
Alam ng Babaeng Ito na Mainitin ang Ulo ng Kasambahay Nila Kapag Hindi Niya Ito Napapasahod; Laking Gulat Niya sa Naging Paraan ng Ale
“Tita Anna, pasensiya ka na talaga kasi alam mo naman ang negosyo ngayon ay sobrang bagsak at nahinto na rin ang ibang trabaho ko. Hindi talaga kita mapapasahod ngayong buwan at sa mga susunod pa,” malungkot na paki-usap ni Andrea sa kaniyang kasambahay.
“Hindi ba sabi mo nagbukas na ulit ‘yan? Paano naman ako nito, Andrea, may pamilya rin ako at tatlong buwan mo na akong hindi pinasahod,” inis na sagot ni Aling Anna sa kaniya.
“Pasensya ka na talaga, tita, pero huwag mo naman iwan ang mga anak ko. Walang ibang magbabantay sa mga iyan. Hindi pa rin nagpapadala si Rafael ng pera at mahirap daw ang palitan ng dolyar ngayon sa lebanon. Hindi ba bumabangon pa lang din sila mula sa giyera? Parang awa mo na, tita, kaunting pasensya pa talaga,” paki-usap muli ng babae.
“Ewan ko sa inyo, Andrea!” mataray na sabi ng ale saka natapos ang tawag nila.
Napapikit na lamang sa inis si Andrea at walang magawa kung ‘di paki-usapan ang kasambahay. Simula noong naglock down ay hindi na niya napasahod ang babae at kahit na nagbalik operasyon na ang ibang negosyo ay apektado pa rin ang pinapasukan niya dahil hindi pa rin nagbabalik ang klase.
“Anong sabi ni Tita Anna sa pakiusap natin?” tanong ni Rafael sa kaniya sa telepono.
“Ayon, hindi na ulit tumawag sa akin. Tatlong araw na nga na hindi ko matawagan, naiinis na ako pero ano bang magagawa natin, e lugi nga naman siya. Wala siyang sahod,” sagot ni Andrea rito.
“Pero baka naman mapaano na ‘yung dalawang anak natin. Mahirap pa niyan ay ang lalayo ng kapitbahay natin dun, wala tayong ibang mapagtatanungan tungkol sa mga anak natin,” pag-aalala ng lalaki.
“Hayaan mo, papaki-usapan ko ang iba kong kabarkada na silipin ang mga bata sa susunod na linggo kapag hindi pa rin nagparamdam si Tita Anna. Pero alam ko naman na hindi ganoong tao ‘yun, isa pa mahal na mahal nun ang mga anak natin. Kung may pera lang ako,” naiiyak na sagot ng babae at natapos na ang pag-uusap nila.
Kinaumagahan ay nagparamdam naman kaagad ang kasambahay nito at nakausap niya ang mga bata. Hindi na rin naiinis ang ale at masayang-masaya pa nga ito.
“Nakakapagtaka lang na parang bigla na lang yatang bumait si Tita Anna? Dapat ba akong magtaka, Rafael?” tanong ni Andrea sa mister.
“Malay mo naman ay maganda lang ang gising, huwag ka na masyado mag-alala dahil ang mahalaga ay nakaka-usap na natin ang mga bata,” sagot sa kaniya ng mister.
“Pero ewan ko ba, sana talaga ay ayos lang ang lahat sa atin,” nag-aalangan na sagot ng babae. Hanggang sa nagdaan pa ang mga araw at napapansin niyang maayos kausap ngayon ang kasamabahay nila. May pag-uugali kasi ito na palaging mainit ang ulo at mahirap kausapin sa tuwing magkakaproblema sila sa pera.
Kaya kahit na maayos ang pag-uusap nila ay pinaki-usapan pa rin ni Andrea ang kaniyang kaibigan na silipin ang mga anak para sa kaniya. Hindi pa kasi ganun kadali ang umuwi sa probinsya dahil sa dami pa ng kailangan na gawin at isa pa ay kulang na kulang pa rin ang pera ng babae.
“Dumaan na ako sa bahay niyo kanina, Andrea, mukhang ayos naman ang mga bata pero dapat sinabi mo sa akin na nagbebenta ka na ng mga gamit mo para natulungan din kita,” wika ni Rita, kaibigan ng babae.
“Ha? Anong nagbebenta?” gulat na sagot niya sa kaibigan.
“Kanina kasi nung nagpunta ako roon ay naabutan ko ang isang lalaki na kakakuha lamang ng telebisyon niyo. Sabi ni Tita Anna ay pinagbebenta mo na raw ang mga gamit niyo,” sabi ni Rita sa kaniya.
Hindi na nakapagpaalam pa Andrea sa kaibigan at kaagad na tinapos ang kanilang pag-uusap sa telepono at kaagad na tinawagan ang kasambahay.
“Bakit niyo naman ito ginawa sa akin? Ilang taon naming pinundar ang mga gamit diyan sa bahay tapos ibebenta niyo lang? Huwag naman ganito, Tita Anna,” naiiyak na paki-usap ang babae.
“Aba, ilang buwan niyo akong hindi pinasahod, mabuti nga at hindi ko pa iniiwan itong mga anak mo. Magbebenta pa ako ng ilang gamit para ‘yun na ang pasahod niyo sa akin. Huwag kang umiyak, gamit lang ‘yan, ako inaalagaan ko ang mga anak mo!” sigaw ng ale sa kaniya. Hindi siya makapaniwala sa narinig at hindi na nakapagsalita.
Kaagad na humiram ng pera ang babae umuwi sa kanila.
Doon na niya naabutan na pinababayaan lamang ng ale ang mga anak niya na hindi pa kumakain ng tanghalian kahit na pasado alas dos na.
“Mama, gutom na gutom na gutom na gutom na kami. Si Tita Anna kasi ay palaging saridinas ang pinapakain sa amin. Mama, gusto ko ng fried chicken,” sabi sa kaniya ng bunsong anak at para bang napunit ang kaniyang puso dahil kahit na hindi niya napapasahod ang kasambahay ay hindi naman siya pumapalya sa pagpapapadala sa pangkain ng mga ito.
“Umalis na ho kayo,” nanginginig na sabi ni Andrea sa matanda.
“Aba, bastos ka rin. Kayo na nga itong may utang sa akin ay ganyan ka pa magsalita. Papakainin ko naman ‘yang mga bata, naghahanap lang ako ng pera,” sabi ni Anna sa kaniya.
“Nasan na ang mga pinapadala ko para sa pagkain?” inis na tanong pa rin ni Andrea rito.
“Syempre kinuha ko na, umalis ka na nga. Ako na bahala rito, magpadala na lang kayo ng pera!” singhal nito sa kaniya. Hindi na nakatiis pa si Andrea at tumawag na siya ng barangay upang magpatulong. Pinaalis na niya ang matanda at hindi na siya nagsampa ng kaso ngunit itinaga niya sa bato na babalik sa ale ang lahat ng ginawa nito sa pamilya niya. Karma na lang ngayon at Diyos ang kakampi niya para sa matanda.
Simula noon ay natakot na ang babae na kumuha ng kasambahay at nanatili na lamang sa kanila. Pinasok niya ang paghahanap ng trabaho online at inilalaban kahit na mahirap ang kanilang sitwasyon dahil mas importante pa rin ang mga bata higit sa lahat.