Hindi Matanggap ng Dalaga ang Pag-Aasawang Muli ng Ina; Mga Baso ang Naging Dahilan Upang Magbago ang Kaniyang Isip
“Reign, nandito ka na pala. Maagang umuwi ang Papa Delfin mo. Halika rito at sabayan mo kaming kumain. Masarap itong lasagna na niluto ng papa mo,” paanyaya ni Melody sa kaniyang nag-iisang anak.
“Kayo na lang ang kumain at nawalan na ako ng gana. Saka itsura pa lang ay parang hindi na masarap!” sagot naman ng dalaga.
“Reign, hindi maganda ‘yang sinasabi mo. Humingi ka ng tawad sa Papa Delfin mo. Nagluto nga siya nito dahil alam niyang paborito mo ito,” muling sambit ng ginang.
“P’wede ba, ‘ma, tigilan niyo nang ipilit sa akin ang pagtawag sa kaniya ng papa dahil hindi ko naman siya tunay na tatay! At kahit kailan ay hindi niya ako magiging anak. Kung gusto n’yong kumain ay kayo na lang. Huwag n’yo na akong idamay d’yan sa mga walang kwenta n’yong ginagawa,” pabadog na sambit ng anak.
Hindi nagustuhan ni Melody ang pagsagot ng kaniyang anak kaya susundan niya sana ito upang kausapin ngunit pinigilan siya ni Delfin.
“Hayaan mo, Melody, unawain na lang muna natin siya. Hindi madali para sa kaniya ang sitwasyong ito,” saad ng ginoo.
“Kung hindi ko suswetuhin ang batang iyan ay baka lalong humaba ang sungay,” saad naman ni Melody.
“Hayaan mo na at ako ang kakausap sa kaniya kapag mahinahon na siya. Huwag mong madaliin ang anak mo, Melody. Darating din ang araw na matatanggap niya ang pagsasama natin,” saad muli ni Delfin.
Makalipas kasi ng isang taon na hiwalayan ay tuluyan nang nawalan ng bisa ang kasal ni Melody sa dati niyang asawa at ama nitong si Reign. Ngunit hindi pa rin matanggap ng anak ang muling pagpapakasal ng ina. Para kasi sa kaniya, kung magmamahal lang muli ang ina’y walang iba na ito kung hindi ang kaniyang ama.
Kinagabihan ay kinausap ni Melody ang kaniyang anak.
“Hindi ko nagustuhan ang inasal mo kay Delfin. Reign, anak, kailangan mo nang matutunan na parte na rin siya ng pamilyang ito. Kasal na kami at isa na tayong pamilya,” saad ng ginang.
“Ikaw lang naman ang masaya sa pagpapakasal mo, ‘ma. Kung magpapakasal ka lang pala ulit ay dapat sa daddy ko na. Iyon ang tunay na pamilya! Hindi naman ako anak niyang lalaking iyan. Saka gaano ka nakakasigurado na hindi ka nga niya lolokohin? Bakit kasi hindi mo na lang ayusin ang relasyon mo kasama ni daddy?!” wika muli ng dalaga.
“Hindi na maaayos ang lahat sa pagitan namin ni daddy mo. Anak, kahit na hindi mo naman tunay na ama si Delfin ay mahal ka niya ng parang sa kaniya talaga. Kung hahayaan mo lang sanang makilala siya, anak. Kung bubuksan mo lang sana ‘yang puso mo para sa kaniya,” pakiusap muli ni Melody.
Matigas ang puso nitong si Reign. Wala talaga siyang ibang gusto kung hindi ang kaniyang ama. Bigla tuloy nanumbalik sa kaniyang isipan ang pag-aaway na kaniyang nasaksihan na naging hudyat ng hiwalayan ng dalawa.
Masayang-masaya galing sa pagsho-shopping ang mag-ina nang inabutan nila sa bahay ang kanilang ama. Mainit ang ulo nito at tipong nakainom ng alak.
“Bert, tingnan mo itong mug na nabili namin ni Reign. Nag-iisa na ito. Hindi ba’t ubod ng ganda? Halika at tingnan mo. Bumili rin ako ng para sa iyo,” bungad ni Melody.
“Pumunta kayo ng mall para bumili ng walang kwentang baso na ‘yan? Ang dami-dami mo nang ganyan. Hindi mo naman iniinuman. Kita mo nga at nakatambak lang,” bulyaw ng mister.
