Nang Umalis ang Ina ay Pinagtangkaang Dispatsahin ng Magkakapatid ang May Kapansanan Nilang Pinsan; Mabubuking Din Pala ang Kasamaan Nila

Nang Umalis ang Ina ay Pinagtangkaang Dispatsahin ng Magkakapatid ang May Kapansanan Nilang Pinsan; Mabubuking Din Pala ang Kasamaan Nila

HeartbreakingKarmaStories

Nag-iisang anak si Dahlia ng mga yumaong magulang kaya ang nangangalaga sa kanya ay ang nakatatandang kapatid ng ama niyang si Malvina. Mayroon itong tatlong anak na babae na sina Melani, Marissa at Marian. Naiiba si Dahlia sa kanyang mga pinsan dahil isinilang siya na may kapansanan, siya ay isang pipi at bingi.

Nang maulila ay ang tiyahing si Malvina na ang kumukop sa dalagita kahit pa uugod-ugod na ang babae. Sa edad na walumpu’t apat ay malakas pa rin naman ang pangangatawan ng matanda at kaya pang alagaan ang pamangkin. At dahil siguro sa kondisyon ni Dahlia ay ito ang binibigyang atensyon ng tiyahin.

Nang sumapit ang ikalabingpitong kaarawan ni Dahlia ay ipinaghanda talaga ni Malvina ang pamangkin. Nagkaroon pa ng bonggang salo-salo sa kanilang bahay. Matapos ang kasiyahan ay kinausap niya ang kanilang abogado.

“Sa susunod na taon ay maisasalin na ang lahat ng kayamanan at ari-arian ng aking kapatid at ng kanyang asawa sa aking pamangkin na si Dahlia. Bilang nag-iisang anak ay sa kanya ipinamana nina Edilberto at Yolanda ang lahat ng kanilang pinaghirapan,” masayang wika ni Malvina kay Atty. Del Mundo na abogado ng kanilang pamilya.

“Pero, Ginang Malvina, hangga’t hindi pa tumutuntong sa ikalabingwalong taon si Dahlia ay sa iyo muna inihahabilin ng iyong kapatid ang lahat ng mana niya,” sagot ng matandang abogado.

“Kung iyan ang kagustuhan ni Edilberto at ng aking hipag ay siyang masusunod. Nararapat lang na magkaroon ng magandang buhay ang aking pamangkin. Kapag ako’y wala na ay sino na lang ang mag-aasikaso, mag-aalaga, at poprotekta sa kanya? Dalawa na lamang kami ni Antonia ang nabubuhay sa aming magkakapatid at siya ay nakaratay pa at may iniindang sakit,” nag-aalalang sambit ng matandang babae.

“Eh, nariyan naman ang inyong mga anak na mga pinsang buo ni Dahlia. Sa tingin ko ay aalagaan nila at mamahalin din ang kanilang pinsan gaya ng pagmamahal niyo sa inyong pamangkin,” hayag pa ng abogado.

“Oo nga. Mapagkakatiwalaan ko ang aking mga anak. Alam ko na napalaki ko sila nang maayos. May kanya-kanya na silang magagandang trabaho ngayon kaya hindi ako nangangamba na kapag ako’y pumanaw ay hindi nila pababayaan ang kanilang pinsang si Dahlia,” tugon ni Malvina sa kausap.

Ngunit lingid sa kanilang kaalaman ay inis at asar ang kanyang mga anak sa pamangkin. Kaya lang nila ito pinakikisamahan at pinakikitaan nang mabuti ay dahil sa kanya at dahil sa mamanahin nito. Alam kasi ng magkakapatid na may makukuhang malaking mana ang may kapansanang pinsan.

Minsan ay kinausap ni Malvina ang mga anak at pinayuhan.

“Huwag ninyong papabayaan ang inyong pinsang si Dahlia. Tayo na lamang ang kanyang pamilya mula nang sumakabilang buhay ang inyong Tiyo Edilberto at Tiya Yolanda sa isang sakuna dalawang taon na ang nakalilipas. May sakit naman ang inyong Tiya Magda na nasa Amerika kaya hindi natin siya makakasamang alagaan ang pinsan ninyo. Matanda na rin at may mga nararamdaman na rin ako sa katawan kaya inihahabilin ko na siya sa inyong tatlo,” wika ng ginang sa mga anak.

