Inday TrendingInday Trending
May Karamdaman ang Lalaki Kaya Pati ang Pangalan ng Sariling Asawa ay Nakakalimutan Niya; Nakalulungkot Pala ang Istorya Nila

May Karamdaman ang Lalaki Kaya Pati ang Pangalan ng Sariling Asawa ay Nakakalimutan Niya; Nakalulungkot Pala ang Istorya Nila

Mahal na mahal ni Jessica ang asawang si Manuel. Maraming taon na silang nagsasama ngunit kahit nagkaroon na ng karamdaman ang lalaki ay hinding-hindi niya ito kayang iwan.

“Hoy sino ka? Anong ginagawa mo sa bahay ko?”

“Ano ka naman, Manuel, ako ang asawa mo, si Jessica! Pati ba naman ako ay hindi mo matandaan?” nag-aalalang tanong niya.

“J-Jessica? Asawa? Anong pinagsasasabi mo, wala akong asawa!” sigaw ng lalaki.

Hindi naiwasang mapaluha ni Jessica sa sinambit ng asawa. Kung dati ay nakakalimutan lang nito ang mga ginagawa at pangalan ng mga bagay-bagay sa kanilang paligid, ngayon pati ang pangalan niya at pagiging mag-asawa nila ay hindi na rin nito maalala. Lumalala na sakit na alzheimer ng lalaki na kung minsan, nagagawa pa siya nitong palayasin sa kanilang bahay.

“Lumayas ka sa bahay ko babae ka! Anong ginagawa mo rito, bakit ka narito sa sarili kong bahay? Magnanakaw ka ‘no? Kung ayaw mong manghiram ng mukha sa aso ay lumayas ka!” singhal ni Manuel.

“Ano ka ba naman, Manuel, bahay ko rin ito. Ako ang asawa mo, bakit mo ako palalayasin?”

“Di ba nga, sabi ko sa iyo wala akong asawa! Ang kulit mo naman, eh! Lalayas ka ba o hindi?” Bigla na lamang kinuha ni Manuel ang gulok at iwinasiwas sa harap ni Jessica.

Napaurong sa takot ang babae.

“M-Manuel huwag naman! S-sige na, aalis na ako bitawan mo lang iyang hawak mo, pakiusap!”

“Umalis ka na sa harap ko kung ayaw mong gamitin ko ito sa iyo!”

Walang nagawa si Jessica kundi ang lumabas sa kanilang bahay na panay ang pagluha.

“Bakit pati ako ay nakalimutan mo na, Manuel? Bakit pati ako?” hagulgol niya.

Dahil walang ibang mapuntahan ay naisip niyang makituloy muna sa bahay ng kaniyang kaibigan na si Maribeth.

“O, Jessica bakit napadalaw ka?”

“Malala na ang sakit ni Manuel, Maribeth. Pati ako ay hindi na rin niya maalala,” iyak niya.

“Sinabi ko na sa iyo dati di ba na hiwalayan mo na ang asawa mong iyan. Hindi ka naman nakikinig sa akin eh. ‘Di ba hindi mo naman siya talaga gusto noon? Napilitan ka lang dahil siya ang gusto ng mga magulang mo na mapangasawa mo? Kung hindi mo na kaya eh, ‘di hiwalayan mo na siya,” payo ng kaibigan.

“Inaamin ko na hindi ko siya gusto noon at ipinagkasundo lang ako sa kaniya nina itay at inay. Wala rin akong pagmamahal sa kaniya dahil iba ang minamahal ko noon, pero ngayong asawa ko na siya ay hinding-hindi ko siya kayang iwan, Maribeth, hinding-hindi!” giit niya.

“Ano? Nasisiraan ka na ba, Jessica? Aminado ka na hindi mo siya mahal pero hindi mo siya kayang iwan?” naguguluhang tanong ng kaibigan.

“Alam kong hindi niya ako makilala dahil sa sakit niya, pero isa lang ang sigurado ko. Mahal na mahal ako ni Manuel,” aniya.

Tinaasan siya ng kilay ni Maribeth. Hindi makapaniwala sa sinambit niya.

“Alam kong ipinagtataka mo kung bakit sa kabila ng lahat ay hindi ko kayang iwan si Manuel. Iyon ay dahil minahal niya ako at tinanggap sa kabila ng aking mga kahinaan at pinagdaanan.”

