Inday TrendingInday Trending
Ilang Dekada na ang Tinagal ng Tindahang Ito sa may Kalyeng Hindi Matao; Ngunit Bakit Hindi Ito Lumalago o Nalulugi man Lang?

Ilang Dekada na ang Tinagal ng Tindahang Ito sa may Kalyeng Hindi Matao; Ngunit Bakit Hindi Ito Lumalago o Nalulugi man Lang?

Saktong-sakto ang pwesto ng kaniyang itatayong tindahan sa kanto ng kalsada ng Del Pillar St. Sabi ng marami, ang kalye raw na ito ay hindi buhay, hindi matao, at halos sampung tao lamang ang dumaraan kaya’t tiyak na malulugi ka kung magtatayo ka ng negosyo sa lugar na ito. Subalit hindi iyan ang nakita ni Cris, batang negosyante, na nagtayo ng isang tindahan sa nasabing kalye.

Sa kabila kasi ng sinasabi ng marami na nalulugi ang negosyo sa kalyeng iyon, mayroon natatanging tindahan na luma, at dekada na raw ang tinagal subalit hindi nalulugi. Isang katanungan rin sa isip ng binatang si Cris ay kung bakit nga ba sa tinagal-tagal eh hindi rin lumaki o lumago ang munting tindahan doon. Ito nga ang dahilan kung bakit naisip at nagdesisyon siyang magtayo roon at alamin ang sikreto ng munting tindahan doon.

Isang umaga, pahikab-hikab pa nga ang binata habang nagbubukas ng kaniyang tindahan. Kahit na hindi pa pumuputok ang araw, gulat siya nang makitang nauna nang nagbukas ang tindahan sa tapat. Sinilip-silip pa niya ito nang kaunti upang makita ang taong nasa loob subalit hindi niya iyon makita. Muli siyang naging abala sa pag-aayos ng kaniyang mga paninda pagkatapos ay muli na naman umupo, humikap, nag-unat ng katawan. Wala kasi talagang dumadaan para bumili. Subalit maya-maya lamang…

“Pabili nga, toy… Malamig na tubig saka itong biscuit na ito…” isang mabagal na boses ng isang matandang lalaki ang kaniyang nadinig. Unang bumili ngayong araw! Agad niya itong pinagsilbihan at kinausap nang kaunti ang matanda dahil umupo pa ito sa tapat ng kaniyang tindahan.

“Eh, tay? Kilala mo ho ba yung may-ari ng tindahan na ‘yan? Ilang araw na kasi ako dito pero hindi ko pa nakikitang lumabas ‘yan. Huli na masyado magsara, tapos sobrang aga kung magbukas!” pagtataka na tanong nito sa matanda.

“Talaga ba? Eh, ikaw ba, ‘toy, bakit ka naman nagtayo ng tindahan dito, hindi mo ba narinig ang balitang walang negosyo na nagtatagal sa kalsadang ito?” tugon ng matanda habang natawa pa nang marinig ang tanong ng binata.

Sinabi nito ang kaniyang pakay na alamin ang sikreto ng munting tindahan na iyon. Gusto rin kasi niyang tumagal ang kaniyang negosyo, at ang malaman ang sikreto ng may-ari ng tindahang iyon ang sa tingin niyang susi sa kaniyang tagumpay. Puno pa rin ng mga katanungan si Cris habang ang matanda naman ay tinawanan lang siya habang lumalakad ito palayo.

Habang patagal nang patagal, nababalot na ng pagkabagot ang binata. Halos wala talagang bumibili! Nangangamba na siyang baka masiraan siya ng pagkain bago pa man iyon mabili. Ang tanging suki lamang niya ay ang matandang lalaki na bumibili ng tubig at biskwit tuwing hapon.

Ngunit dumating ang isang araw na may pumaradang magarang sasakyan sa tapat ng tindahan nila. Naghanda siya dahil mukhang naroon iyon para bumili. Subalit nagulat siya nang bumaba ang isang lalaki sa sasakyan na iyon at lumapit sa tindahan na katapat niya.

