Pastor ang Lalaking Ito Mula Noong Siya ay Binata pa; Hindi Niya Akalaing Susubukin pa Rin Siya ng Diyos Nang Siya’y Tumanda na

Malaking mga ngiti ang inilabas ni Marvin habang binabati isa-isa ang mga dumarating sa simbahan at mga umaalis na. Marami ang natutuwa sa kaniya dahil siya ay tapat na naglilingkod sa kanilang simbahan bilang isang pastor at pinuno ng simbahan nang mahigit dalawang dekada na. Ngayong animnapu’t limang taon na siya, kulubot na ang mukha at may puti na rin ang buhok, akala niya’y nalalapit na ang kaniyang pagpapahinga.

Palagi niyang turo ay ang magpatawad at magmahalan. Dahil iyon naman talaga ang mensahe na kaniyang dapat ipalaganap sa lahat ng mga nakikinig sa kaniya. Bunga nga ng kaniyang katapatan, ay ganoon siya pinagpapala mula noon hanggang ngayon. Biniyayaan siya ng isang maganda at mapagmahal na asawa na si Joanne at tatlong magagandang anak na babae. Patuloy ang kaniyang pasasalamat dahil mabuti ang lagay nila at malusog ang pangangatawan.

Ang dalawa niyang anak na panganay at pangalawa ay nag-asawa na rin ngayon at nakatira sa ibang bansa. Habang kasama pa niya ang dalawampu’t isang taong gulang na dalaga at bunso niya na si Danica. Masaya siya sa nangyayari sa kanilang pamilya. Hindi man perpekto, nagkakaayos din kung sakaling magkasamaan ng loob.

Dahil na rin lumalago na ang kanilang simbahan, madalas ang pagparito’t pariyan nilang mag-asawa para bisitahin ang mga kasamahan sa ibang lugar. At sa pagkakatong ito, malayo-layo ang kanilang tungo at mawawala sila ng tatlong araw. Kahit na mahina na rin dahil sa edad, patuloy niya itong ginagawa dahil sa kaniyang katapatan hindi lamang sa responsibilidad niya, kundi sa Diyos na pinagsisilbihan nila.

“Ingat po kayo, ma, pa. I love you so much!” paalam ni Danica sa kaniyang mga magulang habang paalis na sa bahay.

“Oh, iyong mga bilin ko, ha? Magsasara palagi ng pinto, okay?” paulit-ulit na bilin naman ng ina. Nagyakapan ang buong pamilya at saka tuluyan na ngang umalis sina Marvin at Joanne.

Lumipas ang dalawang araw, abala man, ay patuloy na nag-aalala ang dalawa dahil hindi sumasagot ng tawag o mensahe si Danica, isang araw na ang nakakalipas. Buti na lamang ay uuwi na sila kinabukasan. Pagsasabihan na lamang nila ito dahil baka hindi iyon nagtitingin ng kaniyang cellphone. Alam nilang hindi naman iyon gawain ng bunso, subalit pilit nilang inalis ang pag-aalala at nagpatuloy sa kanilang gawain doon.

Nang marating ang bahay, nanlaki ang mata lalo na ni Joanne nang makitang magulo ang kanilang bahay. Para bang may nagwala doon dahil nasira rin ang ilang mga babasagin na disenyo sa sala. Mabilis na umakyat ang dalawa patungo sa kwarto ng kanilang anak. Nakahinga sila nang maluwag nang makita ang anak na natutulog.

Advertisement

Nagising si Danica at umiyak nang malakas. Hagulgol na parang isang bata at yumakap sa ama’t ina. Wari’y takot na takot ito habang pinupulupot ang makapal na kumot sa kaniyang katawan. Tinanong siya ng mga magulang subalit wala itong imik at hindi man lang sumasagot.

Dumaan ang ilang araw, hindi nila halos makausap ang dalaga. Ano nga kaya ang nangyari noong wala sila ng tatlong araw? Inimbestigahan mismo ni Marvin gamit ang mga CCTV sa kanilang bahay noong tatlong araw na wala sila. At doon niya natuklasan na noong pangalawang araw ay may pitong lalaking nanloob sa bahay at pinagsamantalahan ang kaniyang anak.

Nanlumo ang mag-asawa at hindi alam kung ano ang gagawin. Ang unang pumasok sa isip ni Marvin ay tapusin ang buhay ng mga gumawa noon sa kaniyang anak. Patuloy ang kanilang pagdudusa sa nangyari. Hindi pa rin makapaniwala na naganap nga iyon sa buhay ng kanilang bunso.

Lumipas ang ilang araw, pilit na tumatayo si Marvin sa harapan ng mga tao upang magbigay ng mensahe. Subalit matigas ang kaniyang puso, galit, at sinisisi ang sarili sa nangyari. Tumawag ang pulis sa kaniya at sinabing nahuli na raw ang lahat ng mga nanloob sa kanila at ngayon ay nasa kulungan na.

Puno ng galit si Marvin… Paghihinagpis at pagsisisi. Halos bumagsak ang kanilang pamilya dahil sa pangyayari. Ngunit isang araw, narinig na lamang ni Marvin ang isang tinig habang siya ay nagmamaneho, na magkaroon na ng kapatawaran sa mga hum*lay sa kaniyang anak. Nang mismong oras na iyon, humagulgol ng iyak si Marvin.. Nanalangin na kayanin ang pagsubok na ito.

Umuwi siya ng kanilang bahay at tinawag ang anak at ang asawa. Nanalangin at nag-usap ng taimtim ang buong pamilya sa pamumuno ni Marvin. Kinabukasan, nagtungo sila upang kitain ang mga nagkasala sa kaniyang anak. Napuno ng luha ang silid matapos magkaroon ng kapatawaran sa pagitan ng isa’t isa.

Simula noon, nagpatuloy muli sa hamon ng buhay ang pamilya ni Marvin. Ang kwento ng kaniyang anak ay umabot hanggang ibang bansa na nagpapatunay na hindi sa isang pagsubok nagtatapos ang lahat. Na ang anumang pangit na istorya ng ating nakaraan ay maaaring maging isang makabuluhang kwento ng pagpapala ng Panginoon.