Inday TrendingInday Trending
Chinat ng Bunsong Kapatid ang Babae at Pinipilit Siya Nitong Umuwi sa Probinsya; May Malungkot na Pangyayari Pala Siyang Matutuklasan

Chinat ng Bunsong Kapatid ang Babae at Pinipilit Siya Nitong Umuwi sa Probinsya; May Malungkot na Pangyayari Pala Siyang Matutuklasan

Sampung taon nang nagtatrabaho sa Maynila si Jobee. Sa siyudad niya na rin nais na tumira at magkapamilya. Kuntento na siya sa buhay niya roon, bukod sa maganda ang trabaho at malaki ang suweldo ay ayaw na niya talagang bumalik pa sa probinsya nila sa Camiguin.

Matindi kasi ang galit na nararamdaman niya sa kaniyang ina. Labis niya itong kinamumuhian. Bakit ba hindi? Ipinagpalit sila nito sa mayamang lalaki. Sawa na raw kasi sa hirap ang walang kwenta niyang nanay kaya nagawang iwan ang tatay niyang mangingisda lang. Siya lamang at ang kaniyang bunsong kapatid na si Judie ang naging katuwang ng kanilang ama, dose anyos lamang siya noon at ang kapatid naman niya ay onse anyos. ‘Di nagtagal ay pumanaw rin ang kanilang ama sa sakit sa puso.

Ang mas ikinaiinis niya ay ang pagbabalik nito sa probinsya na parang walang nangyari. Humingi lang ito ng tawad ay pinagbigyan naman agad ng kapatid niya. Ang sabi nito ay minaltr*to at iniwan din ito ng sinamahang lalaki tapos ngayon ay magsusumiksik uli ito sa kanila? Ang kapal ng mukha!Ito namang kapatid niya, kay daling nauto, bwisit! Buti na lang at nasa Maynila na siya nang bumalik ito, hindi niya talaga kayang sikmurain na makita ang nanay nila na sisenta’y singko anyos na ngayon.

Gusto niya tuloy sigawan at sabunutan si Judie, kung bakit kay dali nitong nagpatawad. Mahal na mahal niya ang kapatid subalit minsan ay hindi niya maunawaan ang mga desisyon nito. Nakalimutan na ba nito ang mga hirap na dinanas nila noon nang iwan sila ng magaling nilang ina?

Alas diyes ng gabi, habang naka-online siya laptop ay biglang may nag-chat sa kaniya. Nang tingnan niya kung sino ito ay pangalan ni Judie ang nakarehistro. Agad niya itong nireplayan.

“Hello? Judie, o bakit?” tanong niya.

“Kailan ka ba uuwi, ate?” bungad agad nito.

Napakunot ang noo niya. “A-ano?”

“Ang sabi ko, kung kailan ka uuwi rito sa Camiguin?” anito.

“Judie, ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na ayokong umuwi diyan? Alam mo naman ang dahilan ‘di ba? Kung gusto mo’y ako ang dalawin mo rito sa Maynila. Padadalhan kita ng pamasahe,” sagot niya.

“Ate, hindi ko maiiwan ang probinsya, at saka hindi ako sanay sa siyudad. Miss na miss lang talaga kita. Uwi ka na rito, kahit ilang araw lang, pagbigyan mo na ako, para madalaw mo na rin si nanay,” tugon ng kapatid sa chat.

Tinaasan niya ng kilay ang sabi ng kapatid nang banggitin nito ang tungkol sa nanay nila. “Pwede ba, huwag mong mabanggit-banggit ang babaeng ‘yan at kumukulo ang dugo ko,” inis niyang sabi.

“Ate naman, kahit pagbali-baliktarin man ang mundo, nanay pa rin natin siya. Kung si tatay nga nagawa siyang patawarin bago pumanaw eh, at isa pa Diyos nga nakakapagpatawad tayo pa kaya na tao lang. Alisin mo na ang lahat ng galit sa dibdib mo, ate, mas magaan sa pakiramdam. Matanda na si nanay,kaunting panahon na lamang ang ilalagi niya sa mundo, bigyan natin siya ng pagkakataon,” paliwanag nito.

