
Kinukuha ng Kani-Kanilang mga Ama ang mga Anak sa Pagkadalaga ng Babae; Sino ang Pipiliin ng mga Bata?
Masinsinang kinausap ni Luisa ang kaniyang dalawang anak: ang kaniyang panganay na si Loisa, 11 taong gulang, at si Aloy na 8 taong gulang. Pawang anak niya sa pagkadalaga. Dalawang beses siyang nagpakatanga sa pag-ibig. Pero kahit na pareho siyang iniwan ng dalawang lalaking minahal niya sa magkakaibang panahon, hindi pa rin siya nagsisisi dahil nagkaroon siya ng dalawang supling; na maituturing niyang dalawang bagay na naging tama sa buhay niya.
“Kinukuha na kayo ng mga Papa ninyo sa akin. Sasama ba kayo sa kanila?”
Nabigla ang dalawang bata sa kanilang mga narinig mula sa kanilang ina. Si Dennis, na ama ni Loisa, ay may ibang pamilya na. Nitong taong iyon, muli itong nakipagkita kay Luisa upang makita at makilala ang kanilang supling. Linggo-linggo, kinukuha ni Dennis si Loisa upang ipasyal, pakainin sa labas, at iba pang mga bagay na hindi nagagawa ni Luisa dahil abala siya sa trabaho.
Si Alfred naman na ama ni Aloy ay may pamilya na rin, bago pa man niya makilala ito, subalit hiwalay na. Lumalabas na kabit si Luisa, kaya nang malaman niya na hindi pa pala annulled ang kasal nito sa dating asawa, siya na mismo ang nakipaghiwalay. Nagbunga ang kanilang relasyon. Isang makulit na Aloy ang maya’t mayang nagtatanong sa kaniya kung kailan siya makakadalaw sa kaniyang Papa; boy bonding daw.
Kamakailan lamang, at sa hindi niya malamang dahilan, nagsabay pa ang dalawang kumag na ipamalita sa kaniya ang intensyon ng mga ito na makuha na ang custody ng mga bata; si Dennis kay Loisa at si Alfred kay Aloy.
“Wala sa akin ang pagpapasya. Tanungin ninyo ang mga anak ninyo. Kung pumayag sila, hindi ako maghahabol,” sagot lamang ni Luisa, kahit na ang totoo, parang tila sinaksak ang puso niya. Oo siya ang ina, subalit sila rin ang ama. Hindi naman mabubuo ang kaniyang Loisa at Aloy kung hindi siya “nakipag-anuhan” sa mga ama ng mga ito. Kung may karapatan siya sa mga bata, may karapatan din naman ang mga ito.
Umiiyak na si Aloy.
“Ipapamigay mo na ba kami ni Ate Loisa sa mga Tatay namin? Hindi mo na ba kami mahal? Nagsasawa ka na ba kapag lagi akong nagpapabili ng ice cream?” inosenteng tanong ni Aloy.
“Nakukunsumi ka na ba sa amin? Narinig ko kahapon kausap mo si Tita Azon sa cellphone. Sabi mo, napapagod ka na sa kalalaba ng mga damit namin kaya gusto mong kumuha ng washing machine, at gagawin mo siyang guarantor. Napapagod ka na ba sa amin ‘Ma?” usisa naman ni Loisa. Lalong pumalahaw ng iyak si Aloy.
Sa totoo lang, hindi niya alam kung paano ipaliliwanag sa mga anak ang kanilang sitwasyon. Pero gagawin pa rin niya. Alam niya, matatalino ang mga anak. Alam ng isang ina ang kapasidad ng utak ng kaniyang mga supling.
“Siyempre ayaw ko. Ako ang nagpalaki sa inyo, mga anak. Pero desisyon ninyo iyan. Kayo ang magpapasya kung sasama kayo sa mga Papa ninyo. Mayayaman sila. Kaya nilang mabili ang mga gusto ninyo. Ikaw Loisa, gusto mong mag-aral sa exclusive school for girls na sinabi mo sa akin, hindi ba? Baka nga sa international school ka pa mapag-aral ni Papa Dennis mo. Ikaw Aloy, kahit ilang ice cream pa ang kainin mo, kayang-kayang bilhin para sa ‘yo ni Papa Alfred,” mahabang paliwanag ni Luisa.
Naramdaman ni Luisa na bumibigat ang kaniyang mga mata, tila nais maglagos ng mga luha, subalit pinigilan niyang mabasag ang kaniyang boses. Huwag sa harapan ng mga bata.
“Tulungan mo naman kami. Sino bang pipiliin namin?” tanong ni Loisa.
“Ako ang Nanay ninyo pero hindi ko puwedeng diktahan ang mga gusto at desisyon ninyo sa buhay. Kung anoman ang magiging desisyon ninyo, igagalang ko ‘yon.”
Hanggang sa dumating na nga ang araw na kailangan nang malaman ang desisyon ng dalawang bata. Inilaan ni Luisa ang isang araw upang harap-harapang marinig nina Dennis at Alfred kung anoman ang magiging desisyon ng mga anak nila. Inanyayahan niya ang dalawa sa kanilang bahay. Habang hinihintay na bumaba mula sa ikalawang palapag ang dalawang bata, lihim na pinagmasdan ni Luisa ang dalawang ungas.
“Pasensiya na po, Papa. Masaya naman po ako sa tuwing magkasama tayo at mabait naman po si Tita Celly. pero hindi po siya ang Mama ko. Si Mama lang po ang gusto kong makasama. Kung iiwan po namin siya ni Aloy, sino na po ang mag-aalaga sa kaniya?”
“Opo, Papa. Kahit na minsan hindi niya ko binibilhan ng ice cream kasi wala raw siyang pera, ayos lang. Basta kasama namin ni Ate si Mama,” segunda naman ni Aloy.
Mangiyak-ngiyak naman si Luisa sa mga sagot ng kaniyang mga anak. Masasabi niyang napalaki niya nang tama ang mga ito.
Wala nang nagawa sina Dennis at Alfred. Ipinaubaya na nila ang mga anak kay Luisa. Nangako na lamang sila na susustentuhan at dadalaw-dalawin ang mga ito. Niyakap ni Luisa ang dalawang kayamanan niya sa buhay, na alam niyang mahal na mahal siya, kung paano rin niya minamahal ang mga ito.

Malungkot ang Matandang Litratista sa Luneta Dahil Wala nang Nagpapakuha ng Larawan sa Kanila; Sunggaban Kaya Niya ang Isang Oportunidad na Dumapo sa Kaniya?
