Inday TrendingInday Trending
Nag-Ipon ang Dalagitang Ito Upang Makalayas na sa Poder ng Mahigpit na Ama; Hanggang sa Dumating ang Araw ng Pagsasakatuparan Nito

Nag-Ipon ang Dalagitang Ito Upang Makalayas na sa Poder ng Mahigpit na Ama; Hanggang sa Dumating ang Araw ng Pagsasakatuparan Nito

“Hindi ka nga puwedeng pumunta sa sayawan na iyan. Vanessa. Naiintindihan mo ba ako? Wala akong pakialam kung pumayag ang Mommy mo. Ako pa rin ang padre de pamilya sa bahay na ito. Kung ano ang desisyon ko, iyon ang masusunod.”

Wala na. Hindi na pumalag pa si Vanessa, 16 taong gulang.

Tahimik siyang bumalik ng kuwarto. Kinuha niya ang cellphone niya. Nag-chat siya sa mga kaibigan na hindi na siya makakapunta sa party ni Grace. Hindi na niya makikita pa ang kaniyang crush na si Charles.

Pumasok ang Mommy ni Vanessa na si Marta. Inalo ang nagdaramdam na anak.

“Bakit ganyan si Dadddy, Mommy? Parang ginagawa niya akong robot! Bakit si Ate Celine noon, pinapayagan niyang gumala? Hindi naman niya pinaghihigpitan nang malala. Tapos ako, sa birthday party lang pupunta, akala mo naman gagawa ako nang masama?” sabi ni Vanessa sa kaniyang Mommy. Mabuti pa ang Mommy niya, suportado lamang ang gusto niya.

Ang kaniyang Daddy na si Arnulfo ay masyadong istrikto sa kaniya. Lahat na lamang ay sinisita nito sa kaniya. Pakiramdam niya ay sakal na sakal na siya sa paghihigpit ng kaniyang ama. Parang nais na niyang maglayas.

“Anak, tatandaan mo, mahal na mahal ka ng Daddy mo. Hindi niya ginagawa ang mga bagay na ito nang walang dahilan. Sana maniwala ka,” paalala naman sa kaniya ng ina.

Pero sa totoo lamang, hindi maramdaman ni Vanessa ang pagmamahal na sinasabi ng kaniyang Mommy.

Kaya ipinangako ni Vanessa sa kaniyang sarili na paghahandaan niya ang araw ng pagbukod. Mag-iipon lamang siya ng sapat na pera at kapag nakaipon na siya, saka siya aalis.

Kaya ang ginawa ni Vanessa, pinagbuti na lamang niya ang pag-aaral at anumang sobra sa allowance niya ay itinatabi niya.

Ang mga ipon na ito ay siyang gagamitin niya upang magsimula ng bagong buhay mag-isa.

Tiniis na lamang niya ang mga paghihigpit ng kaniyang ama na sa kaniyang palagay ay wala naman sa lugar. Tama naman ito. Hangga’t siya ay nasa poder nito at ito ang bumubuhay sa kaniya, may karapatan itong panghimasukan ang mga ginagawa o mga desisyon niya.

At ang pagbukod ang naiisip niyang solusyon upang matakasan ang ama.

Ngunit kung bubukod siya na wala namang sapat na pera, baka ang mangyari ay bumalik lamang siya sa poder nito. Nakakahiya. Makakahanap na naman ito ng panibagong isyu na isusumbat sa kaniya.

“Aalis-alis ka sa poder ko pero hindi mo naman mapanindigan?” nakikini-kinita ni Vanessa na sasabihin sa kaniya ng Daddy niya.

Minabuti na lamang ni Vanessa na pagtiyagaan ang ilang mga natitirang taon. Isang taon na lamang naman at matatapos na siya sa pag-aaral.

Makalipas ang ilang buwan, malaki-laki na ang naiipon ni Vanessa. Bukod kasi sa allowance na ibinibigay sa kaniya ng Daddy niya ay binibigyan din siya ng Mommy niya. Hindi niya sinabi sa Mommy niya ang plano niyang pagbukod.

Kating-kati na siyang gawin ang balak niya. Ngunit naisip niya, paano kung maubos kaagad ang ipon niya? Nagtanong-tanong na siya sa presyo ng mga paupahan. 3,000 piso ang pinakamababa, matino-tino na iyon. Walang aircon hindi kagaya sa kaniyang kuwarto. Baka manibago siya.

