Para sa Kaniya, Bilang Panganay na Kapatid ay Walang Puwang ang Kapaguran at Kahinaan; Kaduwagan ba ang Maglabas ng Sama ng Loob kung Punumpuno Ka Na?
Mula sa trabaho ay dumeretso si Evie sa Dangwa East Market upang bumili ng isang pumpon ng iba’t ibang kulay ng bulalak, at pagkatapos ay bumili na rin siya ng birthday cake at isang buong lechong manok. Kaarawan kasi ng kaniyang Ate Remi, at gusto niyang maghanda kahit papaano.
Gaya ng kaniyang inaasahan ay nasa bahay na nga ang kaniyang Ate Remi, naglalaba na para bang normal lamang na araw at hindi nito kaarawan. Bilang panganay sa lahat ay mas inuuna sila nito kaysa sa sarili. Mas naghahanda ito para sa kaarawan nila, pero kinakalimutan ang sariling kaarawan.
Mula noong naghiwalay ang mga magulang nila’y ang ate na niya ang naging nanay at tatay nilang apat na magkakapatid. Kinse anyos noon ang kaniyang Ate Remi nang umalis ang kaniyang ina at sumama sa ibang lalaki, na ngayon ay legal na nitong asawa. Upang makaganti ang ama’y naghanap rin ito ng ibang babae at gaya ng ina ay nagpakasal rin ito at gumawa ng sariling pamilya.
Naiwan silang magkakapatid sa ere, kung wala ang Ate Remi, hindi nila alam kung ano ang nangyari sa kanila ngayon. Bente otso anyos na ang kaniyang ate, pero ni minsan hindi ito naghanda sa sarili nitong kaarawan. Pinaglaanan niya talaga ang araw na ito, dahil gusto niyang paluguran ang kapatid at pasalamatan na rin.
“Ate, happy birthday!” masayang bati ni Evie.
Nagulat pa ito at bahagyang nagtaka. Tama nga siya, nakalimutan na nga yata ng kapatid ang sariling kaarawan. Nang tuluyang rumehistro sa isipan ang nangyayari’y masaya itong yumakap sa kaniya at nagpasalamat.
“Salamat, Evie,” mangiyak-ngiyak nitong sambit. “Sa totoo lang ay hindi ko alam na kaarawan ko na pala,” iyak-tawa nitong dugtong.
“Sorry, ate, ito lang talaga ang nakayanan ko,” mangiyak-ngiyak niyang sambit. Masaya naman siya, pero talagang gusto niyang maiyak sa nakitang reaksyon ng kaniyang kapatid. ‘Deserve’ nito ng mas bonggang selebrasyon, ang kaso’y ito lang talaga ang kaya niya.
“Ano ka ba! Ang saya-saya ko nga kasi sa nakalipas na mga taon, ngayon lang ulit ako nag-birthday,” nakangiting wika nito ngunit umiiyak ang mga mata nito.
Niyakap niya nang mahigpit ang kapatid. Alam niyang hindi basta-basta ang pinagdaanan ng kaniyang kapatid. Ginawa nito ang lahat huwag lamang silang maghiwa-hiwalay. Mula nang magkaroon ng sari-sariling pamilya ang mga magulang ay tuluyan na silang inabandona ng mga ito, kaya si Ate Remi ang gumawa ng lahat ng paraan mabuhay lamang sila.
Lahat ng tao, ang tingin sa ate niya’y maldita at matapang. Kung alam lang ng mga ito ang pinagdaanan ng kaniyang kapatid, mapakain lang silang tatlo, at huwag lamang mapasa-pasa sa kung kani-kanino. May mga oras na nakikita niya itong lihim na umiiyak, ngunit hindi nito kailanman iyon ipinahalata sa kanila ng Ate Remi. Palagi itong malakas, matapang at masayahin sa harap nilang tatlo, pero mahina ito kapag wala nang nakakakita.
Noong isang gabi bago dumating ang kaarawan ng kaniyang Ate Remi ay may nalaman siyang nakakakilabot na pinagdadaanan ng kaniyang ate, na kailanman ay hindi nila napansin. Nang buksan niya ang computer nito upang mag-research ng mahalaga sana niyang gagawin para sa trabaho ay nakita niya kung ano ang palaging nire-research ng kaniyang ate.
Am I mentally unstable? How to d** without any feeling of pain?
Iyak siya nang iyak nang makita ang mga lihim na tanong ng kaniyang ate. Mga tanong na hindi nito kayang sabihin sa kanila, dahil ayaw nitong mag-alala sila. Mga sakit na pilit nitong ikinukubli sa pamamagitan ng ngiti.
“Ate, tatandaan mo na mahal na mahal kita ah, mahal ka namin nina Blake at Brielle, wala kami kung hindi dahil sa’yo. Salamat ate, ah. Sobrang maraming-maraming salamat,” umiiyak niyang sambit.
Hindi niya alam kung paano papawiin ang lahat ng dinadala ng kapatid. Pero sana sa simpleng pagpapahalaga at pag-alala rito’y makakatulong sa kapatid na isiping hindi ito nag-iisa sa mundo. Naroroon sila na handang sandalan nito.
“Salamat, Evie, mahal ko rin kayong lahat,” tumatangis na wika ni Remi.
“Ate, nandito lang ako palagi ah. Kung ano man ang bigat d’yan sa puso mo, handa akong makinig ate, makikinig ako. Huwag mong kimkimin ah,” ani Evie, na agad namang tinanguan ni Remi at yumakap sa kapatid nang mahigpit.
Walang sinasabi si Remi, iyak lamang ito nang iyak. Pakiramdam niya’y gumaan ang lahat ng bigat nang matapos niyang iiyak ang lahat na bumabagabag sa kaniyang isipan. Tama nga ang sinasabi na ilabas mo ang lahat, walang masamang umiyak. Hindi kahinaan ang pag-iyak. Hindi por que umiyak ka’y mahina ka na, at hindi rin por que naglabas ka ng bigat sa iba’y duwag ka. Nakakatulong ang mga iyon upang mas maging matapang ka sa hamon ng buhay.
Nang matapos mag-iyakan ay napagpasayahan nila ni Evie at Remi na hintayin ang dalawa pang kapatid upang sabay-sabay na silang kumain na apat. Basta’t magkakasama, lahat ay magagawa nilang kayanin.