Napagkasunduan ng Dalawa na Magkaroon ng Kontrata Bago Magpakasal Upang Maiwasan ang Anumang Komplikasyon sa Hinaharap; Mapanindigan Kaya Nila ang Kontratang Pinirmahan?

Napagkasunduan ng Dalawa na Magkaroon ng Kontrata Bago Magpakasal Upang Maiwasan ang Anumang Komplikasyon sa Hinaharap; Mapanindigan Kaya Nila ang Kontratang Pinirmahan?

FamilyHeartbreakingStories

Kasal na lamang ang hinihintay ng magkasintahang Annie at Ruben. Parehong galing sa mayamang pamilya ang dalawa at pareho rin nilang danas na hiwalay ang mga magulang dahil sa pangangaliwa ng mga ito. Kaya naman, napagkasunduan nilang hindi iyon ang dapat na maging dahilan kung bakit sila maghihiwalay o siguro nga, ay upang maiwasan ang ganoong sitwasyon. Dahil dito, kumuha sila ng abogado at pinaasikaso ang kontrata nila bago magpakasal.

Sa loob ng kontrata, nakasaad na pinahihintulutan ng isa’t isa na magkaroon ng relasyon sa ibang babae o lalaki man. Walang maaaring ireklamo ang sinuman kung sakaling mahuli ang asawa na mayroong iba. Dahil para sa kanila, hindi naman talaga iyon malabong mangyari lalo na’t iyon ang kanilang nakalakihan.

Sa kadahilanang tumatanda na rin sila, nagpasiya na silang magpakasal at magkaroon na ng pamilya. Simula sa preparasyon sa kasal, mga susuotin, mga bisita at pagkain ay kontrolado ng dalawa at planado. Para nga naman maging maayos ang takbo ng kanilang kasal at magiging buhay, mas mabuti ng handa at planado sa lahat ng bagay.

“Oh, kumusta na nga pala ‘yong kasal mo? May araw na ba? Baka naman puro robot mga imbitado sa kasal ah?” pagbibiro ng isa sa mga kaibigan ni Annie. Subalit parang hindi naman talaga kaibigan dahil sa tuwina lamang, panay ang yabangan ng mga ito sa isa’t isa.

“Wag ka mag-alala, hindi ka naman imbitado eh. Hindi ka robot ‘di ba?” pabalang na sagot ni Annie na nakangisi at nakataas ang kilay sa kaibigang nang insulto sa kaniya. Nasira na naman ang kaniyang mood. Wala naman siya nakikitang problema sa pagiging handa at planado. Sila ang mga hindi niya maintindihan.

Lumipas pa ang ilang buwan at ang araw ng kanilang kasal. Wala pa sa singkwenta katao ang mga imbitado sa kasal. Masaya ang mag-asawa hndi dahil kasal nila iyon, kundi dahil umayon sa kanilang plano ang lahat ng nangyari.

Pagkaraan lamang ng ilang buwan, abala ang dalawa sa kani-kaniyang mga trabaho. Hanggang sa isang araw ay nakaramdam si Annie na naduduwal at nahihilo kung minsan. Nadagdagan din ang kaniyang timbang at halata iyon sa katawan niya. Minabuti niyang ipa-check ito sa doktor upang makasiguro.

“Buntis ka misis, congratulations!” masayang balita sa kaniya ng doktor. Subalit pilit ang ngiti niya dahil hindi niya pa rin alam kung dapat ba talaga niya itong ikasaya. Ang dami niyang mga takot at inaalala kung sakali ngang magkaanak siya.

Lumipas pa ang ilang araw, hindi nasasabi ni Annie kay Ruben ang balita dahil halos hindi rin sila nagkakatagpo kahit na nasa iisang bahay lang sila. Minsan lang din kasi umuwi ang kaniyang mister dahil laging nasa ibang lugar para sa kaniyang trabaho. Patuloy naman ang pagpapacheck-up ni Annie sa doktor dahil maselan ang kaniyang pagbubuntis.

