Nagdududa ang Misis na May Kinalolokohang Babae ang Mister Kaya Muntik na rin Siyang Matukso sa Iba; Tama kaya ang Hinala Niya?
Ilang taon na ring nagsasama bilang mag-asawa sina Eunice at Mauro. Mayroon silang dalawang anak na kasalukuyang nag-aaral sa hayskul. Nagtatrabaho sa bahay ang babae na isang virtual assistant at nakadestino naman sa Cebu ang mister na isang branch manager ng malaking kumpanya.
Isang araw, umuwi si Mauro para dalawin ang kaniyang mag-ina. Hindi niya inasahan na muli siyang kakausapin ng kaniyang asawa tungkol sa kaniyang trabaho.
“Hindi naman namin kailangan ang luho sa buhay, Mauro. Ikaw ang higit na kailangan namin…ang presensya mo, ang iyong pagmamahal,” sabi ni Eunice.
“Eunice naman…kaya nga ako nagtitiis ng malayo sa inyo ng ating mga anak ay dahil sa mahal ko kayo,” sagot ng lalaki.
“P-pero, Mauro…”
Hinaplos ng lalaki ang pisngi ng kaniyang misis.
“Akala mo ba’y hindi ako nahihirapan na malayo ako sa inyo? Sa palagay mo ba’y hindi ko hinahanap ang inyong mga paglalambing kapag ako’y nag-iisa? Pero pinagtitiisan kong lahat ng iyon, mabigyan ko lang kayo ng magandang kinabukasan,” saad pa ni Mauro sabay yakap nang mahigpit sa misis.
Hindi nagtagumpay si Eunice na muling pakiusapan ang mister na humanap na lang ng ibang trabaho, na hindi malayo sa kanila. Hindi kasi maiwan ng lalaki ang trabaho nito sa Cebu dahil malaki ang sahod. Doon kasi ito ipinadala ng kumpanyang pinagtatrabahuhan nito. Nahihiya naman ang mister niyang tumanggi dahil malaki ang tiwala rito ng boss. Nanghihinayang ang asawa niya na umalis sa kumpanya dahil mahirap na ulit makahanap ng mapapasukan na ganoon kalaki ang sahod at marami pang benepisyo.
Makalipas ang ilang araw ay bumalik na ulit sa Cebu si Mauro. Samantalang si Eunice ay…
“Mukhang napapadalas ang pagmamahjong, mare, ha?” tanong ng kaibigan niyang si Sarah.
“Naglilibang lang ako, mare. Maloloka lang ako sa bahay sa kaiisip sa asawa ko na hindi ko matiyak kung may iba nang babae sa Cebu,” tugon niya.
“Uyyy, nagseselos ang ale,” kantiyaw ng kaibigan.
Ang isa pa sa dahilan kung bakit gusto na niyang mag-resign ang asawa sa trabaho at humanap ng ibang malilipatan ay dahil nagdududa siya na may iba na itong kinalolokohang babae. Malakas kasi ang kutob niya, madalang na kasing tumawag sa kaniya si Mauro, bihira na rin itong magchat o magtext at kung dati ay isang linggo kung dumalaw ito, ngayon ay dalawa hanggang tatlong araw na lang ang tinatagal nito sa bahay nila at nagmamadali nang umalis para bumalik sa Cebu.
Ang masama, nagdududa na nga siya sa asawa, ginagatungan pa ng sulsol niyang kaibigan.
“Alam mo, posible naman talaga na magkaroon ng ibang babae ang mister mo sa Cebu, hindi malabong mangyari, iyon. Lalaki si Mauro, imposibleng makatagal iyon nang walang pinagpaparausan,” nang-aasar pang sabi ni Sarah.
Nabuwisit na si Eunice sa pinagsasasabi ng babae.
“Ewan ko sa iyo! Ganito na nga ang nararamdaman ko, nang-aasar ka pa!” inis niyang sabi.
Natawa ang babae. “Be honest with yourself, Eunice, alam kong nararamdaman mong may kahati na kayo ng inyong mga anak sa pagmamahal ng iyong asawa,” saad pa nito.
At dahil sa sulsol na iyon ay nagawa ni Eunice na matukso rin sa ibang lalaki, at ito ay sa katauhan ni Gino.
Nakilala niya ang lalaki sa mahjongan, kaibigan ito ng pinsan ni Sarah. Una palang silang nagkita ay na-love at first sight na ito sa kaniya at aminin niya man o sa hindi ay nagustuhan din naman niya ito dahil guwapo at malakas ang dating. Si Gino ay tuksong hindi niya maiwasan dahil ito ang pumupuno sa nangungulila niyang damdamin.
“May pupuntahan ka pa ba pagkatapos mong maglaro ng mahjong?” tanong ng lalaki.