Nang hindi na nila kaharap ang ina ay nagpupuyos sa galit ang tatlong babae.

“Bakit pa sa atin inihabilin ni mama ang pipi’t binging ‘yon? ‘Di ba dapat ay ipaalaga na lang siya sa iba o ‘di kaya ay iwan na lang sa ampunan?” inis na sabi ni Marissa.

“Hayaan mo na, ate! Kapag napunta naman kay Dahlia ang kanyang mana ay maaambunan din naman tayo dahil tayo ang nangangalaga sa kanya,” sabad ni Melani.

“Ayoko ng ambon lang, gusto ko ay sa atin bumuhos lahat ng biyayang para kay Dahlia! Kapag nawala ang babaeng ‘yan ay panigaradong kay mama mapupunta ang kayamanan niya at mga ari-arian dahil kay mama inihabilin nina Tiyo Edilberto ang pamamahala sa mamanahin niya at isa pa, tayo na lang ang natitira niyang kamag-anak. Si Tiya Magda naman ay malapit nang mam*tay dahil sa karamdaman kaya sa atin talaga mapupunta ang yaman ni Dahlia kapag nawala siya sa ating landas,” sambit naman ni Marian.

Ilang araw ang lumipas, nagpaalam si Malvina na dadalawin sa Amerika ang kapatid at isang buwang mawawala kaya nakaisip ng masamang balak ang magkakapatid para dispatsahin ang kanilang pinsan. Dali-dali rin nilang pinagbakasyon ang mga kasambay nila para walang makaalam sa kanilang plano.

Nang maiwang mag-isa ang dalagita sa bahay ay pinagtulungang ipasok ng tatlo ang kanilang pinsan sa isang madilim na kuwarto at doon ay gugutumin nila ito at ikukulong hanggang sa bawian ng buhay. Ikinadena rin nila ito para hindi makawala at makagawa ng anumang ingay. Hindi rin makakasigaw ang pobreng dalagita dahil nga pipi ito. Uunti-untiin nila ang pagpat*y sa kanilang pinsan dahil sa tindi ng inggit at galit nila rito. Inggit dahil sa makukuha nitong mana at galit dahil mas paborito pa ito ng kanilang ina kaysa sa kanila.

Isang linggong hindi nila pinakain at pinainom man lang ng tubig si Dahlia. Ikinandado rin nila ang pinto at mga bintana sa kulob na kuwarto kung saan ito nakakulong para mahirapan din ito sa paghinga.

Ngunit maya-maya ay biglang tumunog ang cell phone ni Marian na agad naman nitong sinagot.

“Hello, mama?” kinakabahang tanong ng babae.

“O, mabuti naman at sinagot mo. Pakisabi sa mga kapatid mo na uuwi na ako bukas. Kumusta si Dahlia? Inaalagaan niyo ba?” tanong ng kanilang ina.

“A-ano po?! ‘Di po ba isang buwan pa po kayong mananatili riyan sa Amerika?!” gulat na tanong ng babae sa ina.

“Medyo maayos na kasi ang lagay ng Tiya Magda ninyo kaya naisip kong bumalik na sa Pilipinas. At isa pa, nami-miss ko na kayo at si Dahlia,” sagot ng matanda sa kabilang linya.

Hindi halos nakapagsalita si Marian sa sinabing iyon ng ina. Matagal bago nakasagot.

“A, eh, g-ganoon po ba, mama?! S-sige po kung iyan ang inyong pasya. H-huwag po kayong mag-alala, h-hindi namin pinababayaan nina a-ate si D-Dhalia,” nauutal na sagot ni Marian sa ina.

“Ipagpatuloy lang ninyo ‘yan, mga anak. Isa pa, may pasalubong ako sa inyo sa aking pagbabalik,” hayag pa ng matanda.

Ang hindi alam ni Marian ay nakikinig din ang dalawa niyang kapatid sa kanilang pag-uusap ng ina dahil naka-loud speaker ang cell phone niya. Tuwang-tuwa naman ang mga ito dahil narinig ang tungkol sa pasalubong ng ina sa pag-uwi nito.

