
Malungkot ang Matandang Litratista sa Luneta Dahil Wala nang Nagpapakuha ng Larawan sa Kanila; Sunggaban Kaya Niya ang Isang Oportunidad na Dumapo sa Kaniya?
“Mam, sir… picture po?”
Tinapunan lamang ng sulyap ng magkasintahan ang lumapit na litratistang si Mang Leopoldo. Magalang namang ngumiti ang babae, pahiwatig na tumatanggi ito. Paano nga naman ba, may smartphone naman sila, at kahit ilang selfie pa ang gawin nila, libreng-libre pa.
Magalang at dahan-dahang lumayo si Mang Leopoldo sa magkasintahang namamasyal sa Luneta. Katulad ng mga tipikal na araw, mahinang-mahina na ang trabaho ng mga litratista sa parke, simula nang mauso ang mga smartphones na may camera na.
Noong nauso ang mga digital camera, hindi naman sila masyadong naapektuhan. Subalit sa pagdaan ng panahon, unti-unti nang nalaos ang mga larawang nakaimprenta at dumadaan sa mas matagal na proseso ng pagdedevelop.
Isa-isa nang nagsialisan ang mga kasamahan niyang litratista sa Luneta; ang iba, tuluyan nang tinalikuran ang pagkuha ng mga larawan, ang iba naman, nalinya na sa ibang trabaho.
Anuman ang mangyari, hinding-hindi tatalikuran ni Mang Leopoldo ang kaniyang hanapbuhay. Masaya siya bilang isang litratista. Ibayong kaligayahan ang nararamdaman niya kapag nakikita niyang nakangiti sa kaniyang lumang camera ang mga kinukuhanan, pagkatapos ay makikita niya ang mga ngiti nito kapag naibigay na niya ang litrato, habang sila ay nasa likod ng bantayog ni Dr. Jose Rizal, o kaya naman kay Lapu-lapu.
Dati, halos magkandarapa at pinipilahan sila ng mga turista makapagpakuha lamang ng larawan sa kanila. Hindi magkamayaw ang mga tao, lalo na kapag may kasamang dayuhan.
“Pare, kumusta? Quota na ba?” biro sa kaniya ng sorbeterong si Mang Joe, na hindi na rin makabenta dahil sa madalang na pagpunta ng mga turista sa Luneta.
“Oo. Quotang-quota na sa kawalan ng pera!” ganting biro ni Mang Leopoldo.
“Kumain ka na lang ng sorbetes ko para naman kahit wala pa akong customer eh baka suwertihin ako kapag nagkawanggawa ako,” sabi ni Mang Joe. Kumuha ito ng tinapay na monay at nag-scoop ng sorbetes na mango at cheese flavor a paborito ni Mang Leopoldo at iniabot dito.
“Salamat, pare. Kuhanan na lang kita ng picture para makaganti ako sa iyo,” sabi ni Mang Leopoldo. Nagpa-cute naman sa harap ng camera si Mang Joe, hindi alintana ang bungal niyang mga ngipin, at ngumiti nang ubod-tamis.
“Paano na ang buhay natin? Parang napag-iwanan na tayo ng panahon. Lipas na tayo,” malungkot na sabi ni Mang Leopoldo.
“Naku pare. Huwag kang mawawalan ng pag-asa. Makakatisod ka rin ng suwerte makita mo,” sabi ni Mang Joe.
“Mas may bibili pa nga ng inilalako mong sorbetes kaysa sa magpakuha ng litrato sa akin,” saad ni Mang Leopoldo.
“Oo nga pala pare, baka ito na ang huling beses na magkikita tayo. Uuwi na ako ng probinsiya namin. Doon na ako, kasama ng panganay ko. Kahit na bumalik ako roon mabubuhay ako. Magtatanim ka lang may makakain ka na. Kaya tamang-tama iyang picture ko sa iyo. Remembrance ko na lang para maalala mo ako,” sabi ni Mang Joe.
Habang naglalakad na pauwi, malungkot si Mang Leopoldo. Aalis na rin ang isa sa mga kaibigan niya sa Luneta na si Mang Joe, na isa sa mga kauna-unahang sorbetero doon. Nakararamdam siya nang kaunting inggit sa kaibigan. Mabuti pa ito may mapupuntahan, samantalang siya, hindi niya alam kung paano bubuhayin ang sarili.
Maya-maya, may tumawag ng kaniyang atensyon.
“Manong… manong… litratista po ba kayo?”
Napalingon si Mang Leopoldo. Isang lalaking mukhang kagalang-galang ang tumawag sa kaniya.
“Opo, sir. Bakit po?”
“Kuhanan naman po ninyo ako,” sabi nito.
Halos hindi naman magkandatuto si Mang Leopoldo sa pag-ayos ng kaniyang camera. Kinuhanan niya ang lalaki sa harap mismo ng bantayog ni Dr. Rizal.
“Sandali lang po sir at i-develop ko po.”
Ilang sandali, muling bumalik si Mang Leopoldo at iniabot ang mga kuhang larawan sa lalaki.
“Ang gaganda ho. Magaling po kayong photographer, ‘Tay,” papuri ng lalaki.
“Salamat ho sir. Mabuti nga at nagpakuha pa kayo sa akin. Kayo po ang buena mano ko. Mahina na po kasi ang negosyo namin dahil sa nagsulputang mga makabagong cellphone,” paliwanag ni Mang Leopoldo.
“Tay, isa ho akong professional photographer, kaya alam ko po kung mahusay ang isang litratista o hindi. Sayang po ang talento ninyo. Gusto po ba ninyo ng trabaho? Nangangailangan ho ako ng mga photographers para sa agency na itatayo ko. Actually kaya ako narito sana para humanap ng mga gaya ninyo.”
At hindi na nga nagpatumpik-tumpik pa si Mang Leopoldo. Nabigyan siya ng pagkakataong maging isang photographer sa kompanyang itinayo ng lalaki, na nagbibigay-serbisyo sa mga kompanya para sa kanilang advertisment, o kaya sa kasal, at iba pang pagtitipon.
Iniwan man ni Mang Leopoldo ang Luneta para sa ibang oportunidad, hinding-hindi niya iiwan ang pagiging isang litratista. Kagaya ng mga larawan, ito ay nakatatak na sa kaniya at sa kaniyang mga alaala.