Dumaan pa ang ilang linggo, inabisuhan ng doktor na magpahinga na si Annie sa kaniyang pagtatrabaho dahil makakaapekto iyon sa kaniya at sa bata. Isa ito sa mga sa tingin niya ay malaking sakripisyo dahil buhay niya ang pagtatrabaho kaysa sa ano pa man. At kung titigil siya ay hindi alam ang pagkakaabalahan sa bahay. Lingid sa kaniyang kaalaman na dito na pala magsisimula ang totoong hamon ng kanilang naging desisyon.

Isang gabi, ay bigla na lamang dumating si Ruben. May kasama itong bisita at doon sa hapag kainan ay nagkwentuhan ang tatlo. Dito na rin nabanggit ni Annie dahil halata na rin ang laki ng kaniyang tiyan.

“Buntis ako, Ruben… Magkakaanak na tayo at tumigil muna ako sa trabaho ko kasi medyo maselan itong pagbubuntis ko…” patuloy sa mga pagbanggit ng balita si Annie sa kaniyang mister habang nagliligpit sila ng pinagkainan nila. Ngunit tahimik lamang si Ruben na nakikinig sa asawa. Sa unang pagkakataon, nakaramdam si Annie ng kasabikan habang nagkukuwento sa kaniyang asawa.

Sa kalagitnaan ng gabi, nagising si Annie na wala sa tabi ang asawa. Bumaba siya upang hanapin ito nang marinig ang kaluskos sa silid kung saan natutulog ang babaeng bisita nila. Nanlaki ang mata niya nang makita ang dalawa na may ginagawang kababalaghan. Nais sana niyang pumasok sa silid at magwala subalit naalala niya ang pinirmahan nilang kontrata. Wala siyang karapatan na umangal, na desisyon niya rin iyon.

Tahimik na umakyat muli sa kaniyang silid si Annie at hinayaan na lamang ang asawa niya na kasi*ping ang ibang babae. Nakaramdam siya ng labis na kalungkutan ng gabing iyon. At ang kalungkutan na ito ay tumagal, araw-araw habang nalalapit na ang araw ng panganganak niya. Hindi niya namamalayan na unti-unti na pala siyang nahuhulog sa depresyon kakaisip ng kaniyang pagkakamali na pirmahan ang kontrata nila.

Hanggang isang hapon, nakita na lamang ng isang delivery boy na nakahiga sa sahig si Annie, naliligo sa sarili nitong dugo. Agad na rumesponde ang nakakita sa kaniya at dinala siya sa ospital. Nagkaroon ng komplikasyon dahil hindi na naaalagaan ni Annie ang sarili at ang bata sa kaniyang sinapupunan.

Paggising ni Annie, habang nasa ospital, wala na ang malaking tiyan niya. Agad niyang hinanap ang anak habang humahagulgol ito. Pinakalma siya ng mga doktor na naroon at inihatid ang balita na nag-aagaw buhay ang kaniyang anak dahil sa maraming komplikasyon.

Hindi napigilan ni Annie na umiyak at sisihin ang kaniyang sarili. Sa unang pagkakataon sa kaniyang buhay, lumapit siya sa Diyos at dumepende sa Kaniya sa mangyayari sa buhay niya at ng kaniyang anak. Gabi-gabi, walang sawa siyang nananalangin para sa kaligtasan ng kaniyang anak. Subalit ni isang beses, hindi man lang siya binisita ng asawa.

Dito na nagpasiya si Annie na iwan na nang tuluyan si Ruben. Inamin niya sa sarili at sa lahat na bigo siya sa pagkakatong ito. Hindi lahat ay planado, hindi lahat ay sigurado. At ang isang desisyon natin ay may malaking epekto sa magiging direksyon ng ating buhay.

Pagkalipas ng ilang buwan, malaking ngiti sa mga labi ni Annie habang nagpapasalamat sa buhay na Diyos na duminig ng kaniyang panalangin na buhayin ang anak. Ngayon, handa na siyang maging ama’t ina ng kaniyang anak at dumepende hindi sa sarili at mga plano, kundi sa Diyos na nagtatakda ng ating buhay.

More Stories