Ipinahiya ng Dalagita ang Inang OFW sa Social Media Dahil Hindi Maibigay ang Kapritso Niya; Ganoon na Lamang ang Pagsisisi Niya

“Ma, hindi n’yo ko iniintindi eh. Naiintindihan n’yo ba ang sinasabi ko? Palibhasa kasi hindi nakatapos ng hayskul eh kaya mahina ang ulo!” banas na sabi ni Neri sa kaniyang inang si Aling Olivia na isang domestic helper sa bansang Oman.

Magkausap sila sa video call dahil malapit na ang ika-18 kaarawan ni Neri. Sa halip na debut, nais ni Neri na malaking halaga ng pera na lamang ang ipadala sa kaniya ng ina. Sapat na halaga upang mapainom niya ang mga barkada at ‘walwalan’ sa isang pribadong resort sa Batangas.

“Anak naman, saan ko naman kukunin ang hinihiling mo na 30,000 piso? Alam mo namang marami pa akong binabayarang pagkakautang. Hanggang ngayon binabayaran ko pa yung inutang ko para mabilhan ka ng mamahaling cellphone at laptop. Isa pa, nagbabayad pa ako sa utang ko sa mga kaibigan ko na ginamit ko sa pagpoproseso ng mga papeles para makapagtrabaho ako rito sa Oman,” mangiyak-ngiyak na paliwanag ni Aling Olivia.

Sumimangot si Neri.

“Ang sabihin ninyo, napakaramot ninyo! Bakit naman may mga kakilala akong OFW na nakakapagpagawa na ng sariling bahay rito sa atin? Kayo lang yung OFW na kilala ko na parang mas mahirap pa sa daga eh! Nagtatrabaho ba talaga kayo diyan o baka naman nilalandi lang ninyo ang amo ninyo? Kaya siguro kating-kati kayong iwanan kami rito simula nang mawala ang Papa, dahil gusto ninyong humanap ng ibang lalaking kakamot diyan sa kati ninyo!” diretsahan at matalas ang pananalitang sumbat ni Neri sa kaniyang kaawa-awang ina.

Tuluyan nang naglandas ang mga luha sa dalawang pisngi ni Aling Olivia. Kaya niyang tiisin ang hirap na dinaranas sa ibang bansa para sa kaniyang pamilya, subalit hindi niya kayang marinig mula mismo sa anak na niyuyurakan nito ang kaniyang pagkatao. Mukhang kailangan na niyang umuwi ng Pilipinas upang masuweto ang anak. Mukhang kailangan nito ng gabay.

“Huwag mo naman akong pagsalitaan nang ganyan, anak. Galangin mo naman ako bilang nanay mo. Oh kung hanggang ngayon, galit ka pa rin sa akin dahil sa ginawa kong pag-iwan sa inyo, igalang mo na lang ako bilang tao! Huwag mo naman akong pagsalitaan nang ganyan, anak…” umiiyak na pakiusap ni Aling Olivia sa panganay na anak.

“Ang drama mo! Eh kung ibinibigay mo na lang kaagad sa akin ang hiling ko, hindi mo na kailangan pang umiyak-iyak diyan. Ganyan ka naman dati pa eh. Ikaw ang nagpapaawa. Eh ‘di ba, sabi mo, kaya ka mangingibang-bansa para sa amin? Para maibigay ang mga gusto namin nina Kael at Petty? Oh bakit hindi mo maibigay ngayon ang gusto ko? Kung ganyan lang din naman, umuwi ka na rito!” pagpapatuloy pa ni Neri.

Advertisement

Tila mahihimat*y si Aling Olivia sa sama ng loob at sa masasakit na salitang binibitiwan ng kaniyang panganay na anak. Maya-maya, bigla na nitong pinutol ang linya.

Agad na pinahid ni Aling Olivia ang mga luha sa kaniyang mga mata. Tinawag na siya ng amo niyang babae.

Kinabukasan, bago matulog si Aling Olivia ay nagbukas siya ng social media niya upang kausaping muli si Neri.

Subalit nagulat siya sa kaniyang nakita. Nabasa niya ang social media post ni Neri na sinusumbatan at pinapahiya siya sa publiko. Wala raw siyang kuwentang ina.

Marami na itong shares at maraming masasakit na salita ang nasa comment section laban kay Neri.

Maya-maya, tumawag ang kaniyang pinsan na si Aling Ester na siyang pinagbilinan niyang magbantay at mag-alaga sa kaniyang mga anak.

“Hay naku Olivia, pasaway ang anak mong si Neri! Viral siya ngayon at tinutuligsa ng mga basher dahil sa ginawa niyang pamamahiya sa iyo. Akala niya, sa kaniya mapupunta ang simpatya ng mga tao. Kahit mga kapitbahay natin nagagalit sa kaniya at halos ipako siya sa krus. Ayaw niyang lumabas ng bahay at nasa loob lamang ng kuwarto niya,” pagbabalita ni Aling Ester.

“Sabihin mo sa kaniya, burahin na niya ang post niya. Susubukin kong humingi ng bakasyon sa amo ko. Uuwi ako riyan sa Pilipinas sa lalong madaling panahon.”

Advertisement

Katakot-takot na pakiusap ang ginawa ni Aling Olivia para mapagbigyan lamang siyang makauwi sa Pilipinas. Sa huli’y pinayagan naman siya nito.

Hindi na nagpatumpik-tumpik pa si Aling Olivia. Kailangan niyang ayusin ang nangyayari sa kaniyang pamilya.

Pag-uwi sa Pilipinas, agad na yumakap sa kaniya si Neri.

“Mama, patawarin po ninyo ako… napagtanto ko na ngayon ang pagkakamali ko, hindi na po mauulit,” umiiyak na paghingi ng tawad ni Neri sa kaniyang ina.

Gumanti naman ng yakap si Aling Olivia sa kaniyang anak.

“Mahal na mahal kita, anak. Gagawin ko ang lahat upang maibigay ko ang mga pangangailangan ninyo. Pero may hangganan din naman ang lahat.”

Binura ni Neri ang pinutakting social media post niya; sa halip, gumawa siya ng panibago na humihingi naman ng dispensa sa lahat ng mga nasaling at nasaktan sa ginawa niya.

Huli na ang lahat. Nasira na ang pangalan ni Neri, hindi ng kaniyang ina. Subalit hindi pa huli upang makabawi siya sa kaniyang ina. Alam niyang makakalimot din ang mga tao sa isyung ito.

Advertisement

Simula noon ay naging kontento na si Neri sa mga ibinibigay sa kanila ni Aling Olivia. Ipinangako niya sa kaniyang sarili na mas magiging mabuti pa siyang anak sa kaniya.