Inday TrendingInday Trending
Walang Paniniwala ang Isang Nobya sa Nobyo sa Naisip Nitong Negosyo; Bandang Huli ay Yumaman Ito

Walang Paniniwala ang Isang Nobya sa Nobyo sa Naisip Nitong Negosyo; Bandang Huli ay Yumaman Ito

“Patawad, Yumi, pero natanggal ako sa trabaho. Nalulungkot ako sapagkat hindi ko na maibibigay ang tema ng kasal na nais mo. Pero ayos lang naman ‘yon ‘di ba?

Ang mahalaga ay tayong dalawa at mahal natin ang isa’t isa. Itutuloy pa rin natin ang kasal pero simplehan na lang natin,” wika ni Mark sa kaniyang mapapangasawang si Yumi.

“Bakit? Wala ka bang makukuha sa pagkakatanggal sa iyo? Hindi ba ay malaki-laki rin iyon, Mark? Iyon ang gamitin natin sa kasal. Nakakahiya sa mga tao nakapagpamigay na tayo ng imbitasyon,” mariing sambit naman ng kaniyang nobya.

“Alam ko, pero nais ko sanang gamitin ang maiipong pera para sa kinabukasan natin. Hindi ko alam kung makakahanap ako kaagad ng trabaho. Saka sa pagkakatanggal kasi sa akin ay nais ko sanang sumubok muna na magnegoso nang sa gayon ay hindi na ako mangamuhan pa,” saad muli ng binata.

“At ano naman ang naiisip mong negosyo, aber?” wika pa ni Yumi.

“Nais ko sanang ipagpatuloy ang nasirang negosyo ng tatay ko,” sagot naman ni Mark.

“Ang ibig mong sabihin ay nais mong ipagpalit ang pinag-aralan mo at ang posisyon mo para lang magtinda ng pares. Nasisiraan ka na ba ng isip, Mark? Sa tingin mo ba ay mabubuhay tayo ng pagtitinda mo lang ng pares?” napapailing na lamang si Yumi sa tugon ng kaniyang kasintahan.

“Magtiwala ka sa akin. Masarap ang pares ng tatay ko. Naniniwala ako na ito ang magdadala sa atin sa tagumpay!” sambit pa ng binata.

“Bahala ka sa gusto mong gawin, Mark. Pero mas mabuti pa na itigil na lang natin ang kasal kaysa makiusap tayo sa lahat na hindi na matutuloy ang magarbong kasalanan dahil lang walang pera at ang mapapangasawa ko ay nais na magtinda ng pares!” galit na sambit ni Yumi.

Napaisip na lamang si Mark. Mahal niya si Yumi ngunit sa pagkakataong ito ay nagdadalawang isip na siya. Hindi pa man sila kasal ay wala na itong suporta kaagad sa kaniya.

Dahil na rin sa kagustuhan ni Yumi ay hindi na natuloy pa ang pag-iisang dibdib ng magkasintahan. Malungkot man sa pangyayaring ito ay pilit na ibinabangon ni Mark ang sarili dahil alam niyang may mas maganda pang bukas ang naghihintay sa kaniya.

Itinuloy niya ang kaniyang plano. Habang naghahanap siya ng mauupahang pwesto ay nakita niya ang isang babaeng pinapalayas sa inuupahan nitong tindahan.

“Parang-awa niyo naman, Madam Estella. Mahina talaga ang benta ko kasi ngayon. Parang dalawang buwan lang naman akong hindi nakabayad ay papaalisin niyo na ako agad dito. Magbabayad naman ako sa susunod na buwan, pangako!” pagmamakaawa ni Michelle sa may ari ng pwesto.

“Tigilan mo ako, Michelle. Ilang susunod na buwan na ang pangako na iyan ngunit wala pa rin. Kabisado ko na kayo! Pagkatapos ay bigla niyo na lang akong tatakasan! Kukuhain ko ang ilang gamit dito sa karinderya mo, pwede na tong makabawas sa mga utang mo!” sigaw pa ni Estella.

Nakita ni Mark na may potensyal ang nasabing tindahan upang doon niya itayo ang kaniyang pares-an. Kaya agad siyang lumapit dito upang magtanong sa may-ari.

“Magkano po ba ang upa dito?” tanong ni Mark.

“Ginoo, hindi pa kami tapos sa kontrata. Parang-awa mo na ‘wag mo nang dagdagan ang paghihirap ko sa pakikiusap dito kay Madam Estella. Kailangan ko ang negosyo ko dahil ito lamang ang bumubuhay sa tatay ko,” bumubulong na pakiusap ng dalaga.

Nang marinig ito ni Mark ay nagbalik sa kaniyang gunita ang kalagayan noon ng ama na hindi na rin napagbigyan na ituloy pa ang negosyo dahil hindi rin nakakabayad ng upa.