Umiling si Jobee. “Kahit kailan ay hindi ko makakalimutan ang ginawa niyang pag-iwan sa atin noon. Nakalimutan mo na ba na halos mamalimos tayo may makain lang? Kahit mabibigat na trabaho’y ginawa natin may mailaman lang sa ating tiyan mula nang magkasakit noon si tatay at naratay. Muntik na nga tayong hindi makapag-aral mabuti na lang at nakakuha tayo ng scholarship kundi ay pinulot na tayo sa kangkungan, tapos ‘yung babaeng iyon habang naghihirap tayo ay nagpapakasaya sa lalaki niya. Pero totoo pala na may karma, iniwan din siya nung lalaki at ginawang miserable ang buhay niya kaya patas lang,” sagot niya.

“Iyon na nga eh, ‘di ba dapat mas maawa ka sa kaniya dahil ganoon ang naging buhay niya? Pinagsisisihan na ni nanay ang nagawa niya noon sa atin. Patawarin mo na siya, alang-alang sa akin, ate. Ngayon lang ako hihiling sa iyo, sana pagbigyan mo naman ako, ate, please,” pakiusap nito.

Tinablan si Jobee sa sinabi ng kapatid sa chat. Totoo naman, kahit kailan ay hindi ito humingi ng anuman sa kaniya. Mula bata pa sila’y ugali na nito na hindi manghingi, ito pa nga ang mahilig magbigay sa kaniya. Ganoon kabuting tao ang kapatid niya, mapagbigay at marunong makuntento kaya kahit masama sa loob niya ay pagbibigyan niya ito.

“Sige na nga, pero hindi ako magtatagal ha?” tugon niya.

Nag-chat ng smiley na emoticon ang kapatid at…

“Talaga, ate? Naku, salamat ha? Sabi ko na nga ba hindi mo ako matitiis, eh. Tandaan mo, ate, mahal na mahal kita, mahal ko kayo ni nanay, ikaw na ang bahala sa kaniya ha?”

Nireplayan niya ng ‘bahala na’ si Judie pero hindi na ito sumagot sa chat niya. Napabuntung-hininga na lang siya.

“Hayy…ang kapatid ko talaga,” bulong niya sa isip.

Kinaumagahan ay agad siyang gumayak papuntang probinsya. Tamang-tama, kaka-file lang niya ng vacation leave kahapon, dapat sana ay mamamasyal sila ng mag kaibigan niya sa Baguio pero kinansela na niya iyon. Habang nasa biyahe ay hindi niya maiwasang mag-isip, kinakabahan siya. Hindi niya alam kung paano haharapin ang nanay niya pag nagkita na sila. Kung hindi lang dahil sa kapatid niya ay hindi siya uuwi sa Camiguin.

Makalipas ang ilang oras na biyahe ay narating na niya ang lugar kung saan siya isinilang at nagkaisip. Wala pa ring pinagbago, maganda pa rin iyon. Nasa harap na siya ng bahay nila, gaya ng lugar ay wala rin itong pinagbago pero halatang pinaglipasan na rin ng panahon.

“Judie, narito na ako!” sigaw niya sa labas ng bahay. Iniikot niya ang paningin , marahil ay ‘di magkandaugaga ang kapatid sa kakaalaga sa baldado nilang nanay. Oo, baldado na ito, sobra itong pinahirapan ng lalaking sinamahan nito noon, akala ng ginang ay giginhawa ang buhay dahil mapera ang lalaki pero s*dista pala ito kaya ang resulta, na-balda ito at hindi na kailanman makakalakad.

“Judie!” sabi niya ulit pero wala pa ring sumasagot.

Maya maya ay may nagdaang matandang lalaki.

“J-Jobee? Ikaw na ba ‘yan?” tanong nito.

“Manong Iking?” pilit niyang kinilala ang matanda.

“Ako nga, hijo! Naku, kanina ka pa ba nariyan? Walang sasagot sa iyo diyan. Tena, sasamahan kita kung nasaan ang nanay mo,” sabi nito.

Nagtaka siya. Teka, nasaan ang kapatid at ang kaniyang ina? Bakit wala ang mga ito sa bahay?

Dinala siya ng matanda sa isang health care center kung saan doon inaalagaan ang nanay niyang may sakit pala.

Tumambad sa kaniya ang kalagayan ng ina na nakaratay sa higaan, payat na payat ang matandang babae at tabingi na ang bibig. Napag-alaman niya na na-stroke pala ito. Gising ang ginang, nakatulala ito at parang kay lalim ng iniisip. Kitang-kita rin niya na may luha sa mga mata nito.

Biglang napahawak si Jobee sa kaniyang dibdib. Biglang nawala ang lahat ng galit sa puso niya at napalitan iyon ng matinding awa. Hindi niya maipaliwanag ang nararamdaman sa mga oras na iyon.

Muling nagsalita si Manong Iking na malapit nilang kapitbahay.

“Kawawa naman ang nanay mo, mula nang mawala ang kapatid mong si Judie ay nagkaganyan na siya, buti nga at naagapan ng doktor kundi ay na-comatose na siya. Kami na lamang mga kapitbahay ang nagtutulong-tulong na mag-alaga at mag-asikaso sa kaniya habang narito siya sa center,” wika ng matanda na ‘di na rin napigilang maiyak sa kalagayan ng nanay niya.

Napalingon si Jobee. “B-bakit po? Nasaan po ang kapatid ko?”

Rumehistro ang pagkagulat sa mukha ng matanda.”H-hindi mo ba alam ang nangyari?”

Bumilis ang tibok ng puso ni Jobee, umiling siya. “A-ano po ba ang nangyari?”

“Wala na si Judie! Pat*y na ang kapatid mo! Kakalibing lang niya noong nakaraang araw. Kami-kami lang din ang nagtulungan para mabigyan siya ng maayos na libing. Diyos ko, wala bang nakapagsabi sa iyo? Akala ko’y kaya ka umuwi dito ay alam mo na. Hindi kasi namin alam ang numero mo sa Maynila kaya hindi ka namin matawagan. Ang selpon naman ni Judie ay kinuha ng mga walang pusong holdaper na bum*ktima sa kaniya habang naglalakad siya sa may pilapilan. Ayon sa imbestigasyonng mga pulis ay nanlaban ang kapatid mo kaya pinags*saks*k siya ng mga hay*p na iyon. Dinala pa namin siya sa pagamutan pero hindi na rin siya nagtagal at binawian na rin ng buhay,” naluluhang sabi ng matanda.

“Diyos ko!”

Biglang gumuho ang mundo ni Jobee. Laking panlulumo niya nang malamang wala na pala ang kapatid niya. Halu-halong emosyon ang nararamdaman niya, hindi niya alam kung sisigaw siya o hahagulgol. Nang makaalis si Manong Iking ay saka bumuhos ang luha niya. Labis ang paghihinagpis niya sa kaniyang natuklasan.

Makalipas ang ilang sandali, nahimasmasan siya nang napansin niyang nakatitig na sa kaniya ang inang nakaratay.

“A-Anak ko…” malungkot na tawag nito.

Unti-unti siyang lumapit sa higaan ng ina.

“J-Jobee, anak…patawarin mo na ako…pinagsisisihan ko na ang lahat ng nagawa ko noon. Alam mo dinalaw ako ng kapatid mo sa panaginip, malungkot siya, ayaw niya akong iwan,” nakangiwing sabi nito, hirap na hirap sa pagsasalita, umiiyak.

“Nanay,” tangi niyang sabi at niyakap ang ina.

Sa puntong iyon ay wala na ang lahat ng poot sa puso niya. Ibinigay na niya ang pagpapatawad sa nanay niya.

Hindi pa rin siya makapaniwala na multo ng kapatid niya ang nag-chat sa kaniya. Hindi pala matahimik ang kaluluwa nito hangga’t hindi sila nagkakaayos ng nanay niya kaya ito nagparamdam sa kaniya. Hindi niya maipaliwanag, imbes na kilabutan siya sa kakatwang nangyari ay nagpasalamat pa siya kay Judie dahil sa wakas ay nagawa na niyang magpatawad.

Mula noon ay kinalimutan na niya ang masasakit na nangyari sa kanilang pamilya at siya na ang nag-alaga sa nanay niya. Nag-resign na siya sa trabaho sa Maynila at nagtayo na lamang ng negosyo sa probinsya para sa kanilang mag-ina.

Sabay nilang dinalaw ng nanay niya ang puntod ng kapatid at tatay niya. Inalayan nila ng bulaklak, kandila at maikling panalangin ang mga ito. Masakit pa rin sa kaniya ang pagkawala ni Judie pero kailangang tanggapin.

“Judie, bunso. Sana’y masaya ka na kung nasaan ka man ngayon. Huwag ka nang mag-alala, ako na ang bahala kay nanay, hindi ko siya pababayaan. Magpahinga ka na, kapatid ko,” bulong niya.

Maya maya ay nakaramdam siya ng malamig na hangin sa kaniyang pisngi. Masaya na rin ang kapatid niya. Panatag na ito sa kabilang buhay dahil alam nitong maayos na ang lahat.

Advertisement