Nang magpaalam na ang matanda sa kabilang linya ay biglang nataranta ang tatlo.

“My God! Paano na ito? Uuwi na raw si mama bukas!” takot na takot na sabi ni Marian.

“Hayaan na ninyo, tiyak namang nanghihina na rin sa sobrang gutom at uhaw ang Dahliang ‘yon sa loob ng kuwarto. ‘Di ba naman natin pinakain at pinainom sa loob ng isang linggo ‘no! Siguradong lupaypay na ‘yon at malapit nang malagutan ng hininga. Palalabasin natin na hindi nagkakakain ang g*ga nang umalis si mama kaya ayun, nagkasakit. Kapag tinanong tayo kung bakit hindi natin sinabi, idahilan natin na kamakailan lang din natin nalaman ang ginagawa niya. At isa pa, kapag dumating si mama at buhay pa ang loka’y hindi naman makakapagsumbong ‘yon dahil nga pipi, eh, takot na lang niya sa atin!” tugon ni Marissa.

“Eh, paano kung tigok na ‘yon doon? Ano’ng sasabihin natin?” kinakabahang tanong ni Melani.

“Madali na nating gawan ng kuwento ‘yon, hmmm… puwede nating sabihin na binangungot o kaya’y hindi na nagising sa mahimbing na pagtulog. Kapag nangyari ‘yon ay tiba-tiba na tayo dahil kay mama na mapupunta ang mana niya. T-teka nga, puwede bang huwag na muna nating problemahin si Dahlia, ang isipin ninyo ay kung ano ang pasalubong sa atin ni mama bukas!” sabik na wika ni Marissa sa mga kapatid.

Kinagabihan ay pinuntahan ng magkakapatid ang kuwarto kung saan nakakulong si Dahlia. Sisilipin nila kung pat*y na nga ito para makagawa na sila ng konkretong plano na idadahilan sa kanilang ina kung bakit binawian ng buhay ang buwisit nilang pinsan. Masaya pa nga ang tatlo dahil sa wakas ay mawawala na sa buhay nila ang pipi’t bingi nilang pinsan. Inalis nila ang kandado ng pinto at binuksan ang madilim na kuwartong iyon, pero laking gulat nila nang makitang maayos pa rin ang lagay ni Dahlia na tahimik lang na nakaupo sa isang tabi.

“Paanong nangyari na hindi pa rin nanghihina ang babaeng ‘yan, eh, hindi na nga natin pinapakain at pinapainom ng tubig?” nagtatakang tanong ni Melani sa mga kapatid.

“Malay namin! May sa pusa yata ang abnormal na ‘yan!” sagot ni Marissa.

Ipinagkibit-balikat nila iyon at tinakot ang dalagita na huwag na huwag magsusumbong kapag dumating ang kanilang ina kundi ay ililigaw nila ito upang hindi na nito makita ang tiyahin. Lumuluha namang tumango lang si Dahlia sa mga pinsan na tanda na hindi sila nito ipapahamak.

Kinaumagahan ay dumating na si Malvina na seryoso ang mukha. Masaya siyang sinalubong ng tatlong anak. Inayusan din ng tatlo si Dahlia na kunwari ay walang anumang nangyari rito.

“M-mama, maligayang pagbabalik! Excited na kami sa pasalubong niyo sa amin!” bungad ni Marissa.

Nang walang anu-ano’y tinawag ni Malvina ang hardinero nilang si Mang Elias at ipinapasok ang mga pasalubong sa loob ng kanilang bahay. Laking gulat ng tatlo nang makita ang pasalubong ng kanilang ina.

“T-Tatlong ma-maleta? B-bakit ‘yan ang pasalubong niyo sa amin, mama?” tanong ni Marian.

