Inday TrendingInday Trending
Mabigat daw ang Loob Niya sa Katulong na Ito kaya Hindi Maganda ang Trato Niya Rito; Iyak Siya sa Magiging Ganti Nito

Mabigat daw ang Loob Niya sa Katulong na Ito kaya Hindi Maganda ang Trato Niya Rito; Iyak Siya sa Magiging Ganti Nito

“Bilisan mo ngang kumilos! Napakakupad mo talaga, kahit kailan! Imbes na kanina pa kami nakaalis ng ser mo para makapag-shopping ay napupurnada pa dahil sa bagal mo!” inis na inis na bulyaw ni Yanny sa kanilang bagong katulong na si Mica. Kadarating lamang nito noong isang linggo, ngunit grabeng trabaho na agad ang ibinungad niya rito gayong kapwa niya pa naman ito Pinay.

Nakatira sila ng kinakasamang si Jhon sa America sa loob na ng tatlong taon. Buhat nang makilala niya ito ay agad siyang sumama sa binata dahil alam niyang mabibigyan siya nito ng magandang buhay kahit pa ang totoo ay hindi naman niya ito mahal. Sa tinagal ng pagsasama nila ay natutunan naman niyang mahalin na rin si Jhon. Iyon nga lang, mas mahal pa rin talaga ni Yanny ang pera nito, kaysa sa mismong binata.

Simula nang gumanda ang buhay ni Yanny ay nagsimula na ring magbago ang kaniyang ugali. Naging mayabang siya at matapobre at kahit ang kaniyang mga kapamilya ay nagagawa niyang pagmataasan. Lalo na ang katulong nila ngayong si Mica.

“Pasensiya na po kayo, madam. Tinapos ko pa kasi ’yong inuutos ninyo sa aking plantsahin, kaya medyo natagalan,” nayuyukong katuwiran sa kaniya ni Mica, ngunit imbes na matauhan ay lalo lamang siyang nanggalaiti.

“At talagang sumasagot ka pa?! Gusto mo bang hindi kita pakainin ngayong araw para magtanda ka?” galit na sabi pa ni Yanny sa kasambahay.

Napakunot naman ang noo ng kaniyang asawang si Jhon na ngayon ay nagsisimula nang makaintindi ng Tagalog dahil sa matiyagang pagtuturo dito ni Mica.

“Hon, don’t shout at her, please. Can you talk to her more nicely?” tila naiinis namang sabi sa kaniya ng kinakasama.

Dahil doon ay lalong kumulo ang dugo ni Yanny kay Mica. Gusto man niyang magreklamo ay hindi na niya iyon ginawa pa dahil ayaw niyang masira ang ‘shopping day’ nila. Baka mamaya ay hindi pa bilhin ni Jhon ang lahat ng gusto niya!

Ipinagpatuloy ni Yanny ang ganoong pagtrato sa kanilang kasambahay. Pinagmalupitan niya ito nang labis, kahit pa sa harap ni Jhon. Madalas ay sinasaway siya ng kinakasama kaya naman palagi rin iyong pinagmumulan ng kanilang away. Hanggang sa unti-unti ay lumayo ang loob nito sa kaniya at mas lalong naging malapit sa kanilang kasambahay.

Nalalapit na ang pinaplanong kasal ni Yanny at ng kaniyang kinakasamang si Jhon, ngunit pareho silang walang ganang asikasuhin iyon. Si Yanny kasi ay abala sa pag-intindi sa kaniyang mga pagsho-shopping, pati na rin sa pagliliwaliw kasama ang kaniyang mga kabarkada, habang si Jhon naman ay tila nagdadalawang isip na kung pakakasalan siya. Alam ng binata na hindi ito ang asawang pinapangarap niya, kaya naman nagsisimula na rin siyang matauhan. Lalo pa at lingid sa kanilang kaalaman ay unti-unti nang nahuhulog ang damdamin nito kay Mica, na siya nilang kasambahay.

Ganoon din naman si Mica. Dahil sa palaging pagtatanggol sa kaniya ng kaniyang among lalaki ay unti-unting nahulog ang loob niya rito at ang nakapagtataka ay hindi siya nakadarama ng pangongonsensiya dahil alam niyang hindi naman nakakahinayang na mawala sa buhay ng kaniyang boss si Yanny. Masama ang ugali nito at hindi ito bagay kay Jhon. Iyon ang nasa isip niya.

Nagkaroon ng relasyon ang dalawa, hindi katagalan. Ngunit hindi iyon napapansin ni Yanny dahil wala siyang oras na obserbahan ang paligid niya. Namalayan na lamang niya ang lahat nang isang gabi ay kausapin siya ni Jhon nang masinsinan.

“Hindi ko na kaya ’to, Yanny,” sabi sa kaniya ni Jhon na ngayon lamang niya napansing matatas na palang managalog. “Hindi na kita mahal.”

Tila isang malakas na sampal na tumama sa kaniyang pisngi ang huling mga katagang sinabi nito. Akala niya ay nagbibiro lamang ito, ngunit nagkakamali pala siya!

“Simula bukas, gusto kong umuwi ka na ng Pilipinas at kalimutan na natin ang isa’t isa. Tutal ay wala naman na tayong pagmamahal pa. Nagsasama na lang tayo dahil mahal mo ang pera ko,” deretsahan pang sabi nito sa kaniya at wala nang nagawa pa si Yanny.

Bago siya umalis ay nalaman niyang kaya pala nakikipaghiwalay sa kaniya si Jhon ay dahil may relasyon na ito at ang katulong na si Mica, na kung tutuusin ay mas maalaga at mas mabait naman talaga kaysa sa kaniya. Talagang mahal nito si Jhon, at wala itong pakialam sa pera ng binata.

Hindi akalain ni Yanny na ganitong kasakit ang magiging paghihiwalay nila ni Jhon. Ngayon niya lamang napagtanto kung gaano niya ito kamahal, kung kailan huli na ang lahat at may iba na itong mahal.

Advertisement