“Bakit naman niya pipiliin ang tindahan na ‘yon kesa sa akin?! Ang pangit pangit ng itsura ng tindahan na ‘yan, talagang diyan ka pa bumili ha?!” pagmamaktol ng binata sa kaniyang sarili. Muli siyang nakiusisa, nagkunwaring lalabas at magwawalis sa tapat habang nilalapit ang tenga sa usapan ng tao sa loob ng tindahan at ng mayamang lalaki na bumibili.

Ilang minuto lamang, narinig niyang nagtatawanan ang mga ito. Kung ano-ano na ang hinuha niya sa kaniyang isip at hindi na napigilan pa kaya sumilip na siya. Nanlaki ang mga mata ng binata matapos niyang makita at marinig ang parehong matanda na suki niya! Hindi siya makapaniwalang ito pala ang may-ari ng tindahan sa tapat.

Mas dumami pa ang katanungan ni Cris sa kaniyang isip. Marahil daw ay pinag-aaralan din siya ng matanda kaya lagi iyong naroon. Napuno siya ng inis at mas naging interesado pa ito sa pagkilala niya sa matanda. Ngayon, siya naman ang magkukunwari.

Hinayaan niyang makaalis na muli ang mayamang lalaki at bumalik na siya sa kaniyang pwesto. Hinintay niya ang hapon, ang oras kung kailan bumibili ang matanda sa kaniyang tindahan. Hindi siya nabigo dahil dumating nga iyon ng parehong oras at parehong pagkain ang binili. Mas pinagmasdan niya ang matanda habang umuupo iyon atkumakain ng biskwit sa tapat ng tindahan niya. Ngunit siya na mismo ang nainip dahil wala man lang kaduda-duda sa kilos at tingin ng matanda habang nagkukwento ito sa kaniya.

“Kayo pala may-ari niyang tindahan, ‘tay eh. Matagal ko na tinatanong sayo tapos hindi mo naman sinasabi sa akin. Nasabi ko na rin lahat sayo pati ang pakay ko ba’t ako nandito at kung ano ang talagang gusto kong malaman…” patuloy na himutok ng binata sa matanda.

Tumingin lamang ng diretso sa kaniya ang matanda at ngumiti ito sa binata. Mas lalo namang nainis si Cris hindi sa matanda kundi sa sarili dahil hindi niya magawang kagalitan ito dahil talaga namang mabait ang matanda. Sa araw-araw rin na pinagsamahan nila tuwing hapon, naging mahalaga na rin ito sa kaniya.

“Sino ba kasi may sabing tindahan ‘yan, hijo?” isang tanong at tawa muli na nanggaling sa matanda.

“Totoong hindi mabubuhay ang negosyo mo dito. Walang tao at walang halos dumadaan sa kalye na ‘to. Hindi iyan tindahan, hijo. Bahay ko ‘yan at ang mga paninda diyan ay dinadala ng kakilala kong mayaman upang ipamigay sa mga nangangailangan na nakatira sa kalye…” paliwanag muli ng matanda sa binatang si Cris na wala namang masabi.

Maya-maya pa ay dumating muli ang lalaking mayaman. Binati nitong muli ang matanda at nasaksihan niya mismo sa kaniyang mga mata ang mabuting gawain ng matanda. Ang lalaking mayaman na iyon ay isa sa mga natulungan ni tatay sa kalye at nagtagumpay sa buhay. Hindi naman makapaniwala si Cris dahil nag-aksaya lang pala siya ng pagod at pera matapos niya iyong matuklasan. Subalit dahil sa kabutihang puso ng matanda, inalok niya si Cris na ipagpatuloy ang tindahan dahil matanda na siya at magpapahinga na rin sa kaniyang gawain. Parehong nakatulong ang isa’t isa sa bawat isa at nagpatuloy nga ang tindahan na hindi man lumalago ay hindi rin kailanman malulugi.

Advertisement