
Pinagbintangan ang Tunay na Asawa na Ito ang Dahilan Kung Bakit Nalaglag ang Ipinagbubuntis ng Kerida; Nagulat ang Lalaki nang Malaman ang Katotohanan
“Hindi ko maintindihan, Jude, bakit kailangang dito pa mamalagi ang kerida mo? Talaga bang wala ka nang respeto sa akin? Kung hindi mo na ako tinuturing na tao ay bakit ayaw mo pa akong pakawalan?” umiiyak na sambit ni Amy sa kaniyang asawa.
“Hindi ko naman siya talaga pananagutan. Ang kailangan lang natin ay ang bata. Hindi ba, gusto mo na rin naman magkaanak? Ito na ang solusyon!” giit naman ng mister.
“Pero hindi sa ganitong paraan! Bakit kailangan ay sa kaniya ka pa magkaanak? P’wede naman tayong sumubok nang sumubok, Jude. Bakit mo ginagawa sa akin ito?” patuloy sa pagtangis ang ginang.
“Ilang taon na ba tayo sumusubok? Hindi ba ay wala rin? Kaysa mag-ampon tayo, mas mainam nang kadugo ko! Ilang buwan lang naman siya mananatili dito dahil maselan ang kaniyang kalagayan. Tapos noon ay aalis na siya. Kung binibigyan mo ba naman ako ng anak ay hindi na aabot sa ganito!” muling sambit ni Jude sa kaniyang misis.
Natitiklop na si Amy kapag napag-uusapan ang kaniyang kakulangan. Kaya kahit hindi niya masikmura ang pagtataksil na ginagawa sa kaniya ng asawa ay wala siyang magawa. Nais man niyang humiwalay ay wala na rin siyang mapupuntahan pa at saka hindi rin niya kakayanin sapagkat umikot na kay Jude ang kaniyang buhay.
Sa ilang taong pagsubok na magkaanak ay wala ring kinahinatnan. Nawalan na rin ng gana si Jude na sumiping sa kaniyang asawa sapagkat alam niyang walang patutunguhan ito. Hanggang sa nakilala niya si Claire, isang babaeng ka-opisina niya.
Matagal nang naiinggit si Claire sa buhay ni Amy. Bukod kasi sa mataas ang katungkulan nitong si Jude sa kumpanya ay matipuno ito at talagang malambing. Alam ng lahat na malaki ang pagkagusto ni Claire sa kaniyang boss ngunit may asawa na ito.
Kaya inatake nito ang kahinaan ng lalaki — ang pagkakaroon ng isang anak. Tahasan niya itong inakit upang sila ay magkalapit. Hanggang sa isang araw ay may naganap na sa pagitan nila. Alam ni Claire na kung mabubuntis siya ay ito ang magiging alas niya upang makuha si Jude. Ngunit kung si Jude ang tatanungin ay tapat siya sa sinabi niya kay Amy na tanging anak lamang ang nais niya.
“Maselan ang pagbubuntis niya kaya kailangan ay mag-aalaga sa kaniya. Kinuhaan ko na rin siya ng sarili niyang nars para ito ang mag-aalaga kay Claire. Kailangan natin siyang pangalagaan upang maging maayos din ang bata sa kaniyang sinapupunan,” saad ni Jude kay Amy.
“Kung kinuhaan mo na pala ng personal na nars ay h’wag mo na siya ditong patirahin. Bigyan mo naman ng respeto ang bahay na ito at ang ating pagsasama. Mahirap na nga sa akin ang magkaanak ka sa iba. Kaya sana ay h’wag mo namang ipilit ang ganitong sitwasyon, Jude,” giit ng ginang.
“Kailangan kong sumunod kay Claire, Amy. Kung hindi siya dito titira ay baka kung ano ang gawin niya sa bata. Baka mamaya ay kung ano rin ang gawin niya sa kaniyang sarili madamay pa ang anak ko! Intindihin mo naman ako!” sambit muli ng mister.
“Buong pagsasama natin, Jude, ikaw ang iniintindi ko. Ito lang ang hinihiling ko sa’yo na h’wag mo ditong itira ang babaeng iyan,” wika pa ni Amy.
“Tama na, wala na tayong pagtatalunan pa sapagkat buo na ang desisyon ko, Amy. Dito titira si Claire hanggang sa makapanganak siya!” mariing sambit ni Jude.
Samantala, gumagawa naman ng paraan itong si Claire para magalit si Jude sa kaniyang asawa at maisaktuparan niya ang plano na sila na lamang magsama na dalawa kasama ang kanilang anak. Ginagawa nito ang lahat upang patulan siya ni Amy at sumama ang tingin ni Jude sa asawa.
