Inday TrendingInday Trending
Kung Ano raw ang Puno ay Siya Ring Bunga; Napatunayan Iyon ng Dalaga Nang Siya ay Mag-Asawa

Kung Ano raw ang Puno ay Siya Ring Bunga; Napatunayan Iyon ng Dalaga Nang Siya ay Mag-Asawa

Nagmamadali ang bawat hakbang ni Alina habang pauwi sa bahay nila. Gusto niyang masaksihan ang lahat nang personal kung ano ba talaga ang buong katotohanang ginagawa ng kaniyang asawa sa kaniyang likuran. Isang linggo na mula noong hindi siya umuwi sa bahay nila at piniling magstay-in na lang sa trabaho upang mas makatipid sa pamasahe, at iwas pagod na rin sa biyahe.

Maayos naman ang naging usapan nila ng kaniyang mister na si Rohan, pumayag naman ito sa gusto niyang mangyari at sa katunayan nga ay wala namang naging problema. Ngunit bigla lamang siyang nagduda at kinabahan kanina habang kausap ang ina nito sa telepono.

Nais lang sana niyang tanungin ang biyenan kung nasa bahay ba ang anak nitong si Rohan, ang alam niya kasi’y pahinga nito ngayon sa trabaho. Ngunit nakailang ulit na siyang tumatawag ay hindi man lang ito sumasagot. Hindi niya alam kung anong mayroon. Pasado alas tres na ng hapon at imposibleng tulog pa rin ang asawa.

Sinagot naman ng biyenan ang kaniyang tawag ngunit tila aligaga ito at nagmamadaling matapos ang kanilang tawag. Doon na nagsimulang umakyat ang duda sa kaniyang isipan. Nangyari na ito noon, mukhang nauulit lang ngayoon. Ganito na ganito ang ugali ni Rohan kapag nambababae.

“A-Alina!” gulat na bungad ng ina ni Rohan nang pagbuksan siya ng pinto.

“Bakit parang gulat na gulat kayo, mama?” takang tanong ni Alina sa biyenan. “Tulog pa rin ba si Rohan?” tanong niya at agad na umakyat sa itaas patungo sa kanilang silid.

Hindi pa man nakakasagot ang ina ni Rohan ay narating na ni Alina ang pintuan ng silid at agad niya iyong binuksan upang magulantang sa nakitang kahayupan ng asawa. Walang ano-ano’y siniguod ni Alina ang asawa at ang babaeng kampanteng natutulog sa kama nila.

“Ang kakapal ng mga mukha ninyo!” galit na sigaw ni Alina habang ibinabato sa dalawa ang anumang bagay na kaniyang mahawakan.

“Alina, tama na! Kalma ka lang,” pigil ng ina ni Rohan sa pagwawala ng manugang.

Animo’y nagpanting ang tainga ni Alina sa sinabi ng ina ni Rohan at hindi niya naiwasang harapin ito upang sa biyenan ibuhos ang lahat ng galit na kaniyang naramdaman.

“Kalma?! Paano ako kakalma, ma, kung ganitong eksena ang masasaksihan ko?!” gigil niyang kausap sa biyenan.

Bumangon si Rohan upang awatin si Alina sa ginagawang pagsagot nang pabalang sa kaniyang ina, ngunit sagad na ang galit ni Alina sa pamilya ni Rohan, lalong-lalo na sa ina nitong kunsintidor. Wala na siyang pakialam kung maging bastos siya sa paningin nito, ang tanging pakialam na lamang niya ngayon ay mailabas ang galit na ilang taon na niyang kinikimkim.

“Ang kapal rin ng mukha mo!” aniya saka malakas na sinampal si Rohan sa magkabilang pisngi. “Pumasok ako sa buhay mo kasi akala ko kaya kitang baguhin. Ginamit ko ang labis na pagmamahal ko para sa’yo at umasang ako na sana ang huling babaeng mamahalin mo…pero nagkamali ako, Rohan!” humahagulhol na wika ni Alina, nasa dibdib pa rin ang labis na galit.

“Ang dami-daming mong kasalanan na pinalampas ko. Iniwan ko ang anak natin sa poder ng pamilya ko, kasi gusto kong tulungan kang itaguyod ang pamilya natin, pero anong ginawa mo! Wala ka nang ibang ginawa kung ‘di ang mambabae, tumikim ng iba’t-ibang putahe! At ito namang ina mong kunsintidora, kahit alam niyang mali ang ginagawa ng anak niya’y hindi ka niya magawang sawayin dahil gawain rin niya ang ginagawa mo ngayon!” gigil na dinuro-duro ni Alina ang biyenan.

Iyon ang totoo. Hindi niya hinusgahan ang biyenang babae sa pagiging lalakero nito. Iniwan nito ang ama ni Rohan, para sa mas batang lalaki, at nang magsawa sa batang lalaki’y naghanap na naman ng panibago. Ganoon nang ganoon ang ginagawa ng ina ni Rohan, ngunit hindi niya ito hinusgahan. Ito ang ina ng kaniyang asawa kaya iginalang niya kung ano man ang tingin niya’y magpapasaya sa ina. Ngunit ang kunsintihin nito pati ang anak ay maling-mali na!

Awang-awa na siya sa kaniyang sarili. Ito na ang huling beses na magbubulag-bulagan s’ya sa lahat ng panloloko ni Rohan. Bakit nga ba niya ipinagsisiksikan ang sarili sa taong walang ginawa kung ‘di saktan siya? Ayaw niyang dumating sa puntong pati siya’y mawalan na ng respeto para sa kaniyang sarili at mas ayaw niyang masaksihan ng kaniyang anak ang kahayupan ng ama nito at ng lola nito.

Ayaw niyang itanim sa utak ng kaniyang anak na ayos lang ang magpalit nang magpait ng babae o lalaki sa buhay, gaya sa ginawa ng ina ni Rohan. Desidido na siya, ibinababa na niya ang krus na matagal na niyang pasan-pasan.

Advertisement