Inday TrendingInday Trending
Inalok ng Kasal ng Babae ang Lalaki Para Makuha ang Mana; Hindi Niya Akalaing Mahuhulog Din Pala ang Loob Niya Rito

Inalok ng Kasal ng Babae ang Lalaki Para Makuha ang Mana; Hindi Niya Akalaing Mahuhulog Din Pala ang Loob Niya Rito

Namomroblema si Vann dahil sa naluluging negosyo at tambak na pagkakautang ng kaniyang pamilya. Dahil sa panganay sa magkakapatid ay nasa kaniya ang bigat ng pasanin kaya todo kayod siya sa pinagtatrabahuhang kumpanya.

Maayos naman ang kinikita niya sa kumpanyang pinamamahalaan ng Pamilya ni Aleli, ang kaniyang boss. Bukod sa magandang babae at matalino ay mabait na amo si Aleli.

Isang araw ay kinausap si Vann ng kaniyang boss.

“Hi, Vann please take a seat!” anito.

“Ma’am, pinatawag niyo raw po ako?” tanong ng lalaki.

“Yes, may business proposal kasi ako sa iyo, at gusto kong tanggapin mo.”

“A-ano pong business proposal?” taka niyang sabi.

“Alam kong nangangailangan ka ng malaking halaga para pambayad sa utang ng inyong pamilya dahil sa nalulugi ninyong negosyo, kaya mayroon akong iaalok sa iyo na tulong,” hayag ng babae.

“Eh, ano po ba iyon?”

“Gusto kasi akong ipakasal ng aking mga magulang sa isang lalaki na hindi ko naman mahal. Arranged marriage ika nga pero ayokong gawin. Tinatakot nila ako na hindi raw nila ako pamamanahan kapag hindi raw ako pumayag na magpakasal. Pero kilala mo naman ako, matapang akong tao at nagawa kong suwayin ang mga magulang ko. May kundisyon sila kung hindi ako payag na magpakasal sa nirereto nilang lalaki, kailangan na may maiharap akong lalaki na mapapangasawa ko or else itutuloy nila ang balak nila na hindi ako pamanahan. Kaya naisip kong ikaw ang magpanggap na asawa ko. Gagawin kitang ‘contract husband’,” bunyag ng babae.

“A-ano, ako? B-bakit ako, ma’am?” napapailing na sabi ni Vann.

“Look, magiging mag-asawa lang naman tayo sa papel, eh. Magpapanggap lang tayo sa mga magulang ko. Huwag kang mag-aalala, walang mangyayari sa ating anuman. Ilang taon lang naman ang hihintayin natin at kapag naibigay na sa akin ang mana ay agad-agad rin tayong mahihiwalay. Ano, pumayag ka na, Vann. Alam kong kailangan mo ang pagkakataong ito para sa mga problemang pinansyal mo, huwag mong sayangin. Ako ang magbabayad sa lahat ng utang ng iyong pamilya at bibigyan ko rin kayo ng puhunan para makapagsimulang muli ng bagong negosyo. At isa pa, wala namang magiging problema kung sakali dahil wala ka namang nobya at single ka ngayon ‘di ba?” wika ng amo.

Walang nagawa si Vann kundi ang pumayag sa alok ni Aleli. Tinanggap niya ang proposal nito na maging contact husband para mabayaran na ang malaki nilang pagkakautang sa bangko. Ipinangako niya sa sarili na ginawa lang niya iyon para sa pamilya niya at hindi para sa kung ano pa man.

Ikinasal nga sina Vann at Aleli. Marami ang nagtaas ng kilay at tumuligsa kay Vann sa ginawang pagpapakasal sa kanyang boss lalong-lalo na ang pamilya ng babae. Iniisip ng mga ito na pera lang ang habol niya kaya siya nagpakasal rito ngunit binalewala niya iyon lahat at nagpakatatag na lang sa sitwasyon niya.

Isang araw ay dumalaw ang kaniyang biyenan sa bahay nilang mag-asawa at nilait-lait siya. Hindi kasi siya gusto ng ama ni Aleli para sa anak.

“Hoy, lalaki kung inaakala mo na porket kasal na kayo ng anak ko ay boto ako sa iyo para sa kaniya ay nagkakamali ka. Hindi pa rin kita gusto para kay Aleli at kahit kailan ay hinding-hindi ko magugustuhan ang isang lalaking impostor at manggagamit na gaya mo! Hindi ba, pinakasalan mo lang naman ang anak ko dahil sa pera? Para may pambayad sa pagkakautang ng pamilya ninyo?” bulyaw ng biyenang lalaki.

“Dad, kung wala kayong sasabihing maganda ay maaari na kayong umalis. Wala kasi kayong ginawa kundi sabihan ng kung anu-anong masasakit na salita ang asawa ko,” wika ni Aleli.

“Tama, na Aleli. Hayaaan mo na ang daddy mo,” mahinahong sabi ni Vann.

“Oo aalis ako. Hindi ako makakatagal sa pesteng bahay na ito na pinamumugaran ng matabang linta!” makahulugang sabi ng ama saka tuluyang lumabas ng bahay.

“Dapat kasi hindi mo na pinatulan ang papa mo, eh!” ani Vann.