“Alam mo namang kinokolekta ko ang mga ito. Saka hindi naman ito lang ang ipinunta namin sa mall. Nag-grocery na rin kami ni Reign at namili ng ibang gamit para dito sa bahay. Hindi ba’t pupunta ang mga kamag-anak mo rito sa susunod sa linggo para sa iyong kaarawan,” malumanay na wika muli ng ginang.
“P’wede ba, Melody, tigilan mo na nga ang pagpapakitang tao sa mga kamag-anak ko. Hindi mo naman kailangang magpanggap na ayos tayo! Sawang-sawa na rin ako sa pagsasama natin. Hindi ko na makakayanan pa ‘to!” tumayo si Bert at saka tinabig ang mga biniling mug ni Melody.
Nang mabasag ang mga ito’y isa-isang pinulot ng ginang ang mga bubog.
“Kung gusto mo nang umalis sa bahay na ito’y malaya ka na. Tutal pagod na rin ako sa ugali mo,” wika muli ng ginang.
Para kay Reign ay napakababaw na dahilan lang ang nangyari, pero simula noon ay nanlamig na ang relasyon ng kaniyang mga magulang. Madalas nang magbulyawan ang dalawa. Hanggang sa nagdesisyon na silang tuluyang maghiwalay.
Hindi maipaliwanag ng dalaga ang kaniyang lungkot ng mga sandaling iyon. Hindi pa nga siya nakakapag-move on mula sa hiwalayan ng kaniyang mga magulang ay may ipinakilala na ang kaniyang ina. Si Delfin, ang bagong nagpapatibok ng puso nito.
Habang nasa hardin si Reign at nagpapahangin ay pinuntahan naman si Delfin upang kausapin. Palagi niyang iniiwasan ang pagkakataong ito ngunit ngayon ay wala na siyang kawala.
“Reign, nauunawaan ko na hindi mo alam kung saan ka lulugar sa pamilyang ito. Mahirap nga namang makasama ang isang taong hindi mo naman kadugo. Pero gusto ko lang malaman mo na hindi ka iba sa akin. Itinuturing na rin kitang anak. Lahat ng mahal ni Melody ay mahal ko rin. Kaya huwag kang mahihiyang magsabi sa akin. Para mo na rin akong ama,” wika ni Delfin.
“Kahit kailan ay hindi mo mapapalitan ang daddy ko!” sambit ni Reign.
“At wala naman akong balak na palitan siya sa puso mo, hija. Narito lang ako para dagdag suporta mo. Kung kailangan mo ng ama o kahit ng kaibigan, huwag kang mahihiyang lumapit sa akin. Alam kong hindi maganda ang tingin mo sa akin, Reign, pero maniwala ka, mahal ko ang mommy mo. Tapat ang nararamdaman ko sa kaniya. At wala akong gagawin na magpapalungkot sa kaniya,” saad pa ni Delfin.
“Hindi mo ako maloloko. Bahala kayong dalawa kung gusto n’yong maglokohan pero hindi niyo mabibilog ang ulo ko. Ibang tao ka pa rin para sa akin!” saad muli ng dalaga.
Hindi na ipinilit ni Delfin ang kaniyang sarili. Nais niya na kusang maramdaman ni Reign ang pagmamahal niya para sa kanilang mag-ina.
Walang araw na lumipas na hindi pinakitaan ng hindi maganda ng dalaga ang kaniyang amain. Madalas niya itong bastusin kahit sa harap ng ilang kaibigan at kamag-anak. Minsan nga ay sinasaway na rin siya ng mga ito pero wala siyang pakialam.
Dahil dito ay umiksi na ang pisi ni Melody.
“Reign, pasama na nang pasama ang nagiging asal mo. Hindi naman kita ganito pinalaki, a? Humingi ka ng tawad sa Papa Delfin mo!” sambit ng ginang.
“Ilang ulit ko bang sasabihin sa iyo na hindi ko tatay ‘yang lalaki na ‘yan kaya ayaw ko siyang tawaging papa?!” sigaw ng dalaga.
“At sino ang gusto mo? ‘Yung ama mong walang ibang alam gawin kung hindi intindihin ang sarili niya? Kung mahal ka talaga niya, Reign, nasaan ba siya ngayon?” pagtataas ng boses ni Melody.