“W-wala, bakit?” aniya.
Niyaya siya nito na kumain sa labas. Hindi naman siya nakatanggi.
“Hindi mo kailangang magtiis, Eunice, kung magagawa ng asawa mo na magmahal ng ibang babae nang lihim sa iyo, magagawa mo rin ang magpakaligaya nang lingid sa kaniyang kaalaman,” bulong sa kaniya ni Gino pagkatapos ay hinawakan nito ang kaniyang hita at tinangkang halikan ang kaniyang mga labi.
Pero ewan ba niya, mas nangibabaw pa rin sa kaniya ang pagiging tapat niya kay Mauro kaya bigla niyang itinulak ang lalaki at sinampal.
“Wala kang karapatang ibaba ang uri ng aking pagkababae! Hindi ako ang klase ng babae na magwawasak sa pangalan ng aking asawa!” sambit niya.
“Huwag ka nang magpakamartir pa, Eunice, hindi ka na mahal ng asawa mo! Kita mo’t ayaw na ngang bumalik dito sa Maynila, mas gusto pa sa malayo. Ang ibig lang sabihin noon ay hindi ka na niya mahal!” giit ng lalaki.
“Maaaring hindi na niya ako mahal, pero ako…mahal ko pa ang aking asawa, at hindi ko magagawa na ibaba ang aking pagkatao, dahil lang sa paghahangad sa kamunduhan. Hindi ko pala siya kayang pagtaksilan, hindi ko kaya! Huwag mo na ulit akong guguluhin, Gino!” tugon niya saka tumalikod at umalis. Buhat noon ay kinalimutan na niya si Gino. Hindi na rin ito nagpakita pa sa kaniya.
Kaya ganoon na lamang ang pakiusap ni Eunice nang makausap niya ang mister nang tumawag ito sa telepono kinagabihan.
“Mauro, pakiusap…bumalik ka na rito, mag-resign ka na sa trabaho mo, may kakilala ang pinsan ko na pwede mong aplayan, malaki rin ang sahod. Please, umuwi ka na!” sabi niya sa nangungulilang tono.
“Ilang beses ko bang sasabihin sa iyo na hindi ko maiiwan ang trabaho ko rito? Malapit na akong ma-promote at kapag nangyari iyon ay mas tataas pa ang sahod ko. Please, magtiiis pa tayo ng kaunti,” sagot ng mister sa kabilang linya.
Pero patuloy ang pagsusumamo sa tinig ni Eunice.
“I’m tired of waiting, Mauro. Natatakot akong baka sa pagbabalik mo, estranghero ka na sa amin ng mga anak mo. At…h-hindi ko na rin maipapangakong magiging matibay ako sa lahat ng naglipanang tukso na…naghihintay lamang na panghinaan ako ng prinsipyo. Mahal na mahal kita, Mauro…pero huwag mo lang sanang kalimutan na tao lang ako,” paliwanag niya bago tuluyang ibinaba ang telepono.
“E-Eunice, asawa ko…” tanging nasabi ni Mauro pagkatapos ng pag-uusap nila.
Sa sinabing iyon ng misis ay biglang nagising sa katotohanan si Mauro kaya nagdesisyon siyang…
“Ano? Magre-resign ka na? Sayang naman, isang buwan na lang at malapit ka nang ma-promote,” sabi ng isa sa mga kasama niya sa opisina.
“Mas kailangan ako ng asawa ko, kaysa sa salaping ipinadadala ko sa kaniya,” tugon niya.
Bumalik na sa Maynila si Mauro, kahit kailan ay hindi na niya iiwan pa ang kaniyang pamilya. Napagtanto niya na mas mahalaga ang asawa niya’t mga anak kaysa sa anupaman. Dahil marami na rin naman siyang naipon ay nagtayo na lang sila ng negosyong mag-asawa. Pinatigil na rin niya sa pagtatrabaho si Eunice at mas tinutukan na lang nila ang pagpalago sa kanilang negosyo. Samantala, napag-alaman naman ni Eunice na kahit kailan ay hindi nagawang magloko ng kaniyang asawa, wala itong ibang babae kaya kay laki ng pagsisisi niya nang paghinalaan ito. Muntik pa siyang matukso sa iba dahil sa kagag*han niya. Ngayon ay panatag na siya dahil alam niyang siya lang ang nag-iisang babaeng minahal ni Mauro at wala nang iba, at ganoon din siya sa kaniyang asawa.
“Salamat, sweetheart! Na-miss kita, sobra!” masayang sabi ni Eunice, sa wakas, sinunod ng mister ang hiling niya.
“Ako rin, sweety, miss na miss din kita. Pangako, hindi na ako aalis, hindi ko na ulit kayo iiwan,” sagot ni Mauro saka masuyong hinalikan sa labi ang asawa.