Bakit po senyorita?” nanginginig na sagot ni Belinda.
“Kainin mo ngayon ‘yan!” nanlalaki ang mata ng dalaga sa galit habang nakaturo sa kainan ng aso na may lamang pagkain.
“Ano pang hinihintay mo? Kain, bilis!”
“Pero senyorita…”
Hindi pa man tapos sa pagsasalita si Belinda ay isinubsob siya ng dalaga sa kainan ng aso.
“Ubusin mo ‘yan!” at saka ito tumalikod at umalis.
Hindi na makatao kung ituring ni Jenica si Belinda, gayunpaman ay hindi siya pinapatulan ng kasambahay. Tinitiis nito lahat ng pananakit at pang-aabuso ng dalaga. Hindi rin naman niya ito magawang isumbong sa mga magulang dahil sa personal na dahilan.
Isang araw ay dumalaw ang mga ilang kaibigan ni Jenica. Nakakuha naman siya ng oportunidad upang ipagmagaling ang mamahaling scarf na nabili.
“Belinda!” sigaw ni Jenica. Nagmamadali namang pumunta si Belinda.
“Pakikuha yung pinalabhan ko sa ‘yong Hermes scarf ko nung isang araw. Yung kulay green. Bilis!”
“Opo,” umalis si Belinda at maya-maya pa ay bumalik dala ang mamahaling panyo.
Ipinagmagaling naman ni Jenica sa mga kaibigan ang mamahaling Hermes scarf nang mapansin niya na may kupas ito. Tinitigan niya itong mabuti at nang makumpirmang kupas nga ay humarap ito kay Belinda at hinila ang buhok.
“Bakit may kupas ‘to Belinda? Napakat*nga mo talaga! Alam mo ba kung magkano ‘to ha? Mahal pa ‘to kaysa sa buhay mo!” mahigpit pa niyang kinapitan ang buhok ni Belinda.
“Sorry po senyorita. Hindi ko naman po sinasadya,” lumuluhang paghingi ng paumanhin ng kasambahay.
“Mamaya tayo mag-uusap Belinda. Humanda ka sa ‘kin! Umalis ka na bago pa kung anong magawa ko sa’yo,” galit na saad ni Jenica. Bago umalis si Belinda ay sinabuyan siya ng mainit na kape ng dalaga.
Nagulat naman ang mga kaibigan ni Jenica sa nakita ngunit pinagtawanan lamang din ng mga ito si Belinda sa nangyari. Ilang oras pang nanatili doon ang mga kaibigan ng dalaga at umuwi din naman kinagabihan.
Nagpupunas ng sahig si Belinda noon ng biglang may humila ng kanyang buhok. Nagulat na lamang siya nang biglang isubsob sa maduming tubig sa kaharap na palanggana.
“ Alam mo ba kung magkano yung scarf na kinupasan mo ha?” galit na tanong ng among dalaga.
“S-sorry po senyorita,” paghingi ng paumanhin ni Belinda habang pinupunasan ang buong mukha.
“Magkano nga ang sweldo mo dito?” tanong ni Jenica.
“Sampung libo po senyorita,” tugon naman ni Belinda.
“Yung scarf na kinupasan mo, katumbas nun apat na buwang sahod mo. Paano mo babayaran ‘to ha? Tat*nga-t*nga ka kasi!” gigil na pagsabunot naman ng dalaga.
Hinila pa niyang muli ang buhok ng kasambahay at sapilitang ipinasok sa bibig nito ang scarf na hawak.
Maya-maya pa ay bumukas ang pinto at gulat na gulat namang pumasok ang mommy ni Jenica. Hindi niya inaasahan ang nakita.
“Anong ibigsaibihin nito Jenica ha?” galit na tanong ng kanyang ina.
“S-si Belinda po kasi kinupasan yung kakabili ko lang na hermes scarf nung isang araw,” pagpapaliwanag ni Jenica.
“Pero hindi tamang tratuhin mo siyang ganyan dahil lamang doon,” sagot naman ng ina.
“A-ayos lamang po ako senyora. Wag niyo na pong pagalitan si Senyorita Jenica,” pagsabad naman ni Belinda.
“ Oh ano, nagpapaawa ka pa ngayon ha Belinda?” tanong naman ni Jenica. Kinapitan nitong muli ang buhok ng kasambahay at saka itinulak papunta sa sahig.