“Nais ko sana kasing maging kasosyo niya,” sabay turo sa dalaga.

“Michelle, ako si Michelle,” muling bulong nto.

“Nais ko sanang maging kasosyo nitong si Michelle. N-naniniwala kasi ako na may potensyal pa ang karinderya niya,” saad pa ni Mark.

“Mababayaran mo ba lahat ng utang sa akin ng babaeng ‘yan? Kung oo ay kayo na ang mag-usap!” sagot pa ng ginang.

Agad na binayaran ni Mark ang kailangang pera para sa upa at mabilis na nakipag-usap kay Michelle sa kung anong dapat gawin sa tindahan.

“Sandali lang. Ako pa rin ang may-ari ng pwestong ito. Babayaran ko sa iyo ang utang ko bigyan mo lang ako ng panahon,” saad ng dalaga.

“Kahit hindi mo na bayaran ang utang po sa akin. Bigyan mo lang ako ng pagkakataon na itinda ko ang pares ng nasira kong ama. Kapag hindi nagtagumpay ay malaya ko nang ibabalik sa iyo ang pwestong ito. Bigyan mo lang ako ng sandaling panahon, Michelle,” pakiusap ni Mark.

“Wala na kasing naniniwala sa akin, Michelle. Tinalikuran ko ang lahat para sa pangarap kong ito. Gusto ko lang mapatunayan sa sarili ko kung tama ba ang aking desisyon,” dagdag pa ng binata.

“Sige, basta sa isang kondisyon. Wala na akong utang sa iyo saka kailangan kong magtrabaho dito para kahit paano naman ay kumita pa rin ako para sa tatay ko,” wika ng dalaga.

“Gagawin kitang kasosyo!” nakangiting sambit ni Mark.

Hindi akalain ng dalawa na sa unang pagtatagpo pa lamang nilang iyon ay makakabuo na agad sila ng ideya para sa itatayo nilang negosyo. Nakakatawa man isipin na wala silang alam sa pagkakakilanlan ng bawat isa at heto sila at nagpaplano na magtayo ng isang kainan.

Sa una ay hindi naging madali ang pag-usbong ng pares-an ni Mark. Sa tuwing nawawalan siya ng lakas ng loob ay mabuti na lamang at nariyan si Michelle upang magpaalala na may naniniwala at nagtitiwala sa kaniya.

Ilang buwan lamang ang nakalipas ay naging tanyag sa lugar ang pares-an ni Mark at Michelle. Nakilala ang sarap ng pares na minana ni Mark mula sa kaniyang ama.

Hindi rin nagtagal ay dumami pa ang kanilang pwesto at naging tanyag na ang nasabing kainan.

“Nagtagumpay ka, Mark. Napakagaling mo!” saad ni Michelle sa kaibigan.

“Hindi ko rin naman magagawa ito kung wala ka. Nakakatuwa na ang unang araw ng pagktatagpo natin ay ang simula ng araw na magbabago ang ating mga buhay!” wika ng binata.

Sa gitna ng kanilang pag-uusap ay bigla na lamang nagbabalik ang dating kasintahan na si Yumi at humihingi ng tawad kay Mark. Nais nitong muli sana silang magbalikan.

Tatalikod na sana si Michelle dahil pribadong pag-uusap ito nang bigla siyang awatin ni Mark.

“Pasensiya ka na, Yumi. Pero nagbago na ang lahat. Sa pang-iiwan mo sa akin ay marami akong napagtantong bagay. At hindi ko akalain na sa pagkakataong nasaktan ako ng sobra dahil sa nawala ka sa buhay ko ay may papalit na mas ipapakita sa akin ang kahalagahan ng pagtitiwala ko sa sarili at sa aking pangarap,” pahayag ng binata.

Ang tinutukoy ng binata ay walang iba kung hindi ang dalagang si Michelle.

“Kasama kita sa hirap hanggang sa napalago natin itong negosyo. Sa lahat ng pinagdaanan natin, Michelle, nais ko na sana ay makasama ka pa ng mas matagal. Hindi lang bilang kasosyo o kaibigan, nais ko ay higit pa roon,” wika ni Mark sa dalaga.

Hindi na nagpakipot pa si Michelle dahil sa hinaba na rin ng kanilang pinagdaanan ay lumalim na talaga ang pagtingin niya sa binata. Sinagot niya ito kaagad ng kaniyang matamis na oo at saka sila nagyakap at pumasok sa bagong restawran na kanilang pinapatayo. Habang naiwan naman si Yumi na nakatingin na lamang sa kanila.

Hindi akalain ni Mark na sa pagtupad niya ng pangarap ay matatagpuan din niya ang babaeng nakatadhana sa kaniya. Araw-araw niyang tatanawin ang araw kung kailangan ang isang estrangherang babae ay bigla na lamang niyang naging kasosyo at ngayon ay makakasama habambuhay.

Advertisement