Kulang ang Pamasaheng Ibinayad ng Estudyanteng Ito sa Nasakyang Dyip; Nagulat Siya nang Suklian pa Siya Nito

Punuan na naman sa mga jeep, kaya madaling-madali si Jason. Late na kasi siya sa kaniyang klase, dahil huli na siyang nakalabas sa pinagtatrabahuhang building kung saan siya nagpa-part time bilang isang janitor.

Naupo siya sa tabi ng tsuper ng jeep at nagsimula nang umandar ang sasakyan. Doon ay kinapa na ni Jason ang kaniyang bulsa upang kumuha ng pamasahe.

“Naku! Bakit kulang ’to?!” Napakamot si Jason sa kaniyang ulo. Paano kasi, pagbilang niya sa pamasahe niya ay kulang iyon ng tatlong piso! Doon niya naalalang nagpalit nga pala siya ng uniporme kanina sa banyo at baka nahulog noon ang kaniyang iniipit na mga barya. Wala siyang nagawa kundi ang mapatampal na lang sa kaniyang sariling mukha.

Ganoon pa man ay ibinayad niya pa rin iyon sa nasabing tsuper. Hindi niya nga lang alam kung sasabihin niya pa ba ritong kulang nga ang kaniyang pera o hindi na. Ngunit nang makita niyang binilang nito ang kaniyang pera ay doon na nagbutil-butil ang pawis ni Jason…

“M-manong, kulang ho ang—” Ngunit bago pa man niya maituloy ang sasabihin ay nagulat siya nang bigla siyang suklian ng drayber ng buong singkuwenta pesos.

Kunot-noo at wala sa loob na tinanggap niya ang naturang pera. “M-manong? Bakit n’yo po ako sinusuklian, e, kulang nga po ’yong pera ko?” takang-takang tanong ni Jason sa naturang tsuper.

Nakita niya namang ngumiti ito. “Sa ’yo na ’yan, hijo. Mukhang nahulugan ka ng barya kaya kulang ’yang pera mo, e. Papasok ka sa eskuwela, hindi ba?” tanong pa ng tsuper kay Jason. Tumango ang binata habang naaantig ang kaniyang loob. “Kaedad mo ’yong anak ko, hijo. Graduate na rin sana siya ng kolehiyo ngayon kung hindi nga lang niya namana ang sakit ng kaniyang ina, at sumakabilang buhay bago pa siya tuluyang makatapos ng pag-aaral,” may lungkot sa mga matang pagsisiwalat naman ng naturang tsuper.

“Ikinalulungkot ko ho ang nangyari sa anak n’yo, manong. At maraming salamat po sa ibinigay n’yo. Tatanawin ko pong malaking utang na loob ito. Hindi ko po kayo makakalimutan,” naluluha namang tugon ni Jason sa naturang tsuper bago siya bumaba sa tapat ng kaniyang pinapasukang unibersidad.

Advertisement

Matapos ang araw na iyon ay hindi na nakita pang muli ni Jason ang nasabing tsuper. Alam ng Diyos kung gaano niya hiniling na sana ay muli niya itong makadaupang palad dahil talaga namang nagsilbing inspirasyon para sa kaniya ang ginawa nito nang araw na ’yon. Dahil sa nangyari ay mas lalo siyang nagsumikap sa pag-aaral, hanggang sa siya ay makatapos na sa kaniyang kurso.

Ngayon ay isa nang ganap na magaling na negosyante si Jason. May-ari na siya ng isang malaking pamilihan sa kanilang lugar, na talaga namang dinarayo ng masa dahil sa abot kaya niyang mga paninda. May sarili na rin siyang pamilya, ngunit alam ni Jason sa kaniyang sarili na mayroon pa ring kulang sa kaniya…

Isang araw, habang nag-oobserba siya sa kaniyang pamilihan ay hindi sinasadyang mahagip ng kaniyang mga mata ang isang pamilyar na pigura ng isang matandang lalaki. Pakiramdam niya ay tumalon ang puso niya. Sa wakas ay dininig din ng Diyos ang kaniyang hiling.

Ngunit may napansin siya sa ikinikilos ng dating kakilala. Naroon kasi ito sa cashier at tila namomroblema habang binibilang ang dala nitong pera…

Agad na nilapitan ni Jason nang pasimple ang kaniyang cashier at tinanong. “Ano’ng problema?”

“Sir, kasi, kulang po ang dalang pera ni manong,” sagot naman sa kaniya ng kaniyang cashier at napatango si Jason.

“Manong, huwag na po kayong mag-alala. Sagot ko na ang groceries n’yo,” sabi pa ni Jason sa nasabing matanda na nang tumunghay sa kaniya ay nagulat nangsiya ay makilala!

“Ang tagal ko ho kayong hinanap, manong. Dito ko lamang pala kayo makikita,” nakangiting sabi ni Jason sa dating tsuper na tumulog sa kaniya noon.

Advertisement

“Ikaw pala ’yan, hijo!” masayang bati naman sa kaniya ng tsuper. “Maraming salamat, dito, hijo. Talagang kailangang-kailangan ko ito ngayon,” maluha-luhang sabi pa nito nang sagutin ni Jason ang lahat ng groceries nito at hindi na kinuha pa ang pera ng matanda. Bukod doon ay sinabi niya rin dito na simula sa araw na ’yon ay sasagutin niya na rin ang buwan-buwan nitong groceries na agad namang ikinatuwa ng matanda!