Naisip niya, mas mainam siguro kung isasagawa niya ang pagbukod kapag nakatapos na talaga siya ng pag-aaral, dahil may diploma na siya at bala upang makahanap ng trabaho batay sa kursong tinapos niya.

Kaya tinapos ni Vanessa ang kaniyang kurso. Dahil sa kaniyang ginawang pagpokus ay tumaas ang kaniyang mga marka.

Tuwang-tuwa ang kaniyang mga magulang ng siya ay magtapos bilang Magna Cum Laude.

Isang araw matapos ang seremonya ng pagtatapos, nagsimula nang mag-impake si Vanessa. Sa wakas, maisasagawa na rin niya ang pagbukod.

Magiging malaya na rin siya sa mahigpit na pangangalaga ng ama.

Magsisimula siya ng panibagong buhay.

Malaking-malaki na ang ipon niya. Tantiya niya, mauubos ito kung sakali sa loob ng isang taon, ngunit tiyak niyang hindi mangyayari iyon kung makakahanap na siya ng trabaho.

Matapos makapag-impake, lumabas ng kaniyang kuwarto si Vanessa. Nagtungo siya sa palikuran upang kunin ang kaniyang mga toiletries.

“Vanessa… anak…”

Napalingon si Vanessa sa pinagmulan ng tinig. Ang kaniyang Daddy.

“D-Dad,” nasabi ni Vanessa. Biglang nanuyo ang kaniyang lalamunan. Gusto niyang pagalitan ang sarili. Sa buong panahon ng kaniyang paghahanda sa pagbukod, ang alam niya, handa na siyang bumalikwas sa mahigpit na pamamalakad ng kaniyang ama.

“Gusto ko lang sabihin sa iyo anak na proud na proud ako sa iyo. Pasensya ka na sa akin kung naging mahigpit ako sa iyo. Nadala na kasi ako sa nangyari sa Ate Celine mo, na hinayaan kong gawin ang mga gusto niya. Tingnan mo ang nangyari—hindi siya nakatapos ng pag-aaral. Nag-asawa kaagad. Natakot akong mangyari din sa iyo.”

Hindi nakakibo si Vanessa. Pinakinggan niya ang paliwanag ng ama.

“Pero tatandaan mo anak, mahal na mahal ka namin ng Mommy mo. Pasensya ka na talaga sa akin. Ngayong tapos ka na sa pag-aaral at nasa hustong edad ka na, pinapalaya na kita. Asahan mo na hindi na ako maghihigpit sa iyo. Malaya ka nang gumawa ng mga desisyon sa buhay na sa palagay mo ay makabubuti sa iyo. Pero syempre, narito pa rin kami ng Mommy para gabayan ka.”

Nang marinig ni Vanessa ang mga litanya ng ama, ay napaiyak siya. Hindi niya napigilan ang kaniyang emosyon. Yumakap siya sa kaniyang Daddy. Nakiyakap na rin ang kaniyang Mommy na nakikinig pala sa kanilang pag-uusap.

Matapos marinig ang mga sinabi ng ama, sa isang iglap lamang ay nagbago ang mga plano ni Vanessa, na ilang taon niyang pinaghandaan.

Hindi na muna siya bubukod. Bakit naman siya bubukod? Wala namang nagpapaalis sa kaniya, naisip niya.

Ito na ang panahon upang ipakita ang pasasalamat sa mga magulang, bago pa siya magkaroon ng sariling pamilya, na hindi nagawa ng Ate Celine niya.

Kung tutuusin, nakatulong sa kaniya ang tahimik na pagrerebelde sa ama. Nakaipon siya ng pera. Nakita niya ang halaga nito. Nakapagpokus pa siya sa pag-aaral at nakatapos ng may karangalan.

At ngayon, nauunawaan na niya ang Daddy niya kung bakit ito mahigpit sa kaniya.

Simula noon ay mas naging malapit si Vanessa sa kaniyang Daddy at Mommy. Pangako niya, bago siya magkaroon ng sariling pamilya, gagawin niya ang lahat upang makapagbalik ng pasasalamat sa mga magulang, kahit hindi naman kailangan.

Dahil gusto niya.

Dahil mahal niya sila.

Advertisement