Inday TrendingInday Trending
Labis ang Inis ng mga Magsasaka Dahil Masyadong Minamadali ng Bagong May-Ari ng Lupain ang Kanilang Pag-aani; Mayroon Pala itong Dahilan

Labis ang Inis ng mga Magsasaka Dahil Masyadong Minamadali ng Bagong May-Ari ng Lupain ang Kanilang Pag-aani; Mayroon Pala itong Dahilan

“Ka Romy, ano na pong balita tungkol sa pagbebenta ng lupang sinasaka natin? Natuloy po ang bayaran?” saad ni Ka Mario sa kaniyang kapwa magsasaka na si Ka Romy.

“Tuluyan na talagang binenta nila Don Artemio ang lupain, Ka Mario. Hanggang ngayon ay hindi pa rin namin kilala kung sino na ang bagong nagmamay-ari ng sakahan. Ngunit bali-balita na iba raw ito sa dati nating amo,” saad ni Ka Romy.

Ilang buwan na kasing usap-usapan ng mga magsasaka sa hacienda ang tangkang pagbenta ng kanilang amo sa buong lupaing ito. Isang malaking pagbabago ito para sa kanila sapagkat kilala ang kanilang amo na ubod ng bait sa mga tauhan nito. Ngunit nais na kasing manirahan ng tuluyan ng pamilya ni Don Artemio sa ibang bansa kaya agad itong ibinenta.

“Nakakatakot, Ka Romy. Alam kong hindi na magiging tulad ng dati ang hacienda na ito. Pinapanalangin ko na lamang na kasing bait ni Don Artemio ang bago nating amo,” saad ng ginoo.

Isang linggo ang nakalipas mula sa balitang pagbili ng hacienda ay nakilala nila ang kanilang bagong haciendero. Matapang ang itsura nito at laging taas ang noo kung makipag-usap sa kanila.

“Hindi tulad ni Don Artemio si Don Horacio,” sambit ni Ka Mario. “Ramdam ko talaga sa kaniya ang pagkakaiba ng ating antas sa kanila. Hindi tulad ng dati nating amo na malaya siyang nakikisalamuha sa atin at nakikipagkwentuhan. Madalas pang sumalo sa ating hapagkainan,” nalulungkot na wika pa ng ginoo.

“Ngunit wala na tayong magagawa pa. Pawang mga tauhan lamang tayo dito as hacienda. Hindi naman tayo basta-basta makakaalis sapagkat ito na ang ating kinabubuhay noon pa lamang,” tugon ni Ka Romy.

Maya-maya at dumating ang isa pa nilang kasamahan upang maghatid ng isang balita.

“Pinamamadali ni Don Horacio ang pagtatanim nang sa gayon daw ay makaani tayo ng maaga,” saad nito.

“Paano mo mamadaliin ang pagtatanim, Kadyo?” nagtatakang sambit ni Ka Mario.

“Hindi ko rin alam. Pero mariing pinag-uutos ni Don Horacio na pag-igihan daw ang pagtatanim at madaliin upang makaani na kaagad!” dagdag pa ni Kadyo.

“Hindi pa nga nakakatapos sa pagtatanim ay ang pag-aani na kaagad ang hinahangad niya. Gahaman pala ang bago nating amo!” sambit ni Ka Romy.

Doble-kayod ang ginawa ng mga magsasaka upang mamadali lamang ang pagtatanim dahil ito daw ang utos ng bagong may-ari.

“Ni hindi ko man lamang makita si Don Horacio na dumalaw rito sa ating taniman saka nakihalubilo sa atin. Paano natin masasabi sa kaniya ang ating hinaing?” wika ni Ka Mario.

“May mga katulad talaga ni Don Horacio. Sa totoo lamang mas madalas ang mga katulad niya. Sana ay hindi na lamang binenta ni Don Artemio ang lupain. Hindi sana tayo nahihirapan ng ganito,” saad ng ibang magsasaka.