“A-anong ibig mong sabihin?” nagtatakang tanong ni Maribeth.

“Dalagita pa lang ako ay namulat na ako sa prostit*syon dahil sa aking mga magulang. Sa hirap ng buhay ay pati ako’y ibinenta nila sa iba’t ibang lalaki. Nalaman ng aking nobyo ang aking ginagawa kaya hiniwalayan niya ako at kinamuhian. ‘Di pa roon natapos ang aking kalbaryo dahil ipinagkasundo ako nina itay at inay sa lalaking hindi ko naman mahal dahil sa mapera ang pamilya nito at iyon nga si Manuel. Kahit hindi ko siya gusto ay wala akong nagawa kundi ang magpakasal sa kaniya ngunit dahil hindi ako tanggap ng mga magulang niya ay itinakwil nila si Manuel at hindi pinamanahan. Nang malaman iyon ng aking mga magulang ay hindi na nila ako binawi kay Manuel dahil katwiran nila ay ayaw na nilang magkaroon pa ng obligasyon sa akin, kaya kahit wala na silang mahihita sa aking asawa ay pinabayaan na nila akong kasama ito. Hindi naman ako nagsisi sa ginawang pagpapakasal kay Manuel dahil napakabuti niyang tao. Kahit itinakwil at hindi siya pinamanahan ng mga magulang niya ay hindi niya ako pinabayaan. Minahal niya ako at naging mabuting asawa sa kabila ng mga pinagdaanan ko sa aking mga magulang noon. Ngunit kahit mabait siya ay nagawa ko pa ring pagtaksilan siya, nagkagusto ako sa isang lalaki na nakilala ko sa palengke at nagkaroon kami ng lihim na relasyon. Akala ko’y mahal din niya ako pero may iba pala siyang balak sa akin, plano pala niya akong ibenta sa mga kaibigan niyang adik mabuti na lang at dumating si Manuel at iniligtas ako. Matagal na pala niyang alam ang pagtataksil ko ngunit imbes na magalit ay pinatawad niya pa rin ako. Sinabi ko sa kaniya na hiwalayan na lang ako dahil hindi ako karapat-dapat sa lalaking katulad niya, ang sagot lang niya sa akin, hindi niya kayang iwan ako dahil mahal na mahal niya ako. Nang sabihin niya iyon sa akin ay tila natauhan ako. Sa kabila ng pagkakamali ko ay tanggap pa rin niya ako at patuloy na minamahal kaya ipinangako ko sa sarili ko na kahit kailan ay hindi na ako magkakamali at mamahalin ko na ng buong puso ang lalaking tumanggap sa akin. Ngayon na may kinakaharap siyang karamdaman ay hinding-hindi ko siya kayang iwan at talikuran dahil noong mga panahon na ako ang nasa kadiliman ay hindi niya ako iniwan at pinabayaan. Kahit hindi na niya ako maalala kailanman at kahit ilang beses pa niya ako ipagtabuyan, mananatili ako sa tabi niya dahil alam kong alaala lang niya ang nawala, pero ang pagmamahal sa puso niya ay naroon pa rin,” hayag ni Jessica.

Hindi na napigilan ni Maribeth ang maluha sa kuwento ng kaibigan sabay yakap sa kaniya nang mahigpit.

Muli siyang bumalik sa kailang bahay at nagulat siya dahil nang makita siya ni Manuel ay dali-dali itong tumakbo sa kaniya at niyakap siya nang mahigpit.

“Mahal ko, saan ka ba nagpunta? Kanina pa kita hinahanap eh! Huwag ka na ulit aalis ha?” anito.

“D-dinalaw ko lang ang kaibigan kong si Maribeth. Huwag kang mag-alala, mahal ko, kahit kailan ay hindi kita iiwan dahil mahal na mahal kita!”

Sa mga oras na iyon ay nagbalik na naman ang alaala ng kaniyang asawa. Hindi niya alam kung hanggang kailan siya nito makikilala ngunit kahit paulit-ulit siya nitong hindi matandaan ay mananatili siya sa tabi nito at mamahalin ito habang ito’y nabubuhay.

Advertisement