Mangmang ang Tingin ng Lalaking Ito sa Kaniyang Nobya Kaya Naman Iniwan Niya Ito; Mali lamang Pala Siya ng Inaakala Rito

“May balak kang magnegosyo?” Isang nakaiinsultong halakhak ang pinakawalan ni George matapos sabihin sa kaniya ng nobyang si Venus na balak nitong magtayo kahit ng maliit na negosyo mula sa perang nakuha nito sa inalisang kompaniya. Agad namang napakunot ang noo ng dalaga sa inasal niya.

“Bakit, may nakakatawa ba?” may himig ng hinanakit na tanong pa nito.

Doon sumeryoso ang mukha ni George. “Hindi naman sa pinagtatawanan kita, Venus, pero napakadelikado ng iniisip mo! Magnenegosyo ka, gamit ang kakarampot mong pera gayong wala ka namang kaalam-alam sa pagpapatakbo nito? Magsasayang ka lang ng pagod, panahon at pera sa gagawin mo!” tahasan pang aniya sa nobya na agad namang nagngitngit sa sinabi niya.

“Ganiyan talaga kababa ang tingin mo sa akin? Paano mo nasabing wala akong alam sa negosyo? Baka nakakalimutan mong negosyante rin ang mga magulang ko noon!” hiyaw pa nito bilang pangangatuwiran, ngunit muli lamang siyang tinawanan ni George.

“Negosyante?” Humalakhak ito nang pagkalakas. “Anong negosyo ba ang tinutukoy mo? ’Yong puwesto ng mga magulang mo sa palengke, na ngayon ay wala na dahil nalugi?” Binalot ng nakaiinsulto nitong mga pagtawa ang buong silid kung saan sila naroon ngayon. “Huwag ka nang magtangka, Venus. Ang mabuti pa ay pakasalan mo na lang ako at maging mabuti kang asawa sa akin kung gusto mong gumanda ang buhay mo. Hindi ka matalino. Maganda ka lang, kaya gamitin mo ’yan bilang advantage mo sa buhay.”

Sa sinabing iyon ni George ay hindi na nakapagpigil pa si Venus. Ilang saglit lang ay umalingawngaw na sa ere ang malakas na paglapat ng kaniyang palad sa isang pisngi ng lalaki!

“B-bakit mo ako sinampal?!” Mangiyak-ngiyak si George sa sakit na idinulot ng sampal ni Venus sa mukha niya. Pakiramdam niya ay natanggal ang balat niya sa pisngi dahil doon!

“Hindi ako isang manikin, George, na mabibili mo lang para i-display!” galit na sabi pa nito.

Advertisement

“Kung ganoon, edi bahala ka sa buhay mo! Magpakalugi ka sa negosyong gusto mong simulan at sinisigurado ko sa ’yong pagtatawanan kita kapag nangyari ’yon! Simula ngayon ay isa ka na lang sa mga babaeng pinagsawaan ko na kahit kailan ay hinding-hindi na ulit matitikman ang magandang buhay na kaya kong ibigay sa inyo!” galit namang sagot ni George kay Venus na hindi naman nagdalawang isip na iwan siya.

Walang pagtutol sa mukha ni Venus sa naging pakikipaghiwalay sa kaniya ni George. Ang totoo ay naunahan lang siya ng binatang gawin ’yon. Para sa kaniya ay hindi niya kailangan ng isang lalaki sa buhay niya para lang siya ay umasenso. Kaya simula noon ay talagang nagsumikap siya at itinuloy ang kaniyang planong pagnenegosyo.

Nag-umpisa bilang online seller si Venus. Kung anu-ano ang kaniyang mga itinitinda na mabilis namang pumatok, lalo na nang unti-unti ring makilala ng mga tao ang iba’t ibang online shopping platform dahil sa pagputok ng pand*mya. Dahil doon ay unti-unti ring umangat ang kaniyang negosyo hanggang sa makapagpundar na siya ng maliit na bodega para sa kaniyang mga paninda.

Ang maliit na bodegang ’yon ay nasundan pa ng pagpapagawa niya naman ng shop, na sa paglipas pa ng mga araw ay unti-unti ring lumaki at lumago sa pangangalaga ni Venus! Hanggang sa maging ang kaniyang bahay ay napaayos niya na. Nakabili na rin siya ng magagarang gamit, luho at nadagdagan pa ang kaniyang negosyo. Ngayon ay kinikilala na si Venus bilang isa sa pinakamagagaling at pinakamayamang negosyante sa kanilang lugar sa mabilis lamang na panahon!

Naungusan niya na ang negosyo ng dating nobyong si George na ngayon ay namomroblema naman sa sarili nitong negosyo dahil unti-unti na ’yong bumabagsak. Wala itong kaalam-alam na ang babaeng noon ay itinuring niyang mangmang sa nasabing industriya ay mas malaki na kumpara sa kaniya. Narito na ang lahat at ni wala man lang sinabi ang kakayanan ni George kumapara sa dalaga. Dahil doon ay nawalan na rin siya ng mga babae sa paligid niya habang si Venus naman ay pinipilahan na ngayon ng manliligaw.

Isang araw ay hindi sinasadyang nagkasalubong ang dalawa sa tapat ng coffee shop kung saan sila naghiwalay noon. Baliktad na ngayon ang kanilang sitwasyon. Halos walang maiharap na mukha si George sa kaniyang dating nobya kaya naman pinili na lamang niyang yumukod at huwag itong pansinin. Ganoon din ang ginawa ni Venus, ngunit ang pinagkaiba’y nakataas na ngayon ang kaniyang noo. Puno ng kumpiyansang mali ang inaakala nito.