“Kung huwag na kaya tayong magtanim? Kapag nagkaisa tayo ay walang magagawa ‘yang Don Horacio na iyan. Ipakita natin na mas kailangan niya tayo kaysa kailangan natin sila,” saad ni Mang Mario.

“H’wag naman. Hindi lahat ay tulad ninyong may ipinaglalaban. Kailangan ko ang trabahong ito sapagkat kailangan kong pag-aralin ang kapatid ko,” saad ng isang magsasaka.

Nahati ang opinyon ng mga magsasaka. Ngunit nangingibabaw pa rin sa kanila ang pagka-inis sa bagong amo.

Minsan ay dumalaw doon si Don Horacio. Ngunit imbis na makisalamuha sa mga magsasaka ay agad nitong ipinag-utos na magmadali sa pagtatanim upang makaani sila kaagad.

“Kung kinakailangan na magdoble-kayod ay gawin niyo kailangan umabot ‘yan bago magtag-ulan,” utos ng ginoo.

“Ibang klase talaga ang mga mayayaman. Hindi nila kasi alintana ang hirap. Basta sila ay puro kita lamang ang iniintindi!” reklamo nila Ka Mario.

Ngunit kahit ano pa ang sabihin nila ay alam ng lahat na hindi madaling mapasunod sa nais nila ang may-ari ng lupa. Maaari kasing tanggalin sila nito at mas mahirap kung mawawalan sila ng pagkakakitaan.

Labag man sa kalooban ng ilang magsasaka ay sumunod na lamang sila sa utos ng ginoo kahit anong hirap nito.

Dumating ang panahon ng anihan at pinamamadali na naman ni Don Horacio na maani ang mga bigas at iba pang pananim.

“Amo, lubusan na po kaming nahihirapan sa bigat ng trabaho. Ang gusto niyo pa po ay madaliin namin!” hindi na nakapagpigil pa si Ka Romy.

“Masyado po itong hindi patas para sa aming magsasaka!” saad naman ni Ka Mario.

Natigilan ang mayamang don dahil sa sinabi ng dalawa.

Natakot naman sina Ka Romy at Ka Mario sa naging matalim na tingin ng amo.

Lalo nilang ikinagulat ang susunod na sinabi nito.

“Ganoon ba? Pasensiya kayo kung nabibigatan kayo sa trabaho,” paghingi nito ng umanhin. “Ngunit nais ko lamang na maihanda ang lahat bago ang tag-ulan,” dagdag pa niya.

“May nabalitaan kasi ako na ang darating daw na tag-ulan ay hindi pangkaraniwan. Maaring walang matira sa lahat ng maitatanim natin kung hindi natin pag-iigihan. Ayaw kong mauwi sa wala ang lahat ng pinaghirapan ninyo,” saad ng amo.

“Higit sa lahat nais ko na magkaroon ang bawat isa ng mas maayos na pamumuhay. Bukod sa inyong sasahurin ay nais ko kayong bahagian sa lahat ng kikitain ng haciendang ito. Nais ko ring bigyan kayo ng maani para sa pansariling konsumo ng inyong pamilya,” dagdag pa niya.

Hindi makapaniwala ang lahat ng magsasaka sa tunay na dahilan ng kanilang amo. Lubhang nahiya sila sa kanilang inasal at panghuhusga rito. Sapagkat hindi man tulad ni Don Artemio ang bagong amo na laging nakikisalamuha sa kanila ay mabuti rin pala ang kalooban nito at inuunawa ang kanilang kalagayan.

Humingi ng paumanhin sina Ka Romy at Ka Mario. Agad naman silang pinatawad ni Don Horacio.

Mula noon ay naging dahilan ito para lalong magsipag ang mga magsasaka. Lubha nilang pinagbutihan ang kanilang pagtatanim at mas inalagaan nila ang hacienda. Mas naging produktibo ang lahat at mas masagana ang naging anihan simula noon.

Advertisement