“Ang mga maletang ‘yan ay para sa inyong tatlo. Ilagay na ninyo riyan ang lahat ng damit at gamit ninyo. Gusto kong lisanin na ninyo ang bahay na ito dahil sa kawalanghiyaan ninyo! Lumabas din ang totoo, na kaya lang kayo mabuti sa pinsan ninyong si Dahlia ay dahil sa akin, dahil narito ako at dahil sa mamanahin niya sa kanyang magulang. Ang totoo’y may maitim kayong balak sa kanya. Ang akala ninyo siguro ay hindi ko malalaman ang kademony*hang ginawa ninyo? Mabuti na lamang at isinumbong kayo sa akin ni Mang Elias. Palihim niya akong tinawagan at sinabi niya sa akin ang lahat. Ang malaki ninyong pagkakamali ay hindi ninyo isinama si Mang Elias sa mga kasambahay na pinagbakasyon ninyo kaya natuklasan niya ang inyong kasamaan,” bunyag ng matanda sa tatlong anak.

Naisip ng tatlo na hindi pagbakasyunin ang hardinero dahil uwian naman ito sa sariling pamilya at ‘di gaya ng mga kasambahay na sa bahay nila nanunuluyan. Hindi rin nila inakala na makakatunog ito sa mga ginawa nila kay Dahlia.

“Habang mahimbing kayong natutulog sa gabi ay palihim na pumaparito si Mang Elias at binibigyan ng pagkain at inumin ang inyong pinsan sa kuwarto kung saan ninyo siya walang awang ikinulong. Hindi rin ninyo naisip na may sariling susi si Mang Elias sa kuwartong iyon na dati niyang kuwarto noong dito pa siya nanunuluyan sa atin bago iyon ginawang bodega. Sa tagal ditong naninilbihan ni Mang Elias ay labis-labis ko na siyang pinagkakatiwalaan kaya sa kanya ko inihahabilin ang susi sa pintuan nitong bahay kapag ako’y umaalis. Sobrang naawa si Mang Elias sa kalagayan ni Dahlia dahil parang apo na rin niya ito,” hayag pa ni Malvina sa mga anak .

Noon naunawaan ng tatlo kung bakit sa isang linggo na hindi nila pinakain at pinainom ng tubig si Dahlia ay malakas pa rin ito at hindi man lang nanghina, iyon pala ay dahil pinapakain ito ng mabait nilang hardinero sa tuwing mahimbing silang natutulog.

“Hindi kayo nagtagumpay sa inyong balak. Ikinahihiya ko kayo bilang aking mga anak!” naluluhang sabi ng matanda habang sinesemunan ang tatlong babae.

Sa tagpong iyon ay halos walang mukhang maiharap sa kanya ang tatlong babae. Labis ang pagkapahiya ng mga ito sa kasalanang nagawa kay Dahlia. Naging matigas naman si Malvina sa mga anak na binigyan ng leksyon upang magtanda. Pinalayas ng matanda ang tatlo at sinabing hindi makakabalik hangga’t hindi lubusang nagsisisi. Pasalamat pa nga sila dahil hindi na sila isinuplong sa awtoridad ng ina dahil mga anak pa rin sila ng matanda at dahil sa pakiusap na rin ni Dahlia. Kahit pinagtangkaan na nila ang buhay nito’y kabutihan pa rin ang isinukli sa kanila.

Mabilis na lumipas ang panahon at sumapit ang ikalabingwalong kaarawan ni Dahlia. Nang araw na iyon ay isinalin na sa kanya ang lahat ng kayamanan at ari-arian na iniwan ng mga magulang. Bilang ganti ay binigyan ng dalaga ng parte sa kayamanan ang tiyahing si Malvina, ang maysakit na tiyahin niyang nasa Amerika na si Magda at ang panghuli ay ang taong tumulong sa kanya na makaligtas sa kabuktutang ginawa ng mga pinsan, si Mang Elias. Habang buhay niyang tatanawin sa matandang hardinero ang ginawa nitong kabutihan. kahit siya’y ulila na at may kapansanan ay may mga tao pa ring nagmagandang loob sa kanya at naglaan sa kanya ng pagmamahal.

Samantala, hindi pa rin mapatawad ng tatlong magkakapatid na sina Melani, Marissa at Marian ang kanilang mga sarili. Napagtanto nila na bumalik lang sa kanila ang masama nilang ginawa na habang buhay din nilang papasanin.

More Stories