“Nakakaawa ka naman, kinakaya mong tapak-tapakan ka na lamang ng asawa mo ng harap-harapan. Gusto mo ba ay ikwento ko sa iyo kung paano namin ginawa ang batang ito at kung gaanong ang pangalan ko ang binabanggit niya? Bakit hindi mo na lang kasi tanggapin na hindi ka na niya mahal!” pamimikon ni Claire kay Amy.
“Ayaw kitang patulan dahil buntis ka kaya tigilan mo ako!” pagtitimpi ng ginang.
“Maniwala ka sa akin, paglabas nitong bata sa tiyan ko ay tuluyan ka nang maiitsa-pwera. Tingnan ko na lang kung saan ka pulutin,” sambit muli ng kerida.
Gigil na gigil man ay pinigilan pa rin ni Amy ang kaniyang sarili.
Kinahapunan ay bigla na lamang sumama ang pakiramdam ni Claire. Kahit na may sariling nars ay si Amy pa rin ang kaniyang inutusan na kumuha sa kaniya ng inumin. Nang makakuha na ito ay agad itong umalis ng silid ng kerida ng asawa. Ngunit lalo itong nagsisigaw dahil sa sakit ng puson nito.
Agad itong dinala sa ospital. Muntik na daw itong malaglagan ng anak. Nang sabihin niyang ang huling ininum lamang niya ay ang bigay na tubig ni Amy ay agad itong ineksamin at doon nga nakita na mayroon daw itong halong gamot na nakakalaglag ng bata.
“Totoo ba, Amy, ikaw ba ang gumawa nito kay Claire?” tanong ni Jude sa asawa.
“Hindi ko magagawa ang bagay na iyan! Kahit anong galit ko sa inyo ng kerida mo ay hindi ko kayang gawin iyan sa bata lalo pa at anak mo,” paliwanag ni Amy.
Ngunit lalo siyang idinidiin ni Claire. Sinabi pa nitong nagtalo raw sila bandang umaga ng araw na iyon kaya mayroon itong dahilan para gawin ang bagay na ito sa kaniya.
“Ayaw niya ng batang ito at hindi niya tanggap na magkakaanak na kami ng asawa niya kaya siya nagkakaganyan! Binantaan niya ako! Nakita ko kanina may inilagay siyang bote sa bag niya! Baka iyon ‘yun!” sambit ng kerida.
Nang buksan ang bag ay naroon nga ang botelya ng pampalaglag. Gulat na gulat ang ginang nang makita ito.
Ngunit alam ni Amy na wala na siyang kalaban-laban sa mga sinasabi ni Claire kaya hindi na niya ipinagtanggol ang kaniyang sarili. Alam naman din niyang mas paniniwalaan ng asawa ang kerida nito dahil mayroon silang anak.
Ang hindi alam ng dalawa ay may ikinabit na CCTV itong si Jude dahil na rin sa panunulsol nitong si Claire na pinapasakitan daw siya ni Amy tuwing wala ang ginoo at madalas daw ay magbanta ito.
Laking gulat ni Jude nang panoorin niya ang mga kuha ng CCTV. Napailing na lamang siya sa lahat ng kaniyang nasaksihan. Kitang-kita niya kung paano sagarin ng kerida ang pasensiya ng kaniyang asawa at kung gaano nagtitimpi si Amy dito.
Ang pinakamalala ay nang makita niyang si Claire mismo ang naglagay ng pampalaglag sa kaniyang inumin at palihim na inilagay ang bote sa bag ni Amy.
Doon ay natauhan si Jude. Hindi niya lubos maisip kung bakit niya ito nagawa sa kaniyang kaawa-awang asawa. Agad siyang humingi ng paumanhin sa lahat ng kaniyang nagawa. Hindi na rin siya nagpahawak kay Claire sa leeg at inialis na niya ito sa kanilang bahay at binibigyan na lamang ng suporta.
Dahil alam ni Claire na tanging bata na lamang ang tinitignan ni Jude at wala talaga itong pagtingin sa kaniya ay hindi na niya inalagaan ang kaniyang sarili at ang kaniyang pagbubuntis hanggang sa tuluyan ng nawala ang bata sa kaniyang sinapupunan.
“Marahil ay hindi talaga siya karapat-dapat na maging isang ina,” sambit ni Jude.
Mula noon ay hindi na nagloko pa ang ginoo at hindi na rin isinumbat ang pagkukulang ng kaniyang asawa.
Hindi man magkaanak ay nagsama pa rin ang mag-asawa ng buong saya at pagmamahal sa isa’t isa.