
Dala ng Pangangailangan ay Nagtangka ang Lalaki na Lokohin ang Isang Matanda; Magbabago ang Kaniyang Isip sa Ipapakita Nito sa Kaniya
Matindi ang pangangailangan ni Berto sa pera simula nang magkasakit ang kaniyang ina, kaya kahit ang panloloko ng ibang tao ay pinasok na niya. Siya lang kasi ang inaasahan nito at ng dalawa pa niyang kapatid na pinag-aaral niya. Nagbebenta siya ng mga pekeng gamot, pampaganda at kung anu-ano pa, kahit ang totoo ay hindi naman epektibo ang mga ito.
Dahil magaling magsalita si Berto ay marami siyang nabebenta, lalo na at ang target niya ay ang mga matatanda na gustong bumata. Masiyado kasi silang mabilis mapaniwala, kaya naman madali na lang para sa lalaki na huthutan sila ng pera. Easy money. Kahit pa ang totoo ay mga ordinaryong sabon lang naman ang ginagawa ni Berto.
Ordinaryo lamang ang araw na iyon para sa kaniya. ’Tulad ng mga karaniwang araw ay naglalako na naman si Berto ng kaniyang mga paninda sa kalsada. Isang malaking bahay ang nadaanan niya nang mga sandaling ’yon kaya naisipan niyang mag-doorbell doon. Base kasi sa hitsura ng bahay ay mukhang mayaman ang may-ari nito. Mukhang malaki rin ang tyansa niyang makabenta.
“Sino po sila?” tanong ng isang babaeng siyang nagbukas ng gate sa naturang bahay.
“Ay, ale, mag-aalok lang po sana ako ng paninda,” sagot naman ni Berto.
“Naku, ano po bang paninda ’yan?” muli ay tanong naman ng babae. “Sandali ho at tatawagin ko lang ang amo ko. Labandera lang ho kasi ako rito.”
“Sabong pampaganda ho at mga herbal medicines para sa iba’t ibang karamdaman,” sagot naman ni Berto bago hinayaang umalis ang ale.
Ilang sandali pang naghintay si Berto sa labas ng naturang bahay. Maya-maya ay lumabas naman kaagad ang isang uugod-ugod nang matanda. Halos makuba na ito sa pagkakayuko kaya naman may nakasuporta nang tungkod sa paglalakad nito.
“Ano ba ’yang ibinibenta mo, hijo? Halika’t pumasok ka rito,” sabi pa ng matanda na kahit matanda na’y bakas pa rin ang kagandahan sa mukha. Siguro ay dahil maganda rin ang ngiti nito na siyang dahilan kaya’t mukha rin itong mabait.
Nang makapasok sila sa tahanan ng matanda ay agad siyang inalok nito ng maiinom. Tumanggi naman si Berto dahil nakaramdam siya ng hiya sa kabaitang ipinapakita ng matanda. Makailang ulit na nga rin siyang napapalunok. Pakiramdam niya’y gusto na niyang atrasan ang tangkang pambibiktima rito ng mga peke niyang paninda.
“Naku, hijo, huwag ka nang mahiya. Sandali at ikukuha kita ng maiinom na juice,” ngunit giit naman ng matanda at umalis na sa kaniyang harapan.
Matapos makaalis ng matanda ay inilibot ni Berto ang kaniyang paningin sa loob ng tahanan. Napakaelegante ng naturang bahay at mukhang mamahalin ang mga gamit doon. Ngunit bigla na lang siyang napahinto nang makuha ng isang litratong naka-display sa dingding ang kaniyang atensyon…
Parang kilala niya kung sino ang naroon sa litrato—ang kaniyang ina noong ito ay dalaga pa!
“Napakaganda niya, ano?” Napaigtad siya nang biglang may magsalita sa kaniyang likuran. Nakabalik na pala ang matanda sa salas habang hawak ang isang basong juice at biskuwit. “Kasambahay ko siya noon na itinuring ko na ring parang tunay na anak. Mahal na mahal ko ’yan kaya pinag-aral ko siya noon. Kaya lang, simula nang makapag-asawa siya’y hindi ko na siya ulit nakita. Sumama kasi siya sa kaniyang asawa sa probinsya,” kwento pa ng matanda na siyang nakapagpalaki ng mata ni Berto!
Naaalala niya kasi ang taong madalas ikwento sa kaniya ng kaniyang ina noon na anito’y tumulong daw sa kaniya noong siya’y hirap na hirap sa buhay… hindi niya akalaing ang matandang pinagtatangkaan niya palang lokohin ngayon at ang taong iyon ay iisa!
Biglang tinamaan ng matinding konsensya si Berto. Hindi niya alam kung bakit ngunit hindi niya naiwasang maluha at mapaamin sa matanda ng tunay niyang pakay! Ang akala nga niya ay magagalit ito, ngunit imbes ay inintindi siya nito at inalok pa ng tulong!
Simula noon, tinigilan na ni Berto ang panloloko sa ibang tao. Nagsimula ulit siyang magtayo ng panibagong pagkakakitaan, ngunit sa pagkakataong ito ay totoong sabong pampaganda na ang kaniyang ibinibenta. Tinulungan siya ng matanda sa kapital upang siya ay makapagsimula, habang inaral naman niya ang tama at tunay na paggawa ng sabon sa pamamagitan ng pag-e-enroll niya sa isang livelihood program.
Salamat sa napakabuting matanda at nabigyan ng pagkakataong magbago ang isang katulad ni Berto, na dahil sa kahirapan ay nakuhang kumapit sa patalim.