“Hindi ba’t pinalayas mo siya? Nang dahil sa simpleng away dahil sa isang mug ay nanlamig ka na sa kaniya! Tingilan mo na siyang mahalin! Ikaw ang sumira ng pamilyang ito para makasama mo ‘yang lalaking ‘yan!”
“Ganung kababaw lang ba ang tingin mo, anak? Ayaw ko na sanang sabihin sa iyo ang katotohanan pero kailangan mo na itong marinig. Umalis ang papa mo dahil may iba na siyang pamilya. Ilang beses na niya akong niloko. Hindi lang sa relasyon kung hindi sa maraming bagay! Pilit kong inaayos ang pamilya natin pero hindi na siya nagbago. Ang malala pa nga doon ay hindi man lang siya nagtira ng pera para mabuhay ka! Si Delfin ang sumagip sa ating dalawa!” pahayag ng ina.
Natigilan nang bahagya ang dalaga. Hindi siya makapaniwala sa kaniyang nalaman. Ang buong akala niya’y simple lang talaga ang pinagmulan ng alitan ng kaniyang mga magulang.
“Pilit naming inilalapit ang sarili namin sa iyo, Reign, pero ikaw ang lumalayo. Kung hindi mo kayang igalang si Delfin bilang kabiyak ko ay galangin mo naman siya bilang tao,” sambit ni Mildred sabay talikod sa anak.
Hinayaan na lang muna ni Melody si Reign na mapag-isa upang pagnilayan nito ang kaniyang mga kamalian.
Lumabas siya ng silid ng anak at saka nagtungo sa kusina kung nasaan din si Delfin. Tamang-tama at may inihanda itong surpresa sa kaniya.
Nanlaki ang mga mata ni Melody nang makita ang isang bagong tukador.
“Ginawa ko ito sa shop para sa mga koleksyon mo. P’wede mo na silang i-display isa-isa! Sana ay natuwa ka,” saad ni Delfin.
Napaluha naman si Melody. Sa unang pagkakataon kasi ay may naka-appreciate ng kaniyang koleksyon.
“Walang kasing ganda ang surpresa mo sa akin, mahal. Maraming salamat! Ang saya-saya ko talaga! Alam na alam mo kung paano ako paliligayahin!” tugon ni Melody.
Samantala, napagtanto na ni Reign na mali nga ang pagtrato niya sa kaniyang Tito Delfin. Simula kasi nang ikinasal ang kaniyang ina rito ay hindi na rin niya ito pinakitaan ng maganda. Pinag-isipan niyang mabuti ang lahat at doon n’ya lubusang naunawaan ang lahat.
Lumabas ng silid si Reign upang kausapin ang ina at at si Delfin at para na rin humingi ng tawad. Naabutan niya ang dalawa na masayang-masaya habang inaayos ang mga koleksyong mug ng ina.
Habang pinapanood ng dalaga ang mag-asawa ay naunawaan na niya ang lahat. Napatunayan niyang mahal talaga ni Delfin ang kaniyang ina. Hindi pa niya nakita nang ganito kasaya ang mommy niya.
“‘Ma, Papa Delfin,” tawag ni Reign na labis na ikinagulat ng dalawa. “Patawarin n’yo po ako sa lahat ng nagawa ko. Sana po ay mapatawad ninyo ako. Sana po ay makapagsimula tayong muli bilang pamilya.”
Nilapitan ng dalawa si Reign at niyakap.
“Anak, walang pagsidlan ang kaligayahan ko ngayon dahil sa sinabi mong iyan. Mahal na mahal ka namin ng Papa Delfin mo. Masaya ako na tuluyan mo na siyang natanggap,” wika ni Melody.
“Masaya ako na tanggap mo na ako, anak. Tulad ng sinabi ko, hindi ko papalitan ang daddy mo sa puso mo, pero gagawin ko ang lahat bilang tatay mo, Reign. Lagi lang akong narito para sa inyo ng mommy mo,” muling saad ng ginoo.
Masayang nakisalamuha si Reign sa kaniyang mga magulang sa pagsasalansan ng mga mug sa bagong tukador. Hudyat na ito sa masaya nilang pagsasama bilang isang buong pamilya.