Inday TrendingInday Trending
Nakikigamit ng Palikuran sa mga Kapitbahay ang Pamilyang Ito Dahil Barado na ang Poso Negro Nila; Katakot-takot na Panlalait ang Natanggap Nila

Nakikigamit ng Palikuran sa mga Kapitbahay ang Pamilyang Ito Dahil Barado na ang Poso Negro Nila; Katakot-takot na Panlalait ang Natanggap Nila

Bukod sa giray-giray na bahay, isa pa sa pang-araw-araw na suliranin ng mag-anak na Parungao ang kanilang palikuran. Barado na kasi ang kanilang poso negro kaya hindi basta-basta makakadumi dahil tiyak na lulutang ito.

“N-Nay,” naiiyak na sabi ng bunsong si Jep-Jep. “Duming-dumi na po ako.”

“G-Ganoon ba, anak? Ganito ang gawin mo, makiusap ka muna kina Aling Talen na makikibanyo ka muna,” natatarantang sabi ng inang si Aling Lourdes na hindi magkandaugaga sa kaniyang labahan.

“Tonying, samahan mo nga muna ang kapatid mo.”

Si Tonying na siyang panganay, ay kanina pa rin nadudumi subalit tinitiis lamang niya dahil nahihiya siyang makikapitbahay para sa pagdumi.

“Tara, hindi ko na rin matiis,” aya ni Tonying sa kapatid.

Nilakasan na lamang ni Tonying ang kaniyang loob at tiniis ang labis na hiya. bantulot silang lumapit kay Aling Talen na noon ay abala sa pag-aayos ng kaniyang mga halaman sa bakuran.

Sinabi ni Tonying ang kanilang pakay.

Sa malakas na tinig na naririnig ng kanilang mga kapitbahay, hindi pumayag si Aling Talen at sinungitan pa sila.

“Ano ba naman ‘yan? Hindi pampublikong palikuran ang palikuran namin ha? Noong isang araw, ang nanay mo ang nakidumi sa amin. Tapos ngayon, kayong dalawa na? Sabihin ninyo sa Tatay ninyo, maghukay ng lupa sa likod-bahay ninyo. Doon kayo magkalat!”

Pakiramdam ni Tonying ay nais niyang lumubog sa kaniyang kinatatayuan dahil sa labis na pagkapahiya.

“S-Sige po, maraming salamat po, Aling Talen,” nasabi na lamang ni Tonying.

Sinubukan naman nilang lumapit sa isa pa nilang kapitbahay na sina Aling Milagring.

“Naku pasensya ka na Tonying, hindi kasi pumapayag ang asawa ko na may ibang gumagamit ng palikuran namin. Noong isang araw, ang tatay mo ay nakidumi sa amin. Eh… medyo nag-iwan ng mabahong amoy, saka hindi siya masyadong nagbuhos. Kaya ayaw na ng asawa ko na magpapagamit ng palikuran.”

Hindi na napigilan ni Jep-Jep na mailabas ang masamang amoy mula sa kaniyang tiyan. Nagtakip ng ilong si Aling Milagring. Narinig naman ito ng mga anak ng ginang kaya tinukso nila ang kaawa-awang bata.

“Ah, umutot! Ah, umutot! Baho! Baho!”

Bumalik na lamang ang magkapatid sa kanilang bahay. Naghagilap si Tonying ng dalawang plastik.

“Jep-Jep, sige na, mauna ka na. Magpunta ka na lamang sa loob ng palikuran at dito ka na lang dumumi sa plastik,” at iniabot ni Tonying sa kaniyang kapatid ang malaking plastik. “Ako nang bahalang magtapon niyan mamayang gabi.”

Pagkatapos maglabas ng sama ng loob si Jep-Jep, nakahinga na ito nang maluwag. Sumunod naman si Tonying. Ipinuwesto niya ang puw*tan sa malaking plastik. Habang umiire at inilalabas ang sama ng loob sa tiyan, lumalabas din ang sama ng loob niya mula sa kaniyang puso. Hindi niya mapigilang mapaiyak.

Hindi niya napigilang pagmasdan ang hitsura ng kanilang banyo. Walang bubong. Pader na hollowblocks na nilulumot na sa katagalan. Sako lamang ang harang. May mga bulating-lupa sa sahig na mamasa-masa. Ang kanilang inidoro ay may takip. Nagsampid ang mga langaw sa ibabaw.

Napakapangit ng bahay nila. Napakahirap ng buhay nila.

Ipinangako ni Tonying sa kaniyang sarili na balang-araw, kapag nakatapos na siya ng pag-aaral, kapag may trabaho na siya, titiyakin niyang kapag may sarili na siyang bahay ay pagagawaan niya ito ng magaganda, malalaki, at mababangong palikuran.

Para na niyang nakikini-kinita ang sarili na nakalublob sa tubig ng bath tub na punumpuno ng mga talulot ng rosas, o kaya naman ay naliligo sa ilalim ng malaking shower, na kapag pinihit sa kanan ay iinit, at kapag pinihit sa kaliwa ay lalamig.

Ipinangako ni Tonying sa kaniyang sarili na gagawin niya ang lahat upang makamit ang kaniyang mga pangarap, hindi lamang para sa sarili kundi para sa kaniyang pamilya.

Nang makatapos ng hayskul si Tonying ay hindi siya nag-aksaya ng oras na makapasok sa kolehiyo at isubsob ang oras sa pag-aaral.

Hindi rin siya nangimi na pagsabayin ang pag-aaral sa pagtatrabaho. Mapalad siyang natanggap sa isang scholarship para sa mga mag-aaral ng kursong Industrial Engineering. Naging student assistant din siya sa isang propesor.

Mangiyak-ngiyak ang kaniyang ina nang makatapos na siya at tanggapin ang medalya sa entablado para sa parangal na Cum Laude.

Naging bentahe ito para kay Tonying upang makahanap kaagad ng trabaho.

At dahil Cum Laude siya, kinuha siya ng kaniyang pamantasan bilang college instructor.

Mabilis siyang nakaipon ng pera. Tinipid at dinisiplina niya ang sarili sa paggastos ng kaniyang suweldo.

Makalipas ang dalawang taon, nakabili na siya ng sariling bahay at kotse!

At kung sinuman ang magagawi sa malaking bahay niya, mapapansing pinag-isipan at pinaganda ang mga palikuran; hindi lamang isa kundi tatlong palikuran ang makikita sa loob nito.

Kaya naman napapangiti na lamang si Tonying sa tuwing siya ay nagrerelax sa kaniyang jacuzzi habang sinasariwa ang kanilang nakaraan.

Hindi na sila ngayon nakikiupo sa ibang ‘trono’ kapag dumudumi dahil may sarili na silang ‘kaharian’.

Advertisement