Inday TrendingInday Trending
Ibinenta ng Ina ang Dalawang Anak; Ito ang Kapalarang Haharapin Nila

Ibinenta ng Ina ang Dalawang Anak; Ito ang Kapalarang Haharapin Nila

Matagal na panahon nang nangyari ngunit sariwa pa rin sa alaala ni Ricky ang nakaraan.

Muling bumalik sa alaala niya na nung ibenta siya ng sariling ina. Hindi niya rin alam kung bakit. Marahil ay nangangailangan ito ng malaking halaga at siya nito kayang alagaan. Marami silang magkakapatid noon, palagay niya ay hindi na sila lahat magkakasya sa bahay lalo’t ang iba niyang nakatatandang kapatid ay mabilis nang lumalaki.

Marami silang magkakapatid at siya ang bunso. Nasa siyam sila o sampu, hindi na niya matandaan, hindi niya sigurado; basta marami.

Bata pa lang siya noon at halos katatapos lang matutong maglakad; ni wala pa nga yata siyang pangalan nang naisip ng kaniyang inang si Aling Berta na ipagbili siya. Hindi naman niya masisi ang ina sa ginawa nito. Malamang ‘yun ang naisip nitong paraan para lahat silang mga anak nito ay mabigyan ng maayos na buhay.

“Kung hindi ako ibinenta noon ni inay, ano kaya ang magiging buhay ko?” tanong ni Ricky sa isip habang naglalakad patungo sa pinagtatrabahuhang opisina sa Makati.

Wala siyang maraming alaala tungkol sa kaniyang pamilya, kung saan siya pinanganak o kahit sa lugar kung saan siya lumaki. Basta isang araw nagising siya na nasa loob ng isang malaking karton na nakalagay sa kariton habang tinutulak ng kaniyang ina.

Sa loob ng karton ay may kasama siyang isang batang babae. Naalala niya na ito ang kapatid niyang si Eloisa. Naalala rin niya na sobrang takot na takot ito na nagawa pang sumiksik sa kaniya, at dahil malamig sa loob ng karton eh hinayaan na lang niya na sumiksik sa kaniya ang takot na takot na kapatid.

“Kuya, saan kaya tayo dadalhin ni nanay?” tanong nito.

“Hindi ko rin alam, eh,” tangi niyang sagot.

Bigla na lang pumasok sa isip niya na tanungin ang ina.

“’Nay, saan po tayo pupunta?”

Hindi sumasagot ang kanilang ina at patuloy lang itong naglalakad habang tinutulak ang kariton.

Maya maya ay hindi niya napigilang makatulog. Sa tagal kasing naglalakad ng kanilang ina ay nakaramdam siya ng antok. Nagising na lamang siya nang marinig na may kausap ang kanilang ina. Hindi niya kilala ang boses ng isang lalaki na habang kausap ang kanilang ina ay hinahaplos pa ang ulo niya. Nakikipagtawaran ang lalaki.

“Tatlong libo na lang kunin ko na itong batang lalaki,” narinig kong sabi niya. Noon naman eh, hindi niya alam na ibinebenta na pala siya ng sariling ina.

“Lugi naman ako sa presyong ‘yan, sir,” sagot ng ina sa lalaki.

“Sige apat na libo. Ito namang batang babae ay kukunin ng kaibigan ko. Malapit na siya rito sa tagpuan natin.”

“Sige, payag na ako.” tugon ng ina.

Mayamaya ay nilapitan kami ni inay at inilabas ako sa karton.

“Magpakabait ka ha. Huwag kang mag-alala mapapabuti ang buhay mo sa kaniya,” sabi ng kaniyang ina sabay haplos sa mukha niya at ‘yun na ang huling mga salitang sinabi nito kay Ricky.

Matapos nun ay tumalikod na si Aling Berta at tinanggap ang perang dala ng lalaki. Kinuha naman siya ng lalaking bumili sa kaniya at inilayo na sa kaniyang ina at kapatid.

Wala siyang nagawa kundi ang umiyak ngunit alam niyang hindi na iyon uubra pa.

Dinala siya ng lalaki sa isang malaking bahay. Ipinakilala siya nito sa isa pang babae.

“Loida, narito na siya. May anak na tayo!” sabi nito.

“Talaga ba? Siya ang magiging anak natin, Jaime? Napaka-guwapong bata!” tugon naman ng tuwang-tuwang babae na asawa pala ng lalaking bumili sa kaniya.

Mula noon ay itinuring siyang tunay na anak ng mag-asawa. Inalagaan, binihisan, pinakain, pinag-aral siya ng mga ito hanggang sa nakapagtapos siya ng pag-aaral sa kolehiyo at naging isang Accountant.

Muling bumalik sa isip ni Ricky ang kasalukuyan. Naisip niya na napakaswerte pala niya dahil kahit ibinenta siya ng sariling ina sa iba ay hindi naman siya pinagkaitan ng mga ito ng pagmamahal ng mga magulang. Ipinagtapat sa kaniya ng mga magulang na nagawa ng mga itong bumili ng bata para magkaroon ng anak. Hindi na kailanman magkakaanak ang babaeng itinuring niyang bagong ina dahil may problema ito sa matres. Kahit hindi siya tunay na anak ng mga kinagisnang magulang ay minahal at tinuring siya nitong tunay na kadugo. Tinatanaw rin niyang malaking utang na loob sa mga ito kung anuman ang narating niya sa buhay. Nabalitaan rin niya na maganda na rin ang buhay ng kapatid niyang si Eloisa na nasa ibang bansa na at isa nang ganap na Doktora. Kaibigan ng kaniyang ama-amahan ang nakabili rito na hindi rin magkaanak. Sa ngayon ay may komunikasyon pa rin silang magkapatid na kapag napag-uusapan nila ang kanilang mga pinagdaanan ay hindi nila maiwasang maiyak at malungkot. Nalaman din nila na matagal nang pumanaw ang kanilang ina sa sakit sa baga. Wala na rin silang balita sa iba pa nilang mga kapatid ngunit hanggang ngayon ay gumagawa pa rin dila ng paraan para mahanap ang mga ito at muli silang magkasama-sama.

Isang araw ay dinalaw ni Ricky ang puntod ng ina.

“Kahit ibinenta niyo kami, inay ay napatawad na kita at napatawad ka na rin ni Eloisa. Oo, inaamin kong nasaktan ako sa ginawa mo sa aming magkakapatid ngunit sa isang banda ay nagpapasalamat pa rin ako sa iyo, inay. dahil kahit ibinenta mo kami ay napunta naman kami sa mabubuting mga kamay,” wika ni Ricky sa isip habang hindi napigilang maluha habang ipinatong sa puntod ang isang pumpon ng bulaklak at nagsindi ng kandila.

Advertisement