Walang Tindahan ang Gustong Magpautang sa Pamilya Dahil Matagal Sila Kung Magbayad; Paano na Kaya Sila?
Nakangiting bumaba si Sally sa kotse ng kaibigang si Oliver. “Salamat, frenny, mag-iingat ka pauwi ah,” bilin niya rito. Nang tuluyang makababa ay kinawayan niya ito at isinara ang pinto ng kotse.
Galing sila sa isang birthday party ng isa ring kaibigan. Dahil may kotse ang binata at madadaanan naman nito ang kaniyang bahay ay nakisabay na siya rito. Malaking bagay na rin iyong malibre siya ng pamasahe.
Naglalakad siya patungo sa kaniyang bahay nang mapansin ang pamilyar na rebulto ng isang lalaking nakaupo sa labas ng pintuan na tila may hinihintay. Salubong ang kilay na pilit niyang inaaninag kung sino ito. Nang mapansin ng lalaki ang kaniyang presensya’y tila nagliwanag ang mukha nito at tumayo saka naglakad palapit sa kaniya.
“Denmar, ikaw pala iyan,” sambit niya at ngumiti. Si Denmar ay anak ni Aleng Dina, ang babaeng tinatawag niya kapag kailangan niya ng maglilinis ng kaniyang bahay at maglalaba ng kaniyang maruruming damit. “A-Anong ginagawa mo rito ng dis-oras ng gabi?” takang tanong niya.
“Nakakahiya po sa inyo, Ate Sally, pero wala na po kasi kaming ibang matatakbuhan,” nakayukong wika ni Denmar. “Pwede po bang makahiram ng bigas, Ate Sally? Hindi po kasi kami pinautang ni Aling Alice, kasi matagal daw kaming magbayad ng utang hindi daw nakakaikot ang puhunan niya, kaya ang sabi ni mama ay subukan kong manghiram sa’yo kahit dalawang kilong bigas lang po,” anito.
Pakiramdam ni Sally ay parang may pumiga sa puso niya. Wala sa loob na tiningnan niya ang suot na relong pambisig at gusto niyang maiyak sa awa para sa binatang si Denmar at sa iba pa nitong maliliit na kapatid.
Construction worker ang asawa ni Aling Dina, sa malayong lugar ito nakatalaga, kaya tuwing sabado ng gabi lamang itong umuuwi sa pamilya at doon lamang nagkakapera at makakabayad ng utang si Aling Dina sa lahat ng nautangan nito. Kaya kung ang paninda mo’y pinapaikot-ikot mo lang ay talagang malulugi ka, dahil isang linggo muna ang lilipas bago ka mabayaran.
Sapat lamang ang sinasahod ng asawa ni Aling Dina para sa pangkain nila, madalas nga’y kinukulang pa kaya ang ginagawa ng ale ay rumaraket ito ng labada, at paglilinis sa mga kapitbahay na wala nang oras upang gawin iyon, para lamang may maibigay at may maipakain siya sa mga anak kapag wala pa ang asawa.
“Ibig sabihin Denmar, hanggang ngayon ay wala pa kayong kain?” naaawang tanong ni Sally.
Marahang tumango ang binata. Alas onse na ng gabi, malamang kanina pa siyang hinihintay ni Denmar. Ngali-ngali siyang naglakad upang maibigay ang kailangan nito. Nang makapasok sa loob ng bahay ay agad siyang naghanap ng plastik na mapaglalagyan ng bigas. Dalawang kilo lamang ang hiningi ni Denmar ngunit ginawa niya na iyong limang kilo.
Mag-isa lang naman siya sa bahay kaya marami siyang naka-stock na de-latang hindi naman niya nakakain, lalo na kapag nagkayayaan ang mga kasama niyang kumain sa labas. Kumuha rin siya ng ilang piraso roon at isinama sa ibibigay. Nilingon niya ang pagkaing dala mula sa birthday party ng kaibigan. Ngayon niya gustong pasalamatan si Cheska sa pamimilit nitong ipagbalot siya ng iilang putahe ng ulam, mariin pa naman niya iyong inayawan kanina. Kasama na rin niyang ibibigay iyon upang hindi na kailangang mag-isip ni Aling Dina kung ano ang ipapaulam sa mga anak.
Nang matapos ihanda ang lahat ng ibibigay ay agad niyang inabot iyon kay Denmar, na agad nagpasalamat sa nakitang laman ng malaking supot.
“Maraming-maraming salamat po, Ate Sally,” mangiyak-ngiyak na wika ng binata.
Lihim na napangiti si Sally sa nakitang saya sa mukha ni Denmar. Kung tutuusin ay maliit na bagay lamang ang mga ibinigay niya, pero alam niyang para sa kagaya ni Denmar ay napakalaking bagay na niyon. Dahil iyon rin ang nararamdaman niya noon kapag may mabubuting puso ang nag-aabot sa kanila ng maliit na tulong.
Wala siyang mga magulang, tanging lola lamang niya ang nagpalaki sa kaniya. Wala silang maayos na bahay at hindi nila kayang umupa ng matinong bahay ng lola niya kaya sa lansangan lamang sila natutulog. Dahil matanda na ang kaniyang lola, kaya hindi na nito kayang magtrabaho pa. At sa mga panahong iyon ay sobrang bata pa niya.
Namamalimos sila sa daan at tila hulog ng langit na para sa kanila kapag may nagbigay ng barya. Kaya ipinangako niya sa sariling magsisikap siya sa buhay upang makatikim naman ang kaniyang lola ng maalwan na buhay, ngunit pumanaw na ito bago pa man niya natupad ang lahat ng kaniyang pangarap.
Isa rin sa dahilan kaya ang bilis niyang maawa sa mga taong hirap sa buhay, dahil alam niya ang pakiramdam ng walang-wala. Iyong tipong masaya ka na kapag nakabili ka ng isang pirasong tinapay panglaman sa kumakalam na sikmura.
“Isaing mo agad ang bigas na iyan at iniitin mo na lang ang ulam na dala ko, Denmar. Pagsaluhan niyo iyan. Pasensya ka na ah, kung alam ko lang na hinihintay mo ako rito, sana kanina pa ako umuwi,” aniya.
Mangiyak-ngiyak na tumingala ang binata at niyakap siya. “Maraming-maraming salamat po talaga, ate. Hulog ka ng langit sa pamilya ko. Sana huwag kang magbago, pangako ate, makakabawi rin kami sa kabutihan mo,” humihikbing wika ni Denmar.
Tumango siya at saka nagpaalam na rin si Denmar upang maihanda ang mga ibigay niya at para makakain na rin ang mga ito. Magaan ang loob niya dahil alam niyang sa gabing iyon ay may pamilya siyang natulungan kahit sa pinakasimpleng paraan.