Inday TrendingInday Trending
May Sinabi ang Binatilyong Estudyante sa Drayber ng Dyip Habang Nakasakay Ito; Nang May Maalala ang Lalaking Drayber Tungkol sa Pasahero ay Kinilabutan Siya

May Sinabi ang Binatilyong Estudyante sa Drayber ng Dyip Habang Nakasakay Ito; Nang May Maalala ang Lalaking Drayber Tungkol sa Pasahero ay Kinilabutan Siya

Maagang gumising si Lito, pagkabangon sa higaan ay nag-init siya ng tubig at nagtimpla ng kape.

Hindi niya na ginising ang asawa niyang si Beth dahil himbing na himbing pa rin ito sa pagtulog. Napuyat na naman sa pag-aalaga sa panganay nilang anak, tatlong linggo palang nang isilang ito ng kaniyang misis. Pagkatapos kumain ng almusal at maligo ay gumayak na siya para sa trabaho. Nagbaon na rin siya ng pagkain dahil siguradong gagabihin siya sa pag-uwi.

Nang makita niyang nagmulat na ng mata si Beth ay nagpaalam na siya rito.

“Sweetheart, alis na ako!” sabi niya saka hinagkan sa noo ang kabiyak.

Ngumiti ang babae at naglambing. “Ingat ka ha?” sagot nito sabay yakap sa kaniya, tila may pag-aalala sa mukha nito.

“Sus ang misis ko, kay aga-aga ha? Mamaya na natin ipagpatuloy ‘yan at kailangan ko nang umalis,” natatawang sabi niya rito. Kinurot naman siya ni Beth sa tagiliran.

“Kasi naman tiyak na madaling araw na naman ang uwi mo. Kinakabahan ako pag ginagabi ka na, eh,” nag-aalalang sabi nito.

“Wala kang dapat na ipag-alala dahil hindi naman ganoon kadilim ang daan kapag gabi na. Marami pa ring mga pasahero kapag ganoong oras. Hindi lang naman ako ang drayber ng dyip na ginaabi sa daan, eh,” aniya.

Hindi pa rin maalis ang pangamba sa mukha ni Beth.

“P-pero, sweetheart…ka-kaya mo na ba?” tanong nito.

Hinawakan ni Lito ang magkabilang pisngi ng babae.

“Beth, mahal ko. Kaya ko na ang sarili ko, kaya ko nang magmaneho. Sige na, aalis na ako. Ikaw na bahala kay baby ha? Tatawagan na lang kita mamaya. I love you, sweetheart ko,” sabi niya saka dinampian ng malambing na halik sa labi ang misis bago lumabas ng bahay.

Pagsakay niya sa dyip ay nakaramdam siya ng kakaiba, hindi niya maipaliwanag ngunit hindi niya iyon pinansin sa halip ay pinaandar na niya ang sasakyan at sinimulan nang magmaneho.

Buong araw ang ginawang pamamasada ni Lito. Kahit pagod ay masaya siya dahil malaki-laki ang kinita niya para sa kaniyang mag-ina.

Alas onse na ng gabi, naisip niyang umuwi na at hindi na bumiyahe dahil wala nang masyadong pasahero, pero sakto namang sumakay ang isang binatilyong nakasuot ng unipormeng pang-eskwela. Sinulyapan lang ito ni Lito sa salamin sa harapan.

“Kuya, sa Cubao lang po,” sabi ng binatilyo tapos ay tumanaw sa labas.

Nakaramdam siya ng awa sa estudyante, tila hinahangos ito kaya imbes na pababain at sabihing lumipat na lang sa ibang dyip ay pinagbigyan niya na ito. Sayang din naman ang ibabayad sa kaniya.

Pinaandar niya ang sasakyan, ang binatilyo na lang ang sakay niya. Wala nang ibang pasahero na sumakay sa dyip niya. Habang nagmamaneho ay hindi siya masyadong mapakali dahil kanina pa nakatitig sa kaniya ang binatilyo. Palipat-lipat ang tingin nito, sa daanan, tapos sa kaniya.

Pilit niyang inaaninag ang mukha ng kaniyang huling pasahero, parang nakita na niya ito noon. Hindi lang niya matandaan kung saan. Maya maya ay lumapit ito sa kinauupuan niya.

“Kuya, bilisan mo ha? Nagmamadali ako, eh, birthday kasi ng tatay ko, sosorpresahin ko siya. Tingnan mo may dala akong regalo sa kaniya,” bulong nito.