“Jenica tumigil ka na! Anong klaseng tao ka, ha? Di ka namin pinalaki ng ganyan,” sigaw muli ng kanyang ina.
“Tignan mo mommy oh! May kupas, ang mahal-mahal nito eh,” pinakita niya sa ina ang berdeng panyo na may gatuldok na kupas lamang.
“Lahat ng pananakit mong ito ay dahil sa maliit na kupas na yan, ha? Tao ka pa ba Jenica? Bakit parang hindi tao kung tratuhin mo ang kasama natin sa bahay? Wala ka bang pagrespeto sa matatanda?” tanong muli ng ina.
“Eh bakit ba? Binabayaran naman ang serbisyo niya di ba? Bayad naman ang buhay niya, bayad natin!” pagtataray muli ng dalaga.
“Alam mo, kung alam ko lang na lalaki kang ganyan, sana hindi ka na lang namin inampon ng daddy mo!” galit na galit na sambit naman ng ina.
“ A-anong sabi mo mommy?” gulat na gulat ang dalaga sa narinig.
Halatang nagulat naman din ang ina sa nasabi niya, ngunit tama lamang siguro na malaman na niya ang katotohanan.
“Ang babaeng sinasaktan mo, si Belinda. Siya ang tunay mong ina Jenica. Si Belinda ang nanay mo!” naluluhang pag-amin ng kinagisnan na ina ni Jenica.
“No! No! Nagsisinungaling ka. Nagbibiro ka lang mommy, hindi ba?” pumapatak na ngayon ang kanyang luha.
“Iyon ang katotohanan Jenica. Nabuntis noon sa pagkadalaga si Belinda, pero hindi siya pinanagutan ng lalaki. At dahil baog ako, nakiusap kami sa kanya na ipaampon ka na lang sa amin kapalit ng pangakong bibigyan ka ng magandang buhay,” paliwanag ng mommy ni Jenica.
Hindi naman makapaniwala ang dalaga sa mga naririnig. Nakatitig lamang ito sa kasambahay nilang nakaupo sa sahig na umiiyak na rin. Tumakbo ang dalaga papasok sa kanyang kwarto at doon siya nagkulong at magdamag na hindi lumabas.
Kinabukasan ay nagpaplantsa si Belinda ng mga bagong labang damit nang may humawak sa likod niya, si Jenica.
“Senyorita?” gulat na tanong ng kasambahay.
“Wag mo na akong tawaging senyorita. Alam naman natin pareho ang totoo,” seryosong saad ng dalaga.
“Ayos ka na ba?” tanong muli ni Belinda.
“Ang totoo niyan, hindi ko alam kung paano ka kakausapin. Hindi ko alam kung paano ako haharap sa’yo sa dami ng ginawa kong kasalanan. Kaya pala ganun na lamang ang pagpapasensya mo sa akin,” naluluhang sabi ng dalaga.
“Hindi na importante yun. Ang mahalaga maayos ka ngayon at may magandang buhay. Patawarin mo ako dahil ipinaampon kita. Pasensya ka na anak ha?” umiiyak na sagot ni Belinda.
“Ako nga yung dapat humingi ng tawad sa inyo eh. Sobrang laki ng ginawa kong kasalanan sa’yo,” pumapatak na din ang mga luha ng dalaga.
“Patawad ‘nay. Patawarin po ninyo ako.”
Lumapit si Jenica sa ina at niyakap ito ng sobrang higpit.
“Ayos lamang yun, anak. Mahal na mahal ka ni nanay, kaya lahat kaya kong tiisin para sa’yo,” yumakap din ito ng mahigpit sa anak at hinaplos ang buhok nito.
Malaki naman ang ipinagbago ni Jenica mula nang malaman ang katotohanan. Hindi na siya naging maluho at natutunan niyang rumespeto sa kapwa at lalo na sa nakatatanda. Sa kinagisnang magulang pa rin siya nakatira kasama ang tunay na inang si Belinda.
Madalas ay tinutulungan na niya ito sa mga gawaing bahay at pilit na ipinapakita ang pagmamahal para sa tunay na ina. Maligayang-maligaya siya noon dahil sa panahon ng problema, hindi lamang isang ina, kundi dalawa ang kanyang nalalapitan.