“Anong gusto mo, hayaan kong bastusin ka niya. Hindi, Vann, hinding-hindi ako makakapayag. Asawa na kita kaya wala siyang karapatan na pagsalitaan ka ng ganoon.”

“Asawa mo lang naman ako sa papel, eh. Palabas lang naman nating ito kaya ayos lang naman sa akin kung ano ang sabihin niya,” aniya.

Hindi na nagsalita pa ang babae at nagmamadali ring umalis. Minsan ay naiisip niya na kung nagkagusto ba sa kaniya si Aleli kahit na kaunti? O may nararamdaman ba itong katitik na pagmamahal sa kaniya? Dahil sa maikling panahon na nakasama niya ang babae ay natutunan na niya itong mahalin ngunit paano kung makuha na nito ang mana sa mga magulang, tiyak na tapos na rin ang kontrata niya at kailangan na nilang maghiwalay.

Nang sumunod na araw, sa opisina ay may mga kakuwentuhan siyang mga babae. Hindi nila napigilang hindi matawa sa pinag-uusapan nila. Hindi iyon nakaligtas sa mga mata ni Aleli at dali-dali siya nitong hinila papasok sa pribado nitong kuwarto.

“Ano bang ginagawa mo, may asawa kang tao. Bakit nakikipagharutan ka pa sa mga malalanding babaeng iyon?” inis na wika ni Aleli.

“Puwede ba, wala naman kaming ginagawang masama, ah. Nagtatawanan lang kami dahil sa nakakatawa naman talaga iyong pinaguusapan namin kanina. Isa pa, wala ka naman dapat ikaselos dahil hindi naman tayo totoong mag-asawa, ‘di ba?” aniya.

“Kahit na! Ayokong nakikita kang nakikihalubilo sa mga babaeng empleyado. Do you understand?”

Hindi makapaniwala si Vann sa inastang iyon ni Aleli. Para itong asong gutom na ayaw maagawan ng buto.

Kinagabihan ay nakita na naman ni Aleli si Vann na may kasamang babae habang palabas ng opisina. Magkausap ang dalawa at tila nag-eenjoy pa ang babae na kausap ang kaniyang asawa.

“At talagang tuwang-tuwa pa ang g*gang ito ang asawa ko,” inis na bulong sa sarili.

Nakasalubong ang kilay na nilapitan niya ang mga ito at inis na hinila ang asawa papunta sa kotse at pinaalis ang kasama nitong babae.

“Bitiwan mo ako nga ako, Aleli, nasasaktan ako!” nagpupumiglas na sabi ng lalaki.

“’Di ba sinabi ko sa iyo na ayokong makikita kang may kausap o kasamang babae? Bakit ang tigas ng ulo mo?”

“Bakit, Aleli, ano bang alam mo sa nararamdaman ko? Puwede ba na magpakatoto ka, wala naman tayong relasyong dalawa at ang pagiging mag-asawa natin ay bunga lang ng pagpapanggap kaya wala kang karapatan na pagbawalan ako kung sino ang sasamahan o kakausapin ko!”

“Mahirap bang intindihin na ayokong nakikita ka na may kasamang babae,” giit ni Aleli.

“Bakit nga, sabihin mo sa akin kung ano ang dahilan.”

“Dahil mahal kita! Mahal na kita, Vann at ayokong mawala ka sa buhay ko!” sigaw ng babae.

Natigilan si Vann sa sinabi ng asawa. ‘Di niya namalayan na tumutulo na pala ang luha nito sa mga mata.

“U-ulitin mo nga ang s-sinabi mo, Aleli,” nauutal niyang sabi.

“Ang sabi ko mahal kita. Mahirap pang intindihin iyon,” hikbi pa rin ng babae.

Hindi napigilan ng lalaki na yakapin nang mahigpit ang asawa.

“Ang akala ko ay hindi ko na maririnig ang mga katagang iyan sa iyo, Aleli. Ang akala ko ay hanggang contract husbandna lang ako at kahit kailan ay hindi mo na ako matututunang mahalin.”

“Matagal na kitang mahal, Vann. Hindi ko lang masabi dati dahil gusto ko kapag sinabi ko na sa iyo ay siguradong-sigurado na ako sa nararamdaman ko.”

“O, Aleli,” tanging nabigkas ni Vann at muling niyakap ang babae na may kasama ng halik sa mga labi nito. Tumugon naman si Aleli sa mainit na halik ng mister. Napagtanto ni Aleli na masarap palang humalik si Vann kaya mas ginanahan pa siya sa paghalik rito at ganoon din naman ang ginawa sa kaniya ng asawa.

Nang bigla siyang binuhat ni Vann at isinakay sa kotse.

“Uwi na tayo, mahal?” may paglalambing na sabi ni Vann.

“Yes, babe. Hindi pa tayo nagha-honeymoon ‘di ba? Kaya tara na, excited na ako sa iyo, hmmm…” bulong ng babae habang masuyo siyang hinahalikan sa leeg ng asawa at pinaandar na ang sasakyan.

Nagpakasal ulit ang dalawa at sa ikalawang pagkakataon ay sa simbahan na ang tuloy nila. Natanggap na rin ng mga magulang ni Aleli si Vann bilang manugang dahil nakita nang mga ito kung gaano ang pagmamahal ni Vann ang kanilang anak. Biniyayaan sila ng tatlong anak at namuhay na masaya sa piling ng isa’t isa.

Advertisement