Sinaktan ng Babae ang Pusang Paharang-harang sa Kaniyang Daraanan sa Pag-aakalang Alaga Ito ng Pulubi; Magsisisi pala Siya sa Huli
Kalalabas lang ni Danica sa kanilang bagong nilipatang bahay. Kahapon lamang nang sila ay dumating doon. Balak sana niyang maghanap ng mabibilhang tindahan dahil nauuhaw siya at gusto niya ng soft drinks nang hapong ’yon. Kanina pa kasi sila nag-aayos sa loob ng kanilang bagong bahay at talagang napapagod na siya.
Maayos naman ang buhay nina Danica sa lugar kung saan sila dating nakatira. Iyon nga lang, nagsimula ’yong magbago nang bigla na lang siyang masangkot sa iba’t ibang gulo na ang pinagmumulan ay tsismis. Iyon ang dahilan kung bakit napetisyon silang umalis na lamang doon. Napilitan tuloy silang ibenta ang dati nilang bahay na siya naman nilang ipinambili nitong bago.
May ugali kasing hindi maganda si Danica. Bukod sa tsismosa siya ay mapanlait pa. Mahilig din siyang makipagpisikalan kahit pa mas matanda o ’di kaya’y mas bata sa kaniya ang kaniyang kaaway. Talagang iba ang kaniyang ugali na maging ang mga magulang niya ay hindi na kaya pang supilin ’yon.
Napangiwi si Danica nang maraanan ang isang pulubi habang nilalaro ang alaga nitong pusa. Nandiri siya sa hitsura ng parehong nilalang na nasa kaniyang harapan. Wala namang ginagawa ang mga ito sa kaniya, ngunit naisipan niyang simangutan ang mga ito na wala namang pakialam noon sa kaniyang presensiya.
Naglakad na papalayo si Danica. Ngunit hindi inaasahang biglang sumunod sa kaniya ang pusang nilalaro kanina ng pulubi at humarang sa daraanan niya. Agad na nag-init ang kaniyang ulo. Kulang na lamang ay may lumabas na usok mula sa butas ng kaniyang ilong at mga tainga. Pagkatapos n’on ay walang pakundangan niyang pinagsisipa ang kawawang pusa, kahit pa panay na ang ngiyaw nito. Umiiyak ang hayop at ilang beses na nagtangkang tumakas mula sa kaniyang kalupitan ngunit hinuhuli lamang ulit ito ni Danica. Tinangka pa siyang pigilan ng nasabing pulubi, ngunit maging ito ay itinulak niya lang! Bumagsak pa ang pulubi sa lupa na siyang dahilan kaya dumugo ang noo nitong tumama sa sahig ng kalsada.
“Ano’ng ginagawa mo?!”
Isang malakas na hiyaw ang nakapagpahinto kay Danica. Nang lingunin niya ang pinagmulan ng malaki at malagong na tinig na ’yon ay nagulantang siya nang makita ang kapitbahay nilang si Atty. Delgado, habang galit na galit itong nakatingin sa kaniya. Napadako ang tingin nito sa pusang minamaltr*to ni Danica at ganoon na lang ang pagkaripas nito nang takbo upang kargahin ang hayop na ngayon ay pilay na ang isang paa at dumudugo na ang ilong dahil sa mga tama ng sipa mula kay Danica! Dinaluhan din nito ang pulubing kapwa nakatamo rin ng pinsala mula sa kalupitan ng dalaga.
“Bakit mo ginawa ito sa alaga ko at kay Bogart?! Napakawalang puso mo!” hiyaw ng nasabing abogado na agad namang nakapagpalaki ng mga mata ni Danica.
“A-alaga n’yo ang pusang ’yan?” hindi makapaniwalang tanong pa niya. Nang sumagot ito ng “oo” ay natutop na lang ni Danica ang kaniyang bibig at mabilis na humingi ng paumanhin sa abogado.
“Pasensiya na po kayo, attorney! Hindi ko naman alam na sa inyo palang alaga ’yan. Kung alam ko lang, edi sana—”
“Hindi mo p’wedeng maikatuwiran sa akin ’yan! Hindi mo ba alam na kayang-kaya kitang ipadampot ngayon mismo sa ginawa mo sa dalawang ito? Wala kang karapatang saktan sila!” ngunit pahiyaw na putol nito sa sana’y sasabihin niya.
“E, nakaharang po kasi sa daan ’yong pusa. Muntik pa akong kagatin!” katuwiran naman ni Danica upang makalusot, ngunit mabilis na itinuro ng abogado ang kanilang CCTV na nakatutok mismo sa kinatatayuan niya ngayon.
“Kahit pa nakaharang sa daan ang alaga ko, wala ka pa ring karapatang saktan siya dahil property ko pa rin naman ito! Bakit dito ka dumaan, gayong ang lawak-lawak naman ng kalsada?” mariing tanong pa sa kaniya ng abogado at ngayon ay hindi na nakasagot pa si Danica.
Tinuluyan siyang kasuhan nito. Bukod doon ay pinagbayad pa siya nito ng danyos para sa ginawa niya sa pusa at kay Bogart na siyang pulubing sinaktan niya. Wala siyang nagawa kundi hiramin ang ipon ng kaniyang mga magulang at ibayad sa abogado, na agad namang itinulong ang pera sa pulubing si Bogart.
Isang malaking leksyon ang natutunan ni Danica sa nangyari. Doble kayod ang ginagawa niya ngayong pagtatrabaho para lang mabayaran ang pagkakautang niya dahil sa nagawang kasalanan na kailan man ay hinding-hindi na niya balak pang ulitin.