Inday TrendingInday Trending
Naniniwala ang Mayamang Lalaki na Wala Nang Mabuting Tao sa Mundo; Magbago Pa Kaya ang Pananaw Niya Matapos Nakawin ang Kotse Niya?

Naniniwala ang Mayamang Lalaki na Wala Nang Mabuting Tao sa Mundo; Magbago Pa Kaya ang Pananaw Niya Matapos Nakawin ang Kotse Niya?

Naniniwala si G. Lauro Mondragon na wala nang mabuting tao sa mundo.

Ilang beses na kasi siyang napagnakawan ng kaniyang mga kasambahay, naloko sa negosyo ng kaniyang mga itinuring na kaibigan, at siniraan ng kaniyang sariling mga kamag-anak.

Kaya naman, hindi na rin siya nag-asawa. Dahil mayaman siya, katwiran niya, hindi siya pakakasalan ng babaeng makikilala niya dahil mahal siya nito kundi para lamang sa pera. Kaya naman agad na inilayo ni Lauro ang sarili sa mga babaeng nagpapalipad-hangin sa kaniya. Isinarado rin niya ang kaniyang puso sa mga babaeng nagustuhan niya.

Isang araw, patungo sa isang lalawigan si Lauro upang dumalo sa isang seminar. Habang nagmamaneho ay biglang huminto ang kaniyang kotse.

Naalala niya na kakaunti na lamang ang gasolina nito, at nakaligtaan niyang dumaan sa gasolinahan upang lagyan ito.

“Naloko na. Anong gagawin ko ngayon?”

Naisip ni Lauro na wala siyang ibang magagawa kundi iwanan saglit ang kaniyang sasakyan, bumili ng gasolina sa naraanang gasolinahan sa pamamagitan ng paglalakad.

Ganoon na nga ang kaniyang ginawa. Nagdala lamang siya ng saktong pera at iniwanan ang pitaka at bag sa loob ng sasakyan. Naisip niya, wala naman sigurong mangangahas na kunin ito. Nasa kaniya ang susi ng kotse.

Pagbalik niya, ganoon na lamang ang panlalaki ng kaniyang mga mata nang hindi na niya makita sa lugar na kaniyang pinag-iwanan sa kotse ang sasakyan.

Napamura si Lauro.

“Ang tanga-tanga ko! Ang tanga-tanga ko! Bakit ko ba kasi iniwan ang sasakyan! Naroon pa naman ang pitaka at mahahalagang gamit ko,” halos maupos na parang kandila si Lauro.

Wala siyang kapera-pera sa kaniyang bulsa. Naipambili na niya ito ng gasolina. Sa sobrang inis ay inihagis niya ang galon na naglalaman ng likidong kailangan upang maipatakbo ang kotse.

Subalit wala na nga ang kotse niya.

Walang nagawa si Lauro kundi ang maglakad pabalik. Kailangan niyang gumawa ng paraan. Kailangan niyang mai-ulat sa pulisya ang nangyari.

May naraanang karinderya si Lauro. Gutom na gutom na siya. Kinausap niya ang may-ari nito, nakiusap na baka puwede siyang makahingi ng pagkain. Babayaran na lamang niya sa pamamagitan ng pagpapadala.

“Hay naku mister, lumang tugtugin na ‘yan. Hindi ako naniniwala sa’yo. Ganyan ang hokus pokus ng mga mapagsamantala. Sanay na ako sa ganyan. Alis!” taboy sa kaniya ng ale.

Lulugo-lugong umalis na lamang si Lauro. Sa totoo lang, ayaw naman niyang magmakaawa dahil kung tutuusin, mayaman naman siya at puwede niyang bilhin ang lahat ng ulam na paninda sa naturang karinderya.

O kaya naman, bilhin mismo ang karinderya.

Tinangka rin niyang manghingi ng tulong sa mga nakakasalubong subalit kung hindi siya pinapansin ay tinatanggihan siya.

Dala marahil ng mga nangyari sa kaniya, gutom, pagod, at agam-agam, nawalan ng balanse si Lauro sa kalsada. Napaupo siya.

Tamang-tama namang may dumaraang matandang lalaking may hila-hilang kariton. Mukhang namamasura ito. Agad siya nitong dinaluhan at inakay na mas maayos na makaupo sa gilid ng kalsada.

“T-Teka, mister, ayos ka lamang ba? Mukhang gutom na gutom ka na. Sandali lamang,” at may kinuhang lukbutan ang matanda mula sa kaniyang kariton. 20 piso.

“Heto, pasensya ka na ha? Wala na kasi akong ibang pera. Wala rin akong ibang pagkain dito. Iyan lang ang tulong na mai-aabot ko,” paghingi ng paumanhin ng matanda kay Lauro.

“Maraming-maraming salamat po. Hindi po ako makapaniwala na kayo pa ang tutulong sa akin,” sabi naman ni Lauro.

Kinuha niya ang pangalan ng matandang lalaki gayundin ang tirahan nito. Sa pamamagitan ng 20 pesos ay nakabili sila ng tinapay at softdrinks na kanilang pinaghatian. Kahit paano ay naibsan ang kaniyang gutom at uhaw.

“Huwag kayong mag-alala Lolo Juaning, makakabawi rin ako sa inyo,” pangako ni Lauro.

“Naku mister, ang pagtulong po sa kapwa ay walang hinihintay na kapalit. Sana mahuli ang nagnakaw ng kotse mo.”

Sa tulong ng kaniyang malalapit na kasamahan sa trabaho ay nasundo si Lauro at tuluyang nakauwi. Agad naman niyang iniulat sa pulisya ang nangyaring pagnanakaw sa kaniyang kotse. Nangako naman ang mga awtoridad na kikilos upang mahuli ang salarin dito.

Makalipas ang tatlong araw, nagulat si Lolo Juaning nang paggising niya, isang magarang kotse ang tumapat sa kaniyang barong-barong na bahay. Paalis na siya upang mamasura. Akala niya, magtatanong lamang ang may-ari nito sa kaniya. Nagulat siya nang makilala si Lauro, ang kaniyang tinulungan.

“Naibalik na sa iyo ang kotse mo?” tanong ni Lolo Juaning.

“Hindi pa ho eh. May isa pa po akong kotse. Oo nga po pala Lolo Juaning, pagdamutan ninyo ang tulong ko sa inyo.”

At ibinaba ng mga tauhan ni Lauro ang mga sako ng bigas, grocery items, gamot, iba pang pagkain, at inabutan pa ni Lauro ng pera si Lolo Juaning.

“Hindi mo naman kailangang gawin ito, Lauro,” naiiyak na sabi ni Lolo Juaning,” Pero maraming-maraming salamat sa kabutihan mo!”

“Ako po ang dapat magpasalamat sa inyo, Lolo Juaning. Sa simpleng tulong na ibinigay ninyo sa akin, naipanumbalik ang muling pagtitiwala ko, na may natitira pang mga tao na may mabubuting puso, gaya ninyo,” pasasalamat ni Lauro.

Simula noon ay mas naging maayos na ang pamumuhay ni Lolo Juaning dahil ginamit niya ang perang ibinigay sa kaniya ni Lauro upang magsimulang magtinda at magnegosyo. Mas lalo namang umalwan ang pamumuhay ni Lauro at muling nakabili ng bagong kotse.

Advertisement