“Ganoon ba? Sige, bibilisan ko nang kaunti ang pagmamaneho,” sagot niya.

Nagsalita ulit ang binatilyo.

“Mag-ingat ka ha, kuya? Huwag na sana maulit ‘yung dati,” sabi nito na biglang naging seryoso. Rumehistro sa mukha nito ang lungkot.

Sa narinig ay bigla na lang bumilis ang tibok ng puso ni Lito. ‘Di niya maipaliwanag pero bigla ring nanginig ang mga kamay niyang nakahawak sa manibela. Maya maya ay may naalala siya, tama nakita na niya ang binatilyong ito. Naging pasahero na niya ito dati.

At sa pagbalik ng iba pang alaala sa utak niya ay gumuhit sa mukha niya ang matinding takot.

“Diyos ko, siya ‘yung…” gulat niyang sambit sa sarili.

Nang maalala ang tungkol sa binatilyo ay hindi na niya nagawang lingunin o kausapin ito, pero nararamdaman niyang nakatitig lang ito sa kaniya. Sige ang haplos niya sa rosaryong nakasabit sa unahan at pinipilit niyang tutukan nang maayos ang pagmamaneho kahit kinakabahan.

Ilang minutong tahimik sa loob ng dyip, nanlamig si Lito pero nakahinga na siya nang maluwag nang sa wakas ay marating niya na ang lokasyon na bababaan ng binatilyo.

“H-hijo, makakababa ka na, naihatid na rin kita sa wakas sa iyong pupuntahan,” hindi tumitinging sabi niya.

“Salamat, kuya. Masosorpresa ko na ang tatay ko sa birthday niya,” nakangiting sabi ng binatilyo.

“Hijo, patawarin mo ako. Naaalala ko na ang lahat. Sana ay tuluyan ka nang matahimik, tatlong taon na rin mula nang nangyari ang aksidente. Hindi ko sinasadya, patawad,” sabi niya na ‘di na napigilang maiyak.

Pagkasabi niya noon ay bigla na lamang naglaho ang binatilyo.

Sa pagbalik ng kaniyang alaala ay naging malinaw sa kaniya ang lahat. Iyon ang unang beses na nagmaneho siya ulit ng dyip pagkatapos ng aksidente tatlong taon na ang nakakalipas. Kaya pala ganoon na lamang ang kaba ng misis niya bago siya umalis kanina dahil nag-aalala ito sa kalagayan niya, baka pag biglang bumalik ang alaala niya ay mawala siya sa pokus sa pagmamaneho at maulit ang nangyari noon.

Nagmamaneho siya noon, malakas ang ulan at ihahatid niya sana ang huling pasahero niyang binatilyong estudyante sa Cubao, nang mabangga sila ng rumaragasang trak na nakasalubog nila sa daan. Pilit na iniiwas ni Lito ang dyip pero nahagip pa rin sila. Nagkaroon siya ng bali sa binti at braso, maging ang ulo niya ay nagkaroon ng malubhang sugat, pero naagapan naman dahil naging matagumpay ang operasyon sa kaniya subalit hindi nakaligtas ang binatilyong estudyante sa aksidente at pumanaw ito sa ospital.Hindi na ito nakapunta sa birthday ng tatay nito dahil d*ad on arrival na ito. Pagkatapos ng operasyon sa kaniyang ulo ay nakalimutan niya ang ilan sa mga alaala niya kasama doon ang aksidente. Tatlong taon siyang nagpagaling sa bahay hanggang sa nagdesisyon siyang bumalik sa pamamasada ng dyip at iyon nga, nagawang magparamdam sa kaniya ng kaluluwa ng binatilyo para ipaalala sa kaniya ang nangyari noon. Nagtagumpay naman ito, kaya nga nang maalala ni Lito kung sino ang binatilyong pasahero niya at ang aksidente ay nilakasan niya ang loob at tinapos ang misyong hindi niya nagawa noon – inihatid niya ang estudyante sa pupuntahan nito.

Taimtim siyang nanalangin na sana ay matahimik na ang kaluluwa ng binatilyo. Dalangin din niya na sana ay napatawad na siya nito, hindi niya rin naman kagustuhan ang nangyari.

Mula noon ay hindi na nagpakita pa sa kaniya ang multo ng binatilyong estudyante. Namuhay na ulit siya nang normal kasama ang kaniyang mag-ina. Ipinagpatuloy niya ang pamamasada ng dyip at naging mas maingat na siya sa pagmamaneho upang hindi na maulit ang nangyari noon.

Advertisement