Araw-Araw Naglalako ng Kaniyang Serbisyong Gupit at Ahit ang Matandang Barberong Walang Sariling Puwesto; Isang Araw, Magugulat Siya
“Gupit! Ahit! Gupit kayo diyan! Ahit kayo diyan!”
Mga ganyang pagtatawag ang karaniwang gumigising tuwing umaga sa mga residente ng Barangay Kabutihan. Bukod sa mga naglalako ng pandesal at taho, kilala na nila kung sino ang nag-aalok ng gupit sa buhok at ahit ng balbas o bigote na nag-iikot-ikot sa kanilang lugar.
Si Ka Leoncio.
Matagal nang hanapbuhay ni Ka Leoncio ang paggugupit ng buhok. Dati itong barbero sa isang barberya subalit nagsara ang barberyang pinaglilingkuran nito dahil na rin sa pag-usbong ng mga makabagong salon sa loob ng mall. Hindi nakasabay sa kompetisyon ang naturang barberya. Nawalan ng trabaho si Ka Leoncio.
Gayunman, hindi ito naging hadlang upang hindi maipagpatuloy ni Ka Leoncio ang kaniyang trabaho. Kaysa tumunganga umano sa bahay, minabuti niyang mag-ikot-ikot sa kanilang lugar at i-alok ang kaniyang serbisyo nang nakangiti. Mabuti na lamang at may luma siyang bisikleta kaya hindi na niya kinakailangan pang maglakad.
Sa harapan ng kaniyang bisikleta ay may nakalagay na paskil. Nakalagay ang karatulang ‘Ka Leoncio’s Mobile Barberya’, gayundin ang halaga ng kaniyang serbisyo.
Gupit-100 piso.
Ahit-50 piso.
Araw-araw, matiyaga siyang naglalakad-lakad at kung saan-saan siya nakakarating. Nakasukbit sa kaniyang balikat ang malaking bag habang nagpepedal ng kinalululang bisikleta. Ang bag ay naglalaman ng mga gamit na kailangan niya sa paggugupit.
Iba’t ibang klase at laki ng gunting, iba’t ibang uri ng suklay, mga bimpo, tuwalyang ibinabalot sa katawan ng gugupitan, malaking pulbo, mga pang-ahit na blade, at lumang razor.
May mga sandaling nakakasuwerte siya ngunit madalas, wala siyang kustomer. Ayos lang, aniya. Ganoon naman talaga. Hindi naman sa lahat ng pagkakataon ay may magpapagupit. Ginagawa niya ang paglalako ng kaniyang serbisyo araw-araw, umulan man o umaraw, mula Lunes hanggang Linggo. Halos hindi na siya nagpapahinga.
Kaya naman, hangang-hanga ang mga residente ng Barangay Kabutihan kay Ka Leoncio. Bukod sa ngayon lamang sila nakakita ng barberong nagbabahay-bahay upang ilako ang kaniyang serbisyo, naaantig din sila sa pagiging masipag at matiyaga ni Ka Leoncio.
Isa pa sa nakakaaliw kay Ka Leoncio, kagaya ng ibang mga barbero, marami siyang kuwento na nagpapaalis sa pagkainip ng kaniyang mga ginugupitan.
“Alam mo Ka Leoncio, kung may pera lang ako, ipapagawan kita ng sarili mong barberya eh,” sabi sa kaniya ni Mang Poldo.
Siya ang kauna-unahang kustomer ni Ka Leoncio nang araw na iyon.
“Naku salamat, Poldo! Hindi kita tatanggihan kapag ginawa mo ‘yan para sa akin. Kahit araw-araw pa kitang gupitan!” saad ni Ka Leoncio habang inaahitan na siya ng patilya.
“Ka Leoncio naman, kung araw-araw eh ‘di kalbo na ako niyan!”
At nagkatawanan sila.
“Pero kakaiba nga ang ginagawa mo eh. Mas nakakahikayat. Saan ka nakakita ng isang barbero na nagbibisikleta at nag-aalok ng kaniyang serbisyo? Ikaw lang ang nakakagawa niyan!” papuri ni Mang Poldo.
Napangiti naman si Ka Leoncio.
“Ganoon talaga, Poldo. Kailangan kong kumayod eh, alam mo naman ako lamang mag-isa sa buhay. Wala naman akong ibang alam na gawin kundi ang maging barbero. Ito na ang ipinamana sa akin ng Tatay ko. Pero alam mo, mas mainam pa rin na may puwesto, syempre. Tumatanda na tayo. Minsan, nararamdaman ko na ang hingal sa paglalakad. Pero syempre, kailangan kong magtiis,” paliwanag ni Ka Leoncio.
“Bakit hindi na lang ho kayo magtayo ng barberya sa harapan ng bahay ninyo?”
“Balak ko ‘yan. Pero syempre nag-iipon pa ako para diyan. Hindi rin naman ako marunong sa mga ganyan.”
Napatango-tango naman si Poldo.
“Malay ho ninyo, sa kaarawan ninyo ay may dumating na magandang regalo para sa inyo.”
“Hay naku Poldo. Hindi na ako nagdiriwang ng kaarawan,” nakatawang sabi ni Ka Leoncio habang pinapagpag ang mga nagupit na buhok sa batok ni Poldo.
“Bakit naman po?”
Matagal bago sumagot si Ka Leoncio.
“Sa araw kasi ng kaarawan ko, hiniwalayan ako ng aking nobya. Wala raw siyang mahihita sa akin. Isa lamang akong hamak na barbero. Kaya simula noon, hindi na ako nagkainteres na mag-asawa.”
Pagsapit ng kaarawan ni Ka Leoncio, tipikal siyang bumangon upang magbahay-bahay ulit. Ngunit nagulat siya nang makita ang ilan sa kaniyang mga kapitbahay sa labas ng kaniyang bahay. May dala-dala silang mga kagamitan sa konstruksyon ng isang bahay gaya ng kahoy, plywood, martilyo, pako, semento, hollowblocks, at yero.
“Teka, anong meron?” nagtatakang tanong ni Ka Leoncio. Nakita niya si Mang Poldo na kamakailan lamang ay ginupitan niya.
“Ka Leoncio, alam naming kaarawan mo. Mahal na mahal namin kayo. Nakapagbibigay kayo sa amin ng inspirasyon dahil sa ginagawa ninyong paglalako ng inyong serbisyo bilang barbero. Kaya napagkaisahan namin na magbayanihan. Gagawan ka namin ng sariling barberya, bilang regalo namin sa iyong kaarawan,” paliwanag ni Mang Poldo.
Hindi makapaniwala si Ka Leoncio sa naging bayanihan ng kaniyang mga kapitbahay. Sa wakas, mayroon na siyang sariling barberya!
“Maraming salamat sa inyo!” umiiyak sa galak na pasasalamat ni Ka Leoncio sa kaniyang mga mabubuting kapitbahay.
Simula noon ay hindi na kinailangan pang magbisi-bisikleta ni Ka Leoncio upang mag-alok ng gupit dahil kusa nang nagpupunta ang kaniyang mga suki sa kaniyang sariling barberya—na bunga ng bayanihan ng kaniyang mga kapitbahay sa Barangay Kabutihan, na nag-ugat naman sa inspirasyong nakuha nila mula sa kaniyang kasipagan at dedikasyon sa gawaing nasimulan!