
Pera ang Magbabalik ng Respeto ng Misis Niya Kaya Magnanakaw na Lang ang Lalaking Ito, Magugulat Siya sa Pagkatao ng Matandang Bibiktimahin Niya
“Hindi mo ba nakikita, Christoper? Baon na tayo sa utang! Ang dami kong iniisip at pwede ba! Kung wala ka namang dalang pera ay huwag ka na lang kayang umuwi rito? Sumasakit lang ang ulo ko sa’yo,” wika ni Neri, asawa ng lalaki.
“Asawa mo pa rin ako, Neri, ano ba ‘yung tumabi man lang ako sa’yo sa pagtulog?” baling ng lalaki.
“Ay oo naman, asawa pa rin talaga kita dahil ako pa rin ang nagbabayad sa mga utang na ngayon ay kulang na lang lamunin tayo ng buhay. Matulog ka riyan pero utang na loob lang, huwag mo na akong istorbohin at kailangan ko ng pahinga dahil magbabanat pa ako ng buto mamayang gabi!” singhal sa kaniya ng misis na isang call center agent
Hindi na tumabi pa si Christoper at lumabas na lang ito saka nagsindi ng sigarilyo.
Sunod-sunod ang sakuna sa buhay nilang mag-asawa ngayon. Nagsara at nalugi ang hardware na negosyong ipinaman pa sa kaniya ng ama. Nagkapatong-patong ang utang niya sa kagustuhang maisalba pa ito nang hindi namamalayan na lubog na lubog na sila sa utang. Hanggang sa nagsunod-sunod ang mga gastusin na hindi mabayaran ang init ng mga ulo na hindi na mapag-usapan. Nariyang umalis na rin ang kanilang anak sa kanilang bahay upang manirahan sa dorm nang makapag-aral ito ng maayos. Hanggang sa pati ang asawa niya ay wala na ring gana sa kaniya.
“Wala na akong ibang maisip pang paraan, kaya magnanakaw na lang ako,” sabi niya sa sarili habang malalim na hinihithit ang sigarilyo.
Plinano niya ang mga susunod na gagawin, nagmanman siya ng mga taong pumapasok sa bangko at nang makakita ng matandang lalaki ay kaagad niyang napagdesisyunan na ito na ang bibiktimahin niya.
“Huwag kang gagalaw, holdap ‘to,” yakap niya sa matanda na naramdaman niya kaagad ang panginginig ng katawan ng lalaki.
“Hijo, huwag mo naman gawin sa akin ito, matanda na ako para nakawan mo pa,” pagmamakaawa ng matanda na patuloy pa rin sa paglalakad nila. Hanggang sa nakakita si Christoper ng bakanteng upuan sa katabi ng basuran. Inupo niya kaagad ang matanda habang nakatutok pa rin sa likuran nito ang maliit niyang patalim.
“Para mabilis na lang tayo, ibigay mo na sa akin lahat ng pera mo!” mahina ngunit matapang na sabi ng lalaki.
“Limang libo lang itong pera ko,” sabi ng matanda sa kaniya.
“Pwede na ‘yan, kahit naman hindi ko na itutok sa’yo itong patalim na ito ay alam mo naman sigurong kayang-kaya kitang habulin at tadtarin ‘di ba? Kaya ibigay mo na sa akin ‘yan,” sabi muli ng lalaki.
Hindi nagsalita ang matanda at inilabas nito ang kaniyang pitaka, saka napansin ni Christoper na pamilya ang litrato na nasa matanda.
“Tatay Ben, ikaw ba iyan?” biglang tanong ng lalaki rito at mabilis na lumuhod para tignan ang matandang binibiktima niya.
“Tatay Ben, ako ho ito, si Toper, anak ni Tonyo ‘yung dati niyong amo sa hardware shop sa odeon,” pagpapaalala pang muli ng lalaki at kaagad siyang tinitigan ng matanda.
“Toper, ikaw na ba ‘yan?” Anong nangyari sa’yo, bakit ganiyan ang itsura mo at bakit ito ang pinapasok mong trabaho?” tanong sa kaniya ni Tatay Ben.
Umupong saglit si Christoper at mabilis na bumagsak ang kaniyang mga luha. Umiyak siya sa balikat ng matanda na parang isang bata na naghahanap ng kaniyang ama.
“Hindi ko napatakbo ng maayos ang negosyo, nahihiya ako sa puntod ni papa at sa buong pamilya ko. Wala na akong mukhang maiharap sa kanila kaya naisipan kong magnakaw na lang para magkaroon man lang ulit ng respeto ang misis ko sa akin. Patawarin mo ako, Tatay Ben!” iyak ng lalaki sa matanda.
“Alam mo lahat tayo ay dumaan sa mga pagsubok pero lagi mo sanang tandaan na hindi kailanman magiging solusyon ang mangbiktima ng ibang tao. Hindi ko alam kung ano ang nangyari sa negosyo niyo na bumuhay sa amin ng buong pamilya ko para magkaganiyan ka. Pero kung tiwala ng ibang tao ang gusto mong makuha lalo na ang sa asawa mo, simulan mo ito sa sarili mo. Itayo mo ang sarili mo, Toper,” wika ni Tatay Ben sa kaniya.
“Napakarami kong utang, Tatay Ben, hindi ko na nga alam anong mukha pa ang ihaharap ko sa kanila. Kulang na lang ay maglaho ako sa mundong ito para matapos na ang lahat,” iyak pang muli ni Toper sa matanda.
“Ang utang, nababayaran ‘yan, habang buhay may pag-asa. Magsimula kang magtrabaho ulit, kahit maliit lang ang sweldo mo ay paglaanan mo sila ng bayad, kahit kaunti at makikita mo na makikita nila ang pagpupursige mo sa pagbabayad at pagbangon. Wala sa laki ng pera ang sukatan sa pagbabayad ng utang kung ‘di sa pagiging tapat mo sa’yong salita na ibabalik mo ang iyong hiniram.”
“Hindi magiging madali, Christoper, pero hindi mo ito matatapos kung hindi mo sisimulan. Umuwi ka sa inyo at ayusin mo ang sarili mo, tingnan mo ang mga bagay na pwedeng ibenta, pwedeng ayusin. Tawagan mo ang mga kaibigan mo para sa trabaho, magpakumbaba ka lang at makikita mong Diyos ang magtataas ng sitwasyon mo,” pahayag ng matanda at niyakap siya ng mahigpit.
Sa mga sandaling iyon ay nawala ang bigat ng pakiramdam ng lalaki at mas pinili niyang umiyak muna sandali. Humingi siya ng paumanhin dito at mabilis na umuwi.
Inayos niya ang sarili at sinunod ang payo ni Tatay Ben, ibinenta niya ang mga gamit, damit, sapatos na may halaga pa at kaagad na ibinayad ng paunti-unti sa mga utang. Pumasok din siyang kahero sa malapit na gasulinahan sa gabi at nagmemekaniko naman sa umaga. Buong akala niya noon ay walang tatangap sa katulad niyang wala namang tinapos at ang tanging alam lamang ay ang mga gamit sa negosyon nila. Pero laking gulat niya na tinulungan siya ng mga naging kliyente na niya noon at nabigyan siya ng ibat ibang pagkakataon para kumita ng pera.
Hanggang sa unti-unti na may lumalapit sa kaniya na hindi na tinatangap ang kaniyang bayad dahil tulong na rin daw ito sa kaniya. Noong una ay nasasaktan siya dahil pakiramdam nya isa siyang pulubi ngunit mas nilawakan niya ang kaniyang pag-iisip tsaka nagpasalamat sa mga taong lumambot ang puso sa kaniyang pagpupursige.
Hanggang sa nakikita niyang ngumingiti na rin ang kaniyang asawa at bumalik nang muli ang kaniyang anak sa kanilang bahay. Makalipas ang apat na taon ay nakapagbayad na sa lahat ng utang ang lalaki at ipinangko sa sarili na hindi na muling babalik pa sa kaniyang pinagdaanan.
Laking pasasalamat niyang nakinig siya kay Tatay Ben at muling nagtiwala sa